Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Duma

Duma

1. Ang ikaanim sa talaan ng 12 anak na lalaki ni Ismael. Si Duma ay naging bayaw ng kaniyang pinsan sa ama na si Esau dahil napangasawa ito ng kaniyang kapatid na babae na si Mahalat. Si Duma rin ay naging pinuno at ulo ng isang lipi, o bansa, bilang katuparan ng pangako ni Jehova kay Abraham.​—Gen 17:20; 25:14-16; 28:9; 1Cr 1:30.

Maliwanag na isinunod ng Ismaelitang si Duma sa kaniyang pangalan ang katawagan sa isang rehiyon sa H Arabia na nasa kalagitnaan ng Lupang Pangako at ng T ng Babilonia. Nananatili pa rin ang pangalang ito sa pangalan ng oasis na Dumat al-Ghandal (tinatawag ngayon na Al-Jawf). May binabanggit ang Asiryanong si Haring Senakerib na Adummatu, na “nasa disyerto.” Sinasabi naman ni Esar-hadon na may Adumu na sinakop ng kaniyang amang si Senakerib.

2. Isang lunsod na nakatalang kabilang sa mga iniatas sa tribo ni Juda pagkatapos na masakop ni Josue ang lupain. (Jos 15:52) Ito ay nasa bulubunduking pook at ipinapalagay na ito ang Khirbet Domeh ed-Deir (Duma), na mga 15 km (9 na mi) sa TK ng Hebron.

3. Sa Isaias 21:11 ay may isang kapahayagan laban sa “Duma.” Gayunman, agad na binanggit ang “Seir,” at maaaring ipinahihiwatig nito na ang mensahe ay nakatuon laban sa Edom. (Gen 32:3) Ang Griegong Septuagint naman ay kababasahan doon ng “Idumea” (ang lupain ng mga Edomita) sa halip na “Duma.”