Edrei
1. Isang maharlikang lunsod ni Og, hari ng Basan. (Jos 12:4; 13:12) Matapos talunin si Sihon na Amorita, ang mga hukbong Israelita sa utos ni Moises ay “umahon,” o pumahilaga, hanggang sa makasagupa nila ang hukbong militar ni Og sa “pagbabaka sa Edrei,” na lumilitaw na ang timugang hanggahan ng Basan. Bagaman si Og ang kahuli-hulihan sa malahiganteng mga Repaim at maaaring may kasama siyang napakalaking hukbo, pinayuhan ni Jehova ang mga Israelita na magpakatapang, anupat nilipol nila si Og, ang mga anak nito, at ang buong bayan, at inari nila ang kaniyang teritoryo. (Bil 21:33-35; Deu 3:1-10) Nang maglaon ay ipinagkaloob sa Manases ang lunsod bilang bahagi ng mana nito. (Jos 13:31) Karaniwan nang ipinapalagay na ang Edrei ay ang makabagong-panahong lunsod ng Derʽa na mga 50 km (31 mi) sa STS ng timugang dulo ng Dagat ng Galilea, malapit sa Yarmuk. Kasama sa mga guho roon ang isang bahagyang hinukay na lunsod na nasa ilalim ng lupa at inuka sa bato sa ilalim ng isa pang lunsod.
2. Isang nakukutaang lunsod ng Neptali. (Jos 19:32, 35, 37) Ipinapalagay na ito ay ang makabagong Tell Khureibeh, na mga 7 km (4 na mi) sa HHK ng Hazor.