Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Efeso

Efeso

Noong sinauna, isang mayaman at mahalagang sentro ng relihiyon at komersiyo sa K baybayin ng Asia Minor, halos katapat ng pulo ng Samos. Itinayo ang Efeso sa mga dalisdis at sa paanan ng ilang burol, anupat pangunahin sa mga ito ang Bundok Pion at Bundok Koressos. Ang daungang ito ay nasa mismong pangunahing ruta ng kalakalan mula sa Roma patungong Silangan. Dahil sa lokasyon nito malapit sa bukana ng Ilog Cayster, anupat mayroon itong mga daan patungo sa mga lunas ng mga ilog ng Gediz (sinaunang Hermus) at ng Menderes (sinaunang Maeander), ang lunsod ay nasa salubungan ng mga ruta ng kalakalan sa katihan sa Asia Minor. May mga lansangan na nag-ugnay sa Efeso at sa pangunahing mga lunsod ng distrito ng Asia.

Dahil sa mga akda ng unang-siglong Romanong awtor na si Pliny na Nakatatanda at ng sinaunang Griegong heograpo na si Strabo, nagkaroon ng pangmalas na ang isang gulpo ng Dagat Aegeano noong minsan ay umaabot hanggang sa Efeso ngunit ang dalampasigan nito ay unti-unting umusog patungo sa dagat, sapagkat sa ngayon, ang mga guho ng lunsod ay ilang kilometro ang layo mula sa baybayin. Gayunman, ang manghuhukay na si J. T. Wood, salig sa mga natuklasan niya sa Efeso, ay naghinuha na noong sinauna, ang lunsod ay 6.5 km (4 na mi) mula sa Dagat Aegeano. Kung tama ito, malamang na noong panahon ni Pablo ay nakararating ang mga barko sa bukana ng Ilog Cayster patungo sa isang daungan sa loob ng katihan na pinananatiling napaglalayagan sa pamamagitan ng patuluyang pagpapalalim dito. Gayunman, sa paglipas ng mga siglo, ang daungan at bukana ng ilog ay napuno ng banlik na iniwan ng Cayster.

Templo ni Artemis. Ang pinakanamumukod-tanging gusali ng lunsod ay ang templo ni Artemis na itinuring ng mga tao noong sinauna bilang isa sa pitong kamangha-manghang gawa sa daigdig. Ang templong umiiral noong unang siglo C.E., nang dumalaw ang apostol na si Pablo sa Efeso, ay muling itinayo ayon sa plano ng isang mas naunang templong Ionic na sinasabing sinunog ni Herostratus noong 356 B.C.E.

Ayon sa mga paghuhukay sa lugar na ito noong huling kalahatian ng ika-19 na siglo, ang templo ay nakatayo sa isang plataporma na may lapad na mga 73 m (240 piye) at haba na 127 m (418 piye). Ang mismong templo ay mga 50 m (164 na piye) ang lapad at 105 m (343 piye) ang haba. Mayroon itong 100 haliging marmol, bawat isa ay halos 17 m (55 piye) ang taas. Ang mga haligi ay may diyametro na 1.8 m (6 na piye) sa paanan nito at ang ilan sa mga ito ay nililok hanggang sa taas na mga 6 na m (20 piye). Ang pinakaloob na santuwaryo ng templo ay may lapad na mga 21 m (70 piye) at haba na 32 m (105 piye). Ang altar sa loob nito ay mga 6 na m (20 piye) kuwadrado, at maaaring ang imahen ni Artemis ay nakatayo sa mismong likuran ng altar na ito.

Ipinahihiwatig ng mga pira-pirasong labí na natagpuan doon na ang templo ay pinalamutian ng matitingkad na kulay at mga eskultura. Malalaking puting tisang marmol ang ginamit sa bubong. Sa halip na argamasa, sinasabing ginto ang ginamit sa pagitan ng mga sugpungan ng mga blokeng marmol.

Istadyum; Dulaan. Mga 1.5 km (1 mi) sa dakong TK ng templo ni Artemis ay may isang istadyum na muling itinayo noong namamahala si Nero (54-68 C.E.). Malamang na dito idinaos ang mga paligsahan ng mga atleta at posibleng pati ang mga labanan ng mga gladyador. Kung uunawain nang literal ang pananalita ng apostol na si Pablo sa 1 Corinto 15:32 tungkol sa pakikipaglaban sa mababangis na hayop sa Efeso, marahil ay kinailangan niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili laban sa mababangis na hayop sa istadyum na ito.

Ang dulaan kung saan nagkagulo ang mga taga-Efeso dahil sa sulsol ni Demetrio ay wala pang 800 m (0.5 mi) sa T ng istadyum na ito. Ang dulaang ito ay nasa nakapaloob na bahagi ng Bdk. Pion. (Gaw 19:23-41) Ang harapan nito ay pinalamutian ng mga haligi, mga nitso, at magagandang estatuwa. Ang mga upuang marmol para sa mga manonood ay nakaayos sa isang hating-bilog na may 66 na hanay; tinatayang nagkasiya sa mga ito ang humigit-kumulang 25,000 katao. Napakahusay ng akustika ng dulaang ito. Maging sa ngayon, ang mahinang salita na bibigkasin sa lokasyon ng entablado ay maririnig sa pinakamatataas na upuan.​—LARAWAN, Tomo 2, p. 748.

