Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dumalagang Baka

Dumalagang Baka

[sa Heb., ʽegh·lahʹ; sa Gr., daʹma·lis; sa Ingles, heifer].

Batang baka na hindi pa nakapagsilang ng guya.

Kasama ang dumalagang baka sa mga hayop na hiniwa ni Abraham sa dalawang bahagi. Pagkatapos ay nakakita siya ng “isang umuusok na hurno at isang maapoy na sulo na dumaan sa pagitan ng mga putol ng hayop.” Nangyari ito nang pagtibayin ng Diyos ang isang tipan sa kaniya.​—Gen 15:9-18.

Sa Israel, ang taong humipo sa bangkay, buto o libingan ng tao, o pumasok sa isang tolda kung saan may nakahigang bangkay, ay marumi. Kailangan siyang sumailalim sa isang espesipikong pamamaraan ng paglilinis, kung hindi’y parurusahan siya at “lilipulin mula sa gitna ng kongregasyon.” Ginagamit sa pamamaraang ito ang abo ng isang malusog na pulang baka na hindi pa napapatungan ng pamatok. Inihahalo ito sa tubig, na iwiniwisik naman sa taong marumi. Tinukoy ni Pablo ang pamamaraang ito at ipinakita niya na nakapagpapabanal lamang ito hanggang sa ikalilinis ng laman, ngunit lumalarawan ito sa tunay na paglilinis ng budhi sa pamamagitan ng hain ni Jesu-Kristo.​—Bil 19:1-22; Heb 9:13, 14.

Ginagamit din ang isang batang baka kapag may nakapataw na pagkakasala sa dugo sa isang lunsod dahil sa isang pagpaslang na hindi nalaman kung sino ang salarin. Ang matatandang lalaki ng lunsod na pinakamalapit sa taong natagpuang pinatay, kasama ang ilang saserdote ng mga anak ni Levi, ay kailangang kumuha ng isang batang baka na hindi pa nagagamit na pantrabaho at babaliin nila ang leeg nito sa isang di-sinasakang agusang libis na dinadaluyan ng tubig. Pagkatapos, ang matatandang lalaki ng lunsod na iyon ay maghuhugas ng kanilang mga kamay sa ibabaw ng batang baka at mamamanhik sa Diyos na huwag Siyang maglagay ng pagkakasala sa dugo sa lunsod na iyon. Diringgin ng Diyos ang pakiusap at aalisan ang lunsod ng pagkakasala ng pagbububo ng dugong walang-sala. Ang pagbali sa leeg ng baka, sa halip na patayin ito bilang isang handog ukol sa kasalanan, ay nagpapahiwatig na, bilang sagisag, dinanas ng baka ang kaparusahang dapat sanang danasin ng di-kilalang mamamaslang, ngunit sa anumang paraan ay hindi pinakikinabangan ng mamamaslang ang pamamaraang ito bilang pambayad-sala sa kaniyang krimen. Ipinauubaya sa Diyos na Jehova, na nakakakita ng lahat, ang paghatol sa tunay na mamamaslang. Sabihin pa, kung sa kalaunan ay matuklasan kung sino ang pumaslang, papatayin siya dahil sa ginawa niyang pagpaslang, gaya ng hinihiling ng Kautusan. Ang seremonya may kinalaman sa batang baka ang magpapabatid ng insidenteng ito sa madla at tutulong upang mabunyag kung sino ang mamamaslang.​—Deu 21:1-9; Bil 35:30-33.

Nang ang bansang Ehipto ay namamayan nang sagana at nakakakain nang mainam sa kaniyang lupain, makasagisag itong tinukoy ng propetang si Jeremias bilang “isang napakagandang dumalagang baka,” ngunit inihula niya paparating na ang pagkatalo nito. (Jer 46:20, 21) Inihalintulad din ng propetang iyon ang mga Babilonyong manlulupig ng bayan ng Diyos sa isang dumalagang baka na dumadamba sa murang damo, dahil nagbunyi sila sa pagbihag nila sa Israel. (Jer 50:11) Tinukoy ni Oseas ang Efraim (ang sampung-tribong kaharian) bilang isang sinanay na dumalagang baka na dati’y nasa ilalim ng pagtuturo at pagpapala ng Diyos at may kasaganaan, yamang ang hayop na gumigiik ay pinahihintulutang kumain mula sa kaniyang pinagpagalan, na hindi naman kabigatan.​—Os 10:11; Deu 25:4.