Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Edukasyon

Edukasyon

Ang pagbibigay o pagtatamo ng kaalaman at kasanayan. Nailalaan ang edukasyon sa pamamagitan ng (1) pagpapaliwanag at pag-uulit; (2) pagdidisiplina at pagsasanay na inilalapat nang may pag-ibig (Kaw 1:7; Heb 12:5, 6); (3) personal na obserbasyon (Aw 19:1-3; Ec 1:12-14); (4) pagsaway (Aw 141:5; Kaw 9:8; 17:10).

Ang Diyos na Jehova ang dakilang Edukador at Tagapagturo, anupat wala siyang kapantay. (Job 36:22; Aw 71:17; Isa 30:20) Nilalang ang makalupang anak ng Diyos na si Adan taglay ang kakayahang magsalita ng wika. (Gen 2:19, 20, 23) Tinuruan siya tungkol sa paglalang (Gen kab 1, 2) at sa mga kahilingan ng Diyos sa kaniya.​—Gen 1:28-30; 2:15-17.

Sa Patriyarkal na Lipunan. Ipinakikita sa buong Bibliya na ang pagbibigay ng edukasyon ay nagsisimula sa pamilya. Sa sinaunang lipunan, ang ama ang ulo ng pamilya at ng sambahayan, na maaari pa ngang isang malaking komunidad, gaya niyaong kay Abraham. Ang ulo ng pamilya ang may pananagutan sa edukasyon ng kaniyang sambahayan. (Gen 18:19) Ipinahihiwatig ng mabuting pagsasanay na nakita kay Jose na tinularan ni Isaac at ni Jacob ang kanilang amang si Abraham sa pagtuturo sa kanilang mga anak. (Gen 39:4, 6, 22; 41:40, 41) Ipinakita naman ni Job ng lupain ng Uz, isang malayong kamag-anak ni Abraham, na may kabatiran siya sa siyensiya at sa mga pagsulong sa industriya noong kaniyang mga araw, at tinuruan siya ni Jehova ng ilang bagay tungkol sa kalikasan.​—Job 9:1, 9; kab 28, 38-41.

Noong panahon ding iyon, malawak na ang kaalaman sa Ehipto tungkol sa astronomiya, matematika, heometriya, arkitektura, konstruksiyon, at iba pang mga sining at mga siyensiya. Bukod sa pagtuturo kay Moises ng kaniyang ina tungkol sa pagsamba kay Jehova (Exo 2:7-10), “tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo. Sa katunayan, siya ay makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.” (Gaw 7:22) Bagaman ang mga Israelita ay naging mga alipin sa Ehipto, marunong silang bumasa at sumulat, at may kakayahan silang magturo sa kanilang mga anak. Mismong bago pumasok sa Lupang Pangako, tinagubilinan sila na isulat, sa makasagisag na paraan, ang mga utos ng Diyos sa mga poste ng pinto ng kanilang mga bahay at sa kanilang mga pintuang-daan, at dapat nilang ituro sa kanilang mga anak ang kautusan ng Diyos. Sabihin pa, ito ay sa wikang Hebreo.​—Deu 6:6-9; ihambing ang Deu 27:3; Jos 8:32.

Edukasyon sa Ilalim ng Kautusan Bago ang Pagkatapon. Mga magulang pa rin ang pangunahing mga tagapagturo noon, anupat pananagutan nilang turuan ang kanilang mga anak. (Exo 12:26, 27; Deu 4:9; 6:7, 20, 21; 11:19-21) Sa pasimula pa lamang ng kasaysayan ng mga Judio, itinuring na nila na ang espirituwal, moral, at mental na edukasyon mula sa pagkabata ay isa sa mga pangunahing tungkulin ng mga magulang. Nanalangin ang ama ni Samson, si Manoa, na patnubayan siya upang masanay niya ang kaniyang anak sa tamang paraan. (Huk 13:8) Ang ama ang pangunahing tagapagturo, ngunit nagtuturo rin ang ina, anupat partikular niyang pinasisigla ang anak na sundin ang tagubilin at disiplina ng ama. (Kaw 1:8; 4:1; 31:26, 27) Natatanto ng mga magulang na kapag sinanay ang anak sa tamang paggawi samantalang siya’y nasa kabataan pa, hindi niya iyon lilihisan hanggang sa pagtanda niya.​—Kaw 22:6.

Dapat pagpakitaan ng mga anak ng matinding paggalang ang kanilang mga magulang. May-katatagang gagamitin ng mga magulang ang kanilang ‘pamalong’ awtoridad. (Kaw 22:15) Dapat itong gamitin nang may pag-ibig, ngunit matinding disiplina ang ilalapat sa anak na suwail, na kung minsan ay maaaring mangahulugan ng paggamit ng literal na pamalo. (Kaw 13:24; 23:13, 14) Ang anak na sumumpa o nanakit sa kaniyang mga magulang ay maaaring patayin. (Lev 20:9; Exo 21:15) Ang anak na mapaghimagsik at ayaw magbago, kung hindi na siya maituturing na bata, ay dapat pagbabatuhin. (Deu 21:18-21) Sa katunayan, ang unang utos na may pangako ay ang ikalima sa Sampung Utos: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina, . . . upang ang iyong mga araw ay tumagal at mapabuti ka sa lupa na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.”​—Deu 5:16; Efe 6:2, 3.

Ang edukasyong ibinibigay ng mga magulang ay dapat na regular at patuluyan​—sa tahanan, sa trabaho, o kapag naglalakbay​—at hindi lamang ito sa pamamagitan ng salita at disiplina kundi sa pamamagitan din ng halimbawa, sapagkat ang kautusan ng Diyos ang dapat pumatnubay sa mga magulang sa lahat ng kanilang gawain sa buhay. Ang pagparoon sa mga kapistahan sa Jerusalem nang tatlong beses sa isang taon ay naglaan ng edukasyon sa heograpiya at nakatulong upang maging pamilyar ang bata sa kaniyang mga kababayan na mula sa iba’t ibang bahagi ng Israel.​—Deu 16:16.

Bukod sa edukasyon sa relihiyon, ang mga kabataang lalaki ay binibigyan din ng edukasyon sa sekular na hanapbuhay ng kanilang ama o sa isang kasanayan. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, ang mga dalubhasang manggagawa na sina Bezalel at Oholiab ay naging kuwalipikadong magturo sa iba noong panahong itinatayo ang tabernakulo sa ilang. (Exo 35:34) Natututuhan naman ng mga kabataang babae sa sambahayan ang mga tungkulin ng asawang babae, at sila ay nasasanay na magkaroon ng matinding paggalang sa kanilang mapapangasawa, gaya ng halimbawang ipinakita ni Sara. (Gen 18:12; 1Pe 3:5, 6) Ang mabuting asawang babae ay maraming mga kakayahan, mga naisasagawa, at mga pananagutan, gaya ng inilalarawan sa Kawikaan, kabanata 31.

Waring kapuwa ang mga batang lalaki at mga batang babae ay tumatanggap ng pagsasanay sa musika. Noon ay may mga babaing manunugtog at mang-aawit. (1Sa 18:6, 7) Sa mga lalaking Levita naman ay may mga mangangatha ng mga awit at tula, mga manunugtog, at mga mang-aawit.​—Aw 87:Sup; 88:Sup; 1Cr 25.

Ibinukod din ng Diyos ang buong tribo ni Levi bilang isang grupo para sa pagtuturo ng relihiyon. Pinasinayaan ang pagkasaserdote noong 1512 B.C.E. Ang isa sa mga pangunahing tungkulin nila ay ang pagtuturo sa bayan hinggil sa kautusan ng Diyos. Sabihin pa, si Moises na Levita, bilang tagapamagitan, ay isang tagapagturo sa bayan hinggil sa kautusan ng Diyos (Exo 18:16, 20; 24:12), at ang mga saserdote, kasama ang di-saserdoteng mga Levita, ay may pananagutang ipaunawa sa bayan ang lahat ng tuntuning sinalita ni Jehova sa pamamagitan ni Moises. (Lev 10:11; 14:57; Deu 17:10, 11; 2Cr 15:3; 35:3) Ang Kautusan ay dapat basahin ng mga Levita sa taong-bayan. Ginagawa ito nang hayagan sa buong bayan sa panahon ng Kapistahan ng mga Kubol kapag taon ng Sabbath, at dito ay hindi pinaghihiwalay ang mga dumalo ayon sa edad o kasarian, kundi ang buong bayan, matanda at bata, kasama ang naninirahang dayuhan sa loob ng mga pintuang-daan at ang lahat ng nakauunawa, ay tinitipon upang makinig sa pagbasa. (Deu 31:9-13) Noong ikatlong taon ng paghahari ni Haring Jehosapat, pinasimulan niya sa Juda ang isang kampanya ng pagtuturo, anupat inutusan niya ang mga prinsipe, mga saserdote, at mga Levita na libutin ang Juda upang turuan ang taong-bayan sa kautusan ng Diyos.​—2Cr 17:9.

