Efeso, Liham sa mga Taga-
Isang aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na isinulat ng apostol na si Pablo noong mga 60-61 C.E. samantalang nakabilanggo siya sa Roma. (Efe 1:1; 3:1; 4:1; 6:20) Si Tiquico ang nagdala nito sa kongregasyon sa Efeso (Efe 6:21, 22), anupat siya rin ang ginamit ni Pablo upang maghatid ng isang liham sa mga taga-Colosas. (Col 4:7-9) Yamang ang pagsulat ni Pablo ng liham sa mga taga-Colosas ay halos kapanahon ng pagsulat niya sa mga Kristiyanong taga-Efeso, maraming pagkakahawig ang Efeso at Colosas. Ayon kay Charles Smith Lewis, “sa 155 talata sa Efe[so], 78 ang matatagpuan sa Col[osas] sa iba’t ibang antas ng pagkakatulad.” (The International Standard Bible Encyclopaedia, inedit ni J. Orr, 1960, Tomo II, p. 959) Walang alinlangang ang mga kalagayan sa Colosas ay kahawig ng kalagayan sa Efeso, at minabuti ni Pablo na ibigay ang gayunding uri ng payo.
Kung Bakit Angkop sa mga Kristiyanong Taga-Efeso. Ang mga salitang “sa Efeso” sa kabanata 1, talata 1, ay hindi matatagpuan sa isang papiro ni Chester Beatty (P46) at gayundin sa orihinal na mababasa sa Vatican Manuscript No. 1209 at sa Sinaitic Manuscript. Gayunman, masusumpungan ang mga salitang ito sa ibang mga manuskrito at sa lahat ng sinaunang bersiyon. Bukod diyan, tinatanggap ito ng sinaunang mga manunulat ng simbahan bilang ang liham sa mga taga-Efeso. Bagaman ipinapalagay ng ilan na ito rin ang liham na binanggit na ipinadala sa Laodicea (Col 4:16), dapat pansinin na walang matatandang manuskrito ang kababasahan ng mga salitang “sa Laodicea,” at ang Efeso ang tanging lunsod na binabanggit dito sa alinman sa mga manuskrito ng liham na ito.
Payo hinggil sa materyalismo. Karagdagan pa, ipinahihiwatig ng pagsusuri sa nilalaman ng liham sa mga taga-Efeso na ang mga Kristiyano sa Efeso ang nasa isip ni Pablo; at napakaangkop ng kaniyang payo, dahil sa mga kalagayang umiiral sa Efeso, ang pinakamahalagang lunsod sa Romanong probinsiya ng Asia. Halimbawa, kilalá ang Efeso bilang isang lunsod na napakayaman, anupat may tendensiya roon na ituring ang kayamanan ng sanlibutan bilang pinakamahalaga. Ngunit sa kaniyang liham, idiniin ni Pablo kung ano ang tunay na kayamanan—ang “kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan,” “ang maluwalhating kayamanan” na taglay ng Diyos bilang mana para sa mga banal, “ang nakahihigit na kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan,” ang “di-maarok na kayamanan ng Kristo,” at ‘ang kayamanan ng kaluwalhatian ng Diyos.’ (Efe 1:7, 18; 2:7; 3:8, 16) Makatutulong ito sa mga Kristiyanong taga-Efeso na magkaroon ng wastong pangmalas sa kayamanan.
Pagwawaksi sa imoralidad. Ang Efeso ay isa ring lunsod na kilalá sa kalaswaan at mahalay na paggawi nito, sa talamak na imoralidad nito. Kaya naman mariin itong tinalakay ng apostol na si Pablo bilang isa sa mga katangian ng lumang personalidad at sinabi niya na kailangang hubarin ng mga Kristiyano ang lumang personalidad na iyon at ibihis “ang bagong personalidad.” Dahil sa mahalay na moral na kalagayan sa Efeso, tiyak na madalas pag-usapan ng mga mamamayan ang seksuwal na katiwalian, hindi upang hatulan ito, kundi upang masiyahan sa gayong usapan; at ang mga Kristiyano, gaya nga ng payo ni Pablo, ay hindi dapat tumulad sa gayong mga tao, na nalulugod sa pag-uusap tungkol sa pakikiapid at sa malalaswang pagbibiro.—Efe 4:20-24; 5:3-5.
Ipinakita ang pagkakaiba ng mga templo. Ang ilustrasyon ni Pablo tungkol sa isang espirituwal na templo ay angkop na angkop din para sa kongregasyong Kristiyano na nasa kinaroroonan ng kasindak-sindak na paganong templo ni Artemis, na itinuring na isa sa pitong kamangha-manghang gawa ng sinaunang daigdig. Samantalang sinasamba “ng buong distrito ng Asia at ng tinatahanang lupa” si Artemis at lubha nilang iginagalang ang bantog na templo sa Efeso, ang mga pinahirang Kristiyano naman ay “isang banal na templo,” na tinatahanan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.—Gaw 19:27; Efe 2:21.
Palibhasa’y naging kanlungan ang templo ni Artemis, napasigla ang paggawa ng mga krimen at dumami ang mga kriminal sa Efeso. Walang sinuman sa loob ng isang takdang lugar sa palibot ng mga pader nito ang maaaring arestuhin nang dahil sa anumang krimen. Bilang resulta nito, nagkaroon ng isang nayon ng mga magnanakaw, mga mamamaslang, at mga katulad nito sa palibot ng templo. Samakatuwid, angkop lamang ang mga salita ni Pablo tungkol sa pagnanakaw, pati na sa mapait na saloobin, hiