Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ebano

Ebano

[sa Heb., hov·nimʹ; sa Ingles, ebony].

Ang terminong ito ay pinaniniwalaang tumutukoy sa kahoy na nagmula sa Diospyros ebenum o sa katulad na mga uri ng puno na kabilang sa gayunding genus. Ang punong ito ay tumataas, may simpleng mga dahon at hugis-kampanilyang mga bulaklak. Ang kahoy nito sa bandang labas ay malambot at maputi, ngunit ang pinakaubod nito, na ang diyametro ay umaabot nang hanggang 0.5 m (2 piye), ay napakatigas, may masinsing hilatsa, matibay, at maitim o matingkad na kayumanggi. Napakikintab ito nang husto. Dahil sa mga katangiang ito kung kaya angkop na angkop ito para sa paggawa ng magagandang muwebles, mga kagamitang pampalamuti, at bilang pangkalupkop kasama ng garing. Ginamit din ito ng mga pagano sa paggawa ng mga idolo para sa pagsamba.

Minsan lamang binanggit ang ebano sa Bibliya, sa Ezekiel 27:15, kung saan tinutukoy ito bilang isang kalakal. Sinasabing ang ebano at garing na binanggit doon ay nagmula sa India o Sri Lanka, marahil ay itinawid sa Dagat ng Arabia, pagkatapos ay sa Dagat na Pula, at saka idinaan sa katihan, o kaya naman ay mula sa Nubia sa HS Aprika. Gustung-gusto ito ng sinaunang mga Ehipsiyo, at may mga produktong yari sa ebano na natagpuan sa mga libingan sa Ehipto.