Malaking bahagi ng Hebreong Kasulatan ang binubuo ng mga tula na kung pagtuturo ang pag-uusapan ay isang mabisang pantulong sa pagsasaulo. Ang tulang Hebreo ay hindi binubuo ng magkakatunog na salita kundi ng magkakahanay na diwa, o ritmo ng diwa. Gumamit din ang Hebreong Kasulatan ng mapuwersang mga metapora, na ibinatay sa likas na mga lalang, mga bagay na pamilyar sa lahat, kahit sa mga bata. Doon ay mayroon ding mga alpabetikong akrostik, kung saan ang unang mga titik ng mga talata ay nakaayos ayon sa alpabeto. (Aw 25, 34, 37, 111, 112, 119; Kaw 31:10-31; Pan 1-4) Kung minsan, nagsisimula sa iisang titik ang ilang sunud-sunod na linya; halimbawa, sa ika-119 na Awit, walong taludtod ang nagsisimula sa titik Hebreo na alep, walo naman sa titik na bet, at patuloy, upang mabuo ang 176 na taludtod para sa 22 titik ng alpabetong Hebreo.

Pagkatapos ng Pagsasauli. Pagkabalik mula sa Babilonya at pagkatapos na muling maitayo ang templo, ang pinakamalaking pangangailangan ng bayan ay edukasyon hinggil sa tunay na pagsamba. Ang eskribang si Ezra ay isang lalaking may pinag-aralan at isang tagakopya ng Bibliya. (Ezr 7:1, 6) Nagtipon si Ezra ng maraming rekord, at gumawa siya ng mga kopya nito at nagkaroon ng bahagi sa pag-aayos ng kanon ng Hebreong Kasulatan. Karagdagan pa, nagsagawa siya ng malawakang pagtuturo sa bansang Israel hinggil sa kautusan ng Diyos. Sa paggawa nito, tinupad niya ang kaniyang mga tungkulin bilang isang Levitikong saserdote. (Ezr 7:11, 12, 25) Inorganisa niya ang mga saserdote at mga Levitang bumalik mula sa Babilonya upang isagawa ang isang programa ng edukasyon na magsasauli sa tunay na pagsamba para sa nakabalik na mga Israelita at sa kanilang mga anak. (Ne 8:4-9) Ang mga tagakopyang Hebreo, o mga eskriba (mga Soperim), ay mga lalaking naturuan sa Kautusan, at bagaman hindi lahat ng mga ito ay mga Levita, nagkaroon sila ng malaking bahagi sa pagtuturo sa bayan. Gayunman, sa paglipas ng panahon, nagpasok sila ng maraming tradisyon at pinasamâ nila ang tunay na turo ng Salita ng Diyos.​—Tingnan ang ESKRIBA.

Edukasyon Noong Unang Siglo C.E. Mga magulang pa rin ang pangunahing may pananagutan noon sa edukasyon ng kanilang mga anak, lalo na habang bata pa ang mga ito. (2Ti 1:5; 3:14, 15) Tungkol kay Jesus, mababasa natin na pinalaki siya sa Nazaret ng kaniyang ama-amahan at ina at na patuloy siyang lumaki at lumakas, samantalang sumusulong sa karunungan. Sa edad na 12, namangha sa kaniya ang mga guro sa templo dahil sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot. (Luc 2:41, 46-52) Ang mga eskriba naman ang nanatiling pangunahing mga edukador sa madla at sa mga paaralang itinatag sa mga sinagoga. (Tingnan ang SINAGOGA.) Itinuturo noon ang pisikal na siyensiya gayundin ang Kautusan at ang rabinikong mga turo na idinagdag sa Kautusan. Kahilingan din sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng isang kasanayang magagamit sa paghahanapbuhay.

Si Jesus ay isang napakahusay na guro. Kinilala siya maging ng kaniyang mga kapanahon bilang isang guro na lubhang maimpluwensiya at popular. Ang tawag sa kaniya ng kaniyang mga alagad ay “Rabbi,” na nangangahulugang “Guro” o “Tagapagturo.” (Mar 9:5; tingnan ang RABBI.) May mga pagkakataon pa nga na kinilala ng kaniyang mga kalaban na mahusay siyang magsalita. Noong minsang magsugo ang mga Pariseo ng mga opisyal upang arestuhin si Jesus, bumalik sila nang hindi siya kasama at nagsabi: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.”​—Ju 7:46; Luc 20:39, 40; Mar 12:32, 34.

