Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Eden

Eden

[Kaluguran].

1. Isang lugar kung saan naglagay ang Maylalang ng isang tulad-harding parke upang maging orihinal na tahanan ng unang mag-asawa. Iniulat na ang hardin ay nasa “Eden, sa dakong silangan,” na nagpapahiwatig na ang hardin ay isang bahagi lamang ng lugar na tinawag na Eden. (Gen 2:8) Gayunman, ang hardin ay tinawag na “hardin ng Eden” (Gen 2:15), at nang maglaon ay tinukoy ito bilang “Eden, na hardin ng Diyos” (Eze 28:13) at “hardin ni Jehova.”​—Isa 51:3.

Isinalin ng Septuagint ang salitang Hebreo para sa “hardin” (gan) sa pamamagitan ng salitang Griego na pa·raʹdei·sos. Ito ang dahilan kung bakit ang salitang “paraiso” ay iniuugnay sa hardin ng Eden.

Sinasabi ng Genesis 2:15 na “kinuha ng Diyos na Jehova ang tao at inilagay siya sa hardin ng Eden.” Bagaman waring ipinahihiwatig nito na nilalang ang tao sa labas ng hardin, maaaring nangangahulugan lamang ito na “kinuha” ng Diyos ang tao sa diwa na inanyuan at nilalang niya ito mula sa mga elemento ng lupa, pagkatapos ay itinalaga niya ito na manirahan muna sa hardin kung saan ito nabuhay. Inatasan ang tao na sakahin at alagaan ang hardin. Kabilang sa mga punungkahoy at mga halaman sa Eden ang lahat niyaong nagpapaganda sa tanawin at naglalaan ng sari-saring pagkain. (Gen 2:9, 15) Ipinahihiwatig nito na napakalawak ng harding iyon.

Napakarami ng uri ng hayop sa hardin. Dinala ng Diyos kay Adan ang “lahat ng maaamong hayop at ang mga lumilipad na nilalang sa langit at ang bawat mailap na hayop sa parang,” at ang pagbibigay ng pangalan sa mga ito ang isa sa pinakaunang mga gawain na ibinigay kay Adan. (Gen 2:19, 20) Ang lupa ng Eden ay nadidiligan ng tubig mula sa ilog na “lumalabas mula sa Eden.” (Gen 2:10) Dahil hubad noon ang tao, masasabing ang klima roon ay napakabanayad at kaayaaya.​—Gen 2:25.

Anong bunga ang ipinagbawal sa Eden?

Ang mga namumungang punungkahoy sa Eden ay inilaan upang makakain ang tao mula roon “hanggang masiyahan.” (Gen 2:16) Ngunit ipinagbawal sa mag-asawa ang isang punungkahoy, ang punungkahoy “ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Nang banggitin ni Eva ang pagbabawal na ibinigay ni Jehova sa kaniyang asawa, sinabi niya na ipinagbawal pati ang ‘paghipo’ sa punungkahoy, anupat kamatayan ang parusa sa kawalang-galang at paglabag sa utos ng Diyos. (Gen 2:17; 3:3) May iba’t ibang interpretasyon ang tradisyonal na mga turo hinggil sa ipinagbabawal na bunga: sumasagisag sa seksuwal na pagtatalik, na isinasagisag ng isang “mansanas”; basta kumakatawan lamang sa pagkakilala ng tama at mali; at tumutukoy sa kaalamang natatamo pagsapit sa pagkamaygulang at sa pamamagitan din ng karanasan, kaalaman na maaaring gamitin sa mabuti o masama. Gayunman, dahil sa utos ng Maylalang na “magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa” (Gen 1:28), ang bunga ng punungkahoy ay hindi maaaring sumagisag sa seksuwal na pagtatalik, sapagkat paano pa maisasagawa ang pag-aanak at pagpaparami? Tiyak na hindi ito nangangahulugan lamang ng kakayahang makilala ang tama at mali, sapagkat kailangang alam na ito ng tao upang masunod niya ang utos ng Diyos. Ni hindi rin naman ito tumutukoy sa kaalamang natatamo pagsapit sa pagkamaygulang, sapagkat hindi kasalanan ng tao ang pag-abot sa gayong kalagayan, ni makatuwiran mang obligahin siya ng kaniyang Maylalang na manatiling kulang sa pagkamaygulang.