Sa harap ng dulaan ay may isang malapad na daan na nilatagan ng marmol at deretso sa daungan. Ang lansangang ito ay halos 0.5 km (0.3 mi) ang haba at mga 11 m (36 na piye) ang lapad. May mga kolonadang nakabaon nang 4.5 m (15 piye) na nakahanay sa magkabilang panig ng lansangang ito, at sa likod ng mga ito ay may mga tindahan at iba pang mga gusali. Isang bantayog na pintuang-daan ang nasa magkabilang dulo ng lansangang ito.

Ang Ministeryo ni Pablo sa Efeso. Si Pablo, kasama sina Aquila at Priscila, ay dumating sa Efeso, ang salubungang-dako ng sinaunang daigdig, malamang noong 52 C.E. Kaagad na pumaroon si Pablo sa sinagogang Judio upang mangaral. Gayunman, bagaman hinilingan siya na manatili nang mas matagal pa, nilisan ng apostol ang Efeso, anupat sinabing babalik siya kung kalooban ni Jehova. (Gaw 18:18-21) Nakatagpo nina Aquila at Priscila, na nanatili sa Efeso, si Apolos, isang Judio na mula sa Alejandria, Ehipto, na may kabatiran lamang sa bautismo ni Juan, at kanilang “ipinaliwanag sa kaniya ang daan ng Diyos nang may higit na kawastuan.”​—Gaw 18:24-26.

Nang bumalik si Pablo sa Efeso, malamang na noong taglamig ng 52/53 C.E., nakasumpong siya ng ilang lalaki na nabautismuhan sa bautismo ni Juan. Matapos niyang linawin sa kanila ang tungkol sa bautismo, muli silang nagpabautismo. (Gaw 19:1-7) Noong panahong iyon ay nagturo si Pablo sa sinagogang Judio sa loob ng tatlong buwan. Ngunit nang bumangon ang pagsalansang, lumipat siya sa awditoryum ng paaralan ni Tirano kasama ang mga naging mananampalataya; doon ay nagdiskurso siya araw-araw sa loob ng dalawang taon. (Gaw 19:8-10) Karagdagan pa, nangaral si Pablo nang malawakan sa bahay-bahay.​—Gaw 20:20, 21.

Dahil sa pangangaral ni Pablo, na may kasamang makahimalang mga pagpapagaling at pagpapalayas ng mga demonyo, maraming taga-Efeso ang naging mananampalataya. Gayundin, ang di-matagumpay na pagtatangka ng pitong anak ng isang Judiong punong saserdote na nagngangalang Esceva na magpalayas ng mga demonyo ay pumukaw ng malaking interes. Sinunog ng mga dating nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat, na may kabuuang halaga na 50,000 pirasong pilak (kung denario, $37,200). (Gaw 19:11-20) Napabantog ang Efeso sa mga sining ng mahika anupat tinukoy ng mga manunulat na Griego at Romano ang mga aklat, o mga balumbon, ng mga pormula sa mahika at mga bulong bilang “Ephesian writings.”

Yamang iniwan ng maraming taga-Efeso ang pagsamba kay Artemis, itinawag-pansin ng panday-pilak na si Demetrio sa kaniyang mga kapuwa bihasang manggagawa na ang pangangaral ni Pablo ay isang banta sa kanilang hanapbuhay at isinasapanganib din nito ang pagsamba kay Artemis. Sumigaw ang nagngangalit na mga panday-pilak: “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” Nagkagulo ang lunsod at humantong ito sa dalawang-oras na kaguluhan sa isang dulaan na makapaglalaman ng mga 25,000 manonood.​—Gaw 19:23-41.

Pagkatapos nito, nilisan ni Pablo ang Efeso. Nang maglaon, mula sa Mileto ay ipinatawag niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon ng Efeso, sinariwa niya sa kanilang alaala ang kaniyang sariling ministeryo sa distrito ng Asia, at binigyan niya sila ng mga tagubilin sa pag-aasikaso sa kanilang mga tungkulin. (Gaw 20:1, 17-38) Maliwanag na ang pagtukoy niya nang pagkakataong iyon sa “tatlong taon” na ginugol niya sa Efeso ay dapat na ituring na isang buong bilang.​—Gaw 20:31; ihambing ang Gaw 19:8, 10.

Sa paglipas ng mga taon, nagbata ng maraming bagay ang mga Kristiyano sa Efeso. Gayunman, naiwala ng ilan ang pag-ibig na taglay nila noong una.​—Apo 2:1-6; tingnan ang ARTEMIS; DEMETRIO Blg. 1; EFESO, LIHAM SA MGA TAGA-.

[Larawan sa pahina 644]

Relyebe na nagpapakita ng mga lalaking nakikipaglaban sa mababangis na hayop, posibleng sa istadyum sa Efeso