Una sa lahat, gaya ng sinabi ni Jesus, hindi siya nagsalita sa sarili niyang pagkukusa kundi naparito siya sa pangalan ng kaniyang Ama at sinalita niya ang mga bagay na natutuhan niya sa kaniyang Ama. (Ju 5:19, 30, 43; 6:38; 10:25) Yamang siya ang bugtong na Anak ng Diyos na Jehova, dati silang matalik na magkasama sa langit. Dahil dito, siya ang pinakamahusay na guro may kinalaman sa mga katangian, mga gawa, at mga layunin ng kaniyang Ama. (Mat 11:27) Taglay niya ang ikalawang pinakamahalagang kuwalipikasyon ng isang mabuting guro​—may pag-ibig siya sa kaniyang mga tinuturuan. (Mar 10:21; Ju 13:1, 34; 15:9, 12) Bibihira ang guro na umibig sa kaniyang mga alagad nang gayon na lamang anupat naging handang ibigay ang kaniyang buhay alang-alang sa kanila, gaya ng ginawa ni Jesus. (Ju 15:13) Nauunawaan niya ang kaisipan ng kaniyang mga tagapakinig. (Ju 2:25) Malalim ang kaniyang kaunawaan. (Luc 6:8) Wala siyang mapag-imbot na hangarin sa kaniyang pagtuturo, sapagkat wala siyang kasalanan ni katusuhan man. (Heb 7:26) Hindi siya nagturo sa pamamagitan ng pilosopikong pananalita ng mga eskriba kundi gumamit siya ng mga ilustrasyon batay sa pang-araw-araw na mga bagay. Ito ang dahilan kung bakit ang kaniyang mga turo ay nauunawaan pa rin sa ngayon. Punô ng mga ilustrasyon ang kaniyang pagtuturo.​—Tingnan ang ILUSTRASYON, MGA.

Kasama sa turo ni Jesus ang saway at disiplina. (Mar 8:33) Nagturo siya sa pamamagitan ng salita at ng halimbawa, sa gayon ay personal siyang nagsagawa ng isang puspusang kampanya ng pangangaral at pagtuturo. Ang kaniyang pananalita ay may awtoridad na hindi mapantayan ng sinumang eskriba; puspos din siya ng banal na espiritu, na nagpatunay na ang kaniyang mga turo ay may suporta ng Diyos, anupat, taglay ang awtoridad at kapangyarihan, nautusan niya ang mga demonyo na lumabas mula sa kanilang mga inaalihan. (Mar 1:27; Luc 4:36) Buong-tapang niyang tinuligsa ang mga bulaang guro na humahadlang sa iba sa pakikinig sa kaniyang mga turo.​—Mat 23.

Edukasyon at ang Kongregasyong Kristiyano. Sinundan ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang yapak sa Kristiyanong gawaing pagtuturo at nagtagumpay silang kagaya niya. Hindi lamang sila nangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng dako kundi nagturo rin sila sa mga nais makinig. (Gaw 2:42) Tulad ni Jesus, sila ay matapang at nagsalita nang may awtoridad. (Gaw 4:13, 19, 20; 5:29) Binigyang-kapangyarihan sila ng espiritu ng Diyos at nagbigay ito ng ebidensiya na sinasang-ayunan ng Diyos ang kanilang pagtuturo. Nagturo sila sa templo, sa mga sinagoga, at sa bahay-bahay. (Gaw 5:16, 21; 13:14-16; 20:20) Nakipagtipon sila sa mga kapuwa Kristiyano para sa pagtuturo at pag-uudyukan sa isa’t isa sa pag-ibig at maiinam na gawa.​—Gaw 20:7, 8; Heb 10:24, 25.

Inilarawan ng apostol na si Pablo ang iba’t ibang katungkulan at gawain sa kongregasyon na ginagampanan ng may-gulang na mga lalaki, anupat kabilang sa mga ito ang pagiging mga guro. Ipinakita niya na ang layunin ng lahat ng gawaing ito ay edukasyon, upang sanayin ang mga banal, ukol sa ministeryal na gawain, ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo. (Efe 4:11-16) Isang regular na programa ng edukasyon sa Salita ng Diyos ang isinagawa ng kongregasyon, gaya ng nakabalangkas sa 1 Corinto kabanata 14. Ang lahat ng miyembro ng kongregasyong Kristiyano, kahit ang mga babae, ay dapat maging mga guro; dapat silang gumawa ng mga alagad mula sa mga tao sa sanlibutan. (Gaw 18:26; Heb 5:12; Ro 12:7) Ngunit sa loob mismo ng kongregasyon, may-gulang na mga lalaki lamang ang inatasang mangasiwa, gaya halimbawa nina Timoteo at Tito. (1Ti 2:12) Ang gayong mga lalaki ay kailangang kuwalipikadong magturo sa kongregasyon at magtuwid ng mga bagay na maaaring nawala sa ayos. Dapat silang magpakaingat upang matiyak na ang kanilang pagtuturo ay tumpak at nakapagpapalusog.​—1Ti 4:16; 2Ti 4:2, 3; Tit 2:1.

May kinalaman sa pisikal na edukasyon, walang gaanong sinasabi ang Bibliya maliban sa ganitong payo ng apostol na si Pablo: “Sapagkat ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti; ngunit ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” (1Ti 4:8) Gayunman, kailangan ang pisikal na aktibidad sa puspusang pangangaral at pagtuturo, anupat pinasisigla ang pakikibahagi rito. Malimit na naglalakad si Jesus noon, at gayundin ang ginawa ng kaniyang mga alagad. Halimbawa, sa pagmiministeryo ni Pablo, kinailangan niyang maglakbay nang madalas, na noong panahong iyon ay nangangahulugan ng paglalakad ng malalayong distansiya.

Kakaunti lamang ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa sekular na edukasyon. Binababalaan nito ang mga Kristiyano na huwag magpakaabala sa mga pilosopiya ng mga tao ni mag-aksaya man ng panahon sa mangmang at di-mapakikinabangang mga pagtatanong. Mahigpit itong nagpapayo laban sa pakikipagpalitan ng ideya sa mga hindi naniniwala sa Diyos at sa kaniyang Salita. (1Ti 6:20, 21; 1Co 2:13; 3:18-20; Col 2:8; Tit 3:9; 1:14; 2Ti 2:16; Ro 16:17) Kinilala ng mga Kristiyano na may obligasyon sila sa harap ng Diyos na paglaanang mabuti ang kani-kanilang pamilya. Kadalasan, kailangan ang isang uri ng edukasyon at pagsasanay upang masangkapan sila para sa gayong sekular na hanapbuhay. (1Ti 5:8) Ngunit mula sa kasaysayan ng sinaunang Kristiyanismo ay makikita natin na pangunahin silang interesado sa anumang lehitimong pamamaraan para maipangaral ang “mabuting balita,” sa edukasyon sa Bibliya para sa kanilang sarili at sa lahat ng makikinig sa kanila. (1Co 9:16) Gaya nga ng sinabi ni Propesor E. J. Goodspeed, sa Christianity Goes to Press, (1940, p. 111):

“Mula nang sandaling mamulat ang mga Kristiyano sa mga posibilidad ng paglalathala upang maipalaganap ang kanilang ebanghelyo sa buong daigdig, ginamit nila ang mga iyon nang lubusan, anupat hindi lamang sila naglathala ng mga bagong aklat kundi naghanap din sila ng mga lumang aklat na mailalathala, at ang kahusayang ito sa paglalathala ay hindi kailanman nawala sa kanila. Isang pagkakamali na ipalagay na nagsimula ito nang matuklasan ang pag-iimprenta; isa itong katangian ng mga Kristiyano mula pa noong A.D. 70, na lalo pang tumindi nang makita nilang napakamabunga ng pamamaraang ito. Hindi ito napawi maging ng mga pagsalakay ng mga barbaro ni ng Panahon ng Kadiliman. At ito ay katibayan ng matinding puwersa na gumabay sa buong buhay ng sinaunang mga Kristiyano, na nagsikap, hindi lamang sa pamamagitan ng gawa at salita kundi sa pamamagitan din ng lahat ng pinakamasulong na mga paraan ng paglalathala, na dalhin ang ebanghelyo, sa kabuuan nito at nang lubus-lubusan, sa buong sangkatauhan.”​—Tingnan ang PAARALAN; TAGAPAGTURO.