Hindi binanggit sa Kasulatan kung anong uri iyon ng punungkahoy. Ngunit lumilitaw na ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay sumagisag sa karapatan ng Diyos, na tanging ang Maylalang ng tao ang nagtataglay, na sabihin sa kaniyang mga nilalang kung ano ang “mabuti” at kung ano ang “masama,” at alinsunod dito ay hilingin sa kanila na isagawa ang sinabi niya na mabuti at iwasan ang sinabi niya na masama upang manatili sa kanila ang pagsang-ayon ng Diyos bilang ang Soberanong Tagapamahala. (Tingnan ang PUNUNGKAHOY.) Idiniriin kapuwa ng pagbabawal at ng sentensiyang inilapat sa masuwaying mag-asawa na ang pagsuway sa pamamagitan ng pagkain ng ipinagbabawal na bunga ang siyang orihinal na kasalanan.​—Gen 3:3.

Bagaman maaaring tutulan ng ilang makabagong kritiko ang pagiging simple ng ulat ng pangyayari sa Eden, maliwanag na dahil sa aktuwal na mga kalagayan ay angkop na angkop noon ang isang simpleng pagsubok. Ang buhay ng bagong-lalang na lalaki at babae ay simple, hindi komplikado at hindi nagsasangkot ng masasalimuot na problema, mahihirap na kalagayan, at kalituhan na nararanasan ng sangkatauhan bilang resulta ng kanilang pagsuway sa Diyos. Magkagayunman, kahit simple lamang ito, malinaw at buong-husay na ipinakikita ng pagsubok ang namamalaging katotohanan na ang Diyos ay Soberano, at ang buhay ng tao ay nakadepende sa Diyos at ang tao ay may pananagutan sa Diyos. At talagang masasabi na bagaman simple, inihaharap ng ulat ng pangyayari sa Eden ang pasimula ng tao sa isang lubhang nakatataas na antas, di-gaya ng mga teoriya na nagsasabing nagsimula ang tao, hindi sa isang hardin, kundi sa isang yungib, anupat ipinakikilala ang tao kapuwa bilang napakaignorante at walang kabatiran sa moralidad. Ang kasimplihan ng pagsubok sa Eden ay nagsisilbing halimbawa ng simulaing inilahad ng Anak ng Diyos pagkaraan ng ilang milenyo, na “ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami, at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.”​—Luc 16:10.

Gayunman, maliwanag na ang pagkakaroon sa Eden ng isang ipinagbabawal na punungkahoy ay hindi nilayong maging tinik sa laman ng mag-asawa, ni itinalaga man ito upang magbangon ng isyu o kontrobersiya. Kung kinilala nina Adan at Eva ang kalooban ng Diyos sa bagay na iyon at iginalang ang kaniyang mga tagubilin, ang kanilang harding tahanan ay nanatili sanang isang lugar ng kaluguran at kasiyahan. Ipinakikita ng rekord na ang isyu at kontrobersiya hinggil sa punungkahoy, kasama ang tukso na labagin ang utos ng Diyos, ay ipinasok sa sangkatauhan ng Kalaban ng Diyos. (Gen 3:1-6; ihambing ang Apo 12:9.) Dahil ginamit nina Adan at Eva ang kanilang kalayaang magpasiya upang maghimagsik laban sa lehitimong soberanya ng Diyos, naiwala nila ang Paraiso at ang pinagpalang kalagayan sa loob nito. Masahol pa rito, naiwala nila ang oportunidad na kumain mula sa isa pang punungkahoy sa Eden, na kumakatawan naman sa pagiging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Sa gayon ay sinasabi ng ulat na “pinalayas [ni Jehova] ang tao at inilagay niya sa silangan ng hardin ng Eden ang mga kerubin at ang nagliliyab na talim ng tabak na patuloy na umiikot upang bantayan ang daan patungo sa punungkahoy ng buhay.”​—Gen 3:22-24.

Lokasyon ng Eden. Hindi matiyak kung saan ang orihinal na lugar ng hardin ng Eden. Ang pangunahing indikasyon ng lokasyon nito ay ang paglalarawan ng Bibliya sa ilog na “lumalabas mula sa Eden,” na nahati-hati naman sa apat na “sanga,” ang mga ilog na tinawag na Eufrates, Hidekel, Pison, at Gihon. (Gen 2:10-14) Ang Eufrates (sa Heb., Perathʹ) ay kilalang-kilala, at ang “Hidekel” ay ang pangalan ng Tigris sa sinaunang mga inskripsiyon. (Ihambing din ang Dan 10:4.) Gayunman, hindi matukoy kung alin ang dalawa pang ilog, ang Pison at ang Gihon.​—Tingnan ang CUS Blg. 2; HAVILA Blg. 1.

