Eber
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “lampasán (tawirin)”; o, “kabilang ibayo [samakatuwid nga, ang kabilang panig]”].
Bukod sa pagiging personal na pangalan ng limang lalaki sa Bibliya, ang “Eber” ay ginamit sa Bilang 24:24 upang tumukoy sa lahing Hebreo o kaya’y sa isang rehiyon. Dito, isinalin ng Griegong Septuagint, Syriac na Peshitta, at Latin na Vulgate ang “Eber” bilang “mga Hebreo.” Gayunman, ang “Eber” sa kasong ito ay maaaring tumutukoy sa lupain o sa mga tao sa ‘kabilang ibayo’ ng Eufrates (bilang karagdagan sa Asirya, na binanggit sa talata ring iyon). Sa Hebreo, ang pananalita para sa “kabilang ibayo ng Ilog” (sa Heb., ʽeʹver han·na·harʹ) ay ginagamit kung minsan upang tumukoy sa rehiyon sa K ng Eufrates. (Ne 2:7, 9; 3:7) Sa 1 Hari 4:24, ang gayunding pananalitang Hebreo ay isinaling “sa panig na ito ng Ilog” (NW) o “sa kanluran ng Eufrates.” (RS) Ang katumbas na pananalitang Aramaiko ay ginagamit upang tumukoy sa rehiyon ng Sirya at Palestina.—Ezr 4:10, 11, 16, 17, 20; 5:3, 6; 6:6, 13.
1. Isang ninuno ni Abraham; anak ni Shela at ama nina Peleg at Joktan at ng iba pang mga anak. Noong mga araw ng kaniyang anak na si Peleg, na ang buhay ay nalampasan pa ni Eber nang mga 191 taon, ay “nabahagi ang lupa.” Ito ay maaaring tumutukoy sa panahon noong guluhin ni Jehova ang wika ng mga nagtatayo ng Babel at ng tore nito sa pangunguna ni Nimrod.—Gen 10:25; 11:14-19, 26.
Binabanggit sa Genesis 10:21 si “Sem, na ninuno ng lahat ng mga anak ni Eber [“ninuno ng lahat ng mga Hebreo,” AT, Mo], na kapatid ni Japet na pinakamatanda.” Maliwanag na ipinakikita sa talaan na may malapit na kaugnayan sina Eber at Sem dahil sa kahalagahan sa Bibliya ng mga inapo ni Eber, partikular na mula kay Abraham. Samakatuwid, hindi nililimitahan ng teksto ang mga inapo ni Sem sa mga Hebreo lamang, gaya ng nililiwanag ng kasunod na mga talata. Lumilitaw na ang mga inapo ni Eber kay Joktan ay nanirahan sa Arabia, samantalang yaon namang kay Peleg ay sa Mesopotamia.
2. Isang Gadita na naninirahan sa Basan, isang inapo ni Abihail.—1Cr 5:11, 13, 14.
3. Isang Benjamita na ipinakilala bilang anak ni Elpaal.—1Cr 8:12.
4. Isang pangulong Benjamita na nakatalang kabilang sa mga anak ni Sasak.—1Cr 8:22-25, 28.
5. Isang saserdoteng Levita; ulo ng sambahayan ni Amok sa panig ng ama. Maliwanag na si Eber ay kapanahon ng mataas na saserdoteng si Joiakim, ni Gobernador Nehemias, at ni Ezra na saserdote at eskriba.—Ne 12:12, 20, 26.