Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Eder

Eder

1. Isang inapo ni Berias na mula sa tribo ni Benjamin na nanahanan sa Jerusalem.​—1Cr 8:1, 15, 16, 28.

2. Isang inapo ni Musi na mula sa Levitikong pamilya ni Merari, binigyan ng isang partikular na atas noong panahon ni David.​—1Cr 23:21, 23-25; 24:30.

3. Isang lunsod sa timugang bahagi ng Juda. (Jos 15:21) Yamang ang mga katinig na Hebreo ng pangalang Eder, kapag pinagpalit ang huling dalawa, ay kapareho ng mga katinig na Hebreo ng Arad, at yamang “Ara” sa halip na “Eder” ang mababasa sa tekstong ito sa Septuagint (Vatican Manuscript No. 1209), ipinapalagay ng karamihan sa mga iskolar na ang Eder ay ang Arad (Tel ʽArad), mga 28 km (17 mi) sa S ng Beer-sheba.

4. [Kawan]. Isang tore na malapit dito ay nagtolda si Jacob (Israel) pagkamatay ni Raquel. Bagaman hindi alam ang eksaktong lokasyon nito, lumilitaw na ito ay isang lugar sa pagitan ng Betlehem at Hebron. Ipinahihiwatig ng pangalang Eder na ito’y nagsilbing kanlungan ng mga pastol at bantayan na mula rito ay matatanaw nila ang kanilang mga kawan. (Gen 35:19, 21, 27) Habang nagtotolda rito si Jacob, nilapastangan ng kaniyang anak na si Ruben ang higaan ni Jacob nang sipingan nito ang babae ni Jacob na si Bilha.​—Gen 35:22; 49:3, 4.

Ang mismong pananalitang Hebreo na isinalin dito na “tore ng Eder” (migh·dal-ʽeʹdher) ay ginamit ni Mikas (4:8) nang banggitin niya ang “tore ng kawan.” Ang pananalitang ito ay maaaring tumutukoy sa pangalan ng dakong pinagkampuhan ni Jacob at ginagamit may kaugnayan sa pagsasauli ng ‘umiika-ikang’ bayan ni Jehova. (Mik 4:7) Kapag naisauli na ang “Sion,” babantayan sila na waring mula sa isang bantayang “tore” at sa gayon ay iingatan mula sa iba pang panganib. Ang gayong ilustrasyon ay kasuwato ng iba pang mga simili sa hula ni Mikas, anupat tinukoy niya ang Mesiyas bilang ang isa na “magpapastol” (Mik 5:2-4) at ang bayan ni Jehova bilang ‘ang kawan na mana ng Diyos.’​—Mik 7:14.