Ipinapalagay ng ilan, gaya nina Calvin at Delitzsch, na ang Eden ay malapit sa bukana ng Gulpo ng Persia sa Mababang Mesopotamia, sa rehiyon kung saan nagkakalapit ang Tigris at ang Eufrates. Iniisip nila na ang Pison at ang Gihon ay mga kanal sa pagitan ng mga ilog na ito. Gayunman, mangangahulugan ito na ang mga ilog na ito ay bumubuhos sa mas malaking katubigan, sa halip na mga sangang naghihiwalay mula sa isang orihinal na pinagmumulan. Ipinahihiwatig ng tekstong Hebreo na ang Eden ay nasa bulubunduking rehiyon sa H ng mga kapatagan ng Mesopotamia, ang lugar na pinanggagalingan ng mga ilog ng Eufrates at Tigris sa kasalukuyan. Kaya naman ang The Anchor Bible (1964), sa mga komento nito tungkol sa Genesis 2:10, ay nagsabi: “Sa Heb[reo] ang bunganga ng ilog ay tinatawag na ‘dulo’ (Jos xv 5, xviii 19); kaya dito ang anyong pangmaramihan ng roʼs, ‘sanga,’ ay malamang na tumutukoy sa bandang itaas. . . . Ang huling paggamit na ito ay lubos na napatunayan sa kaugnay na Akk[adianong] salita na resu.” Bagaman ang mga ilog ng Eufrates at Tigris sa ngayon ay hindi nagmumula sa iisang dako, at imposibleng matiyak kung alin ang mga ilog ng Pison at Gihon, posibleng ito’y dahil sa mga epekto ng Baha noong panahon ni Noe, na tiyak na nakagawa ng malaking pagbabago sa topograpiya ng lupa, anupat tinabunan ang landas ng ilang ilog at lumikha naman ng iba.

Ayon sa tradisyon, ang lokasyon ng hardin ng Eden ay nasa isang bulubunduking lugar na mga 225 km (140 mi) sa TK ng Bundok Ararat at ilang kilometro sa T ng Lawa ng Van, sa silangang bahagi ng makabagong Turkey. Posibleng ang Eden ay napalilibutan ng likas na mga harang, gaya ng mga bundok, at ipinahihiwatig ito ng sinabi sa ulat na ang mga kerubin ay itinalaga lamang sa S ng hardin, kung saan lumabas sina Adan at Eva.​—Gen 3:24.

Matapos palayasin si Adan mula sa paraisong hardin, wala nang natira roon upang “iyon ay sakahin at ingatan.” Dahil dito, maipapalagay natin na naging kagubatan iyon yamang mga hayop na lamang ang nanahanan doon hanggang noong sirain iyon ng dumadaluyong na tubig ng Baha, anupat hindi na posibleng matukoy ng tao ang lokasyon nito maliban sa sinasabi ng ulat ng Bibliya.​—Gen 2:15.

2. Isang lugar na binanggit kasama ng Haran at Kane bilang isang pangunahing sentro ng negosyo na nakipagkalakalan sa Tiro at pinanggalingan ng maiinam na kasuutan, mga alpombra, at lubid. (Eze 27:23, 24) Ipinapalagay na isa itong pinaikling anyo ng pangalang Bet-eden na tinukoy sa Amos 1:5. “Ang mga anak ng Eden” ay itinalang kabilang sa mga tumatahan sa mga lugar na nilupig ng mga hukbong Asiryano (2Ha 19:12; Isa 37:12), at itinuturing ng ilan na ang Eden na ito (Bet-eden) ay ang maliit na distrito ng Bit-adini sa tabi ng gitnang bahagi ng Ilog Eufrates.​—Tingnan ang BET-EDEN.

3. Isa sa mga Levita na tumugon sa panawagan ni Haring Hezekias ukol sa reporma; nang maglaon ay inatasan siyang magtrabaho sa ilalim ng pangangasiwa ni Kore, “ang bantay ng pintuang-daan sa gawing silangan,” sa pamamahagi ng banal na mga abuloy sa mga pangkat ng mga saserdote.​—2Cr 29:12; 31:14, 15.