Dulaan, Teatro
Isang istraktura (theʹa·tron kung tawagin ng mga Griego) kung saan ipinapalabas ang mga pagtatanghal ng drama, trahedya, komedya, sayaw, musika, at mga panoorin. Kadalasan, sa dulaan ipinapalabas ang imoral na mga pagtatanghal, na iniiwasan ng tapat na mga Kristiyano. (Efe 5:3-5) Ngunit nagsilbi rin itong dakong mapagtitipunan ng publiko para sa iba pang mga layunin.
Ang dulaang nasa Efeso ang pinagdalhan sa mga kasamahan ni Pablo sa paglalakbay nang si Demetrio na panday-pilak ay magsulsol ng kaguluhan laban sa mga misyonerong Kristiyano na ito. Bagaman nais pumaroon ng apostol sa mga taong nagkakatipon sa dulaan, pinakiusapan siya ng mga alagad at ng ilang palakaibigang komisyonado ng mga kapistahan at mga palaro na huwag gawin iyon.—Gaw 19:23-31.
Ang mga dulaan o teatro ay pinasimulang itayo sa Gresya humigit-kumulang noong ikalimang siglo B.C.E. patuloy, at nang maglaon ay itinayo ang mga ito sa iba’t ibang pangunahing lunsod. Karamihan sa mga teatrong Griego ay itinayo na hugis hating-bilog sa may-ukang dalisdis ng isang burol. Maaaring gawa sa kahoy o bato ang mga upuan. Sa pamamagitan ng mga daanan ay nahahati ang mga ito sa mga seksiyon, at nakahilera ang mga ito nang baytang-baytang sa di-gaanong matarik na dahilig ng burol. Nasa gitna ang or·kheʹstra (isang dako para sa pagsasayaw o sa koro), at sa likod naman nito ay may entabladong nakaangat at may ske·neʹ, o background.
Natagpuan ang mga guho ng mga teatro sa mga lugar na gaya ng Efeso, Atenas, at Corinto. Ang malaking teatro na nahukay sa Efeso ay may 66 na hanay ng mga upuan at makapaglalaman nang hanggang 25,000 manonood. Napakahusay ng akustika nito noon, at hanggang sa ngayon, anupat maging ang mahinang tinig mula sa entablado ay madaling maririnig sa pinakamataas na hanay.
Kalimitan, itinatayo ng mga Romano ang kanilang mga teatro bilang hiwalay na mga gusali na hindi nakadepende sa dahilig ng kalupaan. Kung minsan, ang kanilang mga teatro ay may bubong sa entablado at sa isang bahagi ng dakong inuupuan. Ang isa pang uri, ang Romanong ampiteatro, ay isang walang-bubong na istrakturang pabilog o biluhaba na sa gitna ay may malaking espasyo o arena, at mula roon ay may mga upuang nakapaikot at baytang-baytang. Ang Colosseum sa Roma, na natapos noong 80 C.E. at may nalalabi pa ring bahaging nakatayo sa ngayon, ay isang bantog na Romanong ampiteatro. Nagpagawa si Herodes na Dakila ng mga teatro sa iba’t ibang lunsod, pati na sa Damasco at Cesarea. Sinabi ni Josephus na si Herodes ay “nagpagawa ng teatro sa Jerusalem, at pagkatapos niyaon ng isang napakalaking ampiteatro sa kapatagan.”—Jewish Antiquities, XV, 268 (viii, 1).
1Co 4:9) Sa gayo’y tinukoy ni Pablo ang nakaugaliang pansarang palabas ng Romanong mga paligsahan ng mga gladyador sa arena ng ampiteatro, kapag ang ilang kalahok ay inilalabas nang walang saplot at pandepensa, anupat isinasailalim sa pagpaslang at tiyak na kamatayan.
Ang salitang Griego na theʹa·tron ay maaaring tumukoy sa dakong pinagtatanghalan ng isang palabas o sa “pandulaang panoorin” mismo. Sumulat si Pablo: “Sapagkat sa wari ko ay kaming mga apostol ang huling inilagay ng Diyos sa tanghalan bilang mga taong itinalaga sa kamatayan, sapagkat kami ay naging pandulaang panoorin [theʹa·tron] sa sanlibutan, at sa mga anghel, at sa mga tao.” (Nakaugalian ng mga Griego at mga Romano na dalhin sa dulaan ang mga kriminal na hinatulan ng kamatayan, kung saan tinutuya ang mga ito ng nagkakatipong karamihan. Sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo, at maliwanag na tinukoy niya ang kaugaliang ito. Bagaman walang rekord na nagsasabing ang mga Kristiyanong ito ay dumanas ng gayong pagtrato, nagbata sila ng katulad na mga pagdurusa. Hinimok sila ng apostol: “Patuloy ninyong alalahanin ang mga araw noong una nang, pagkatapos na kayo ay maliwanagan, kayo ay nagbata ng matinding pakikipagpunyagi sa ilalim ng mga pagdurusa, kung minsan ay habang inilalantad kayo na waring nasa dulaan kapuwa sa mga pagdusta at mga kapighatian, at kung minsan ay habang nagiging mga kabahagi kayo niyaong mga may gayong karanasan.”—Heb 10:32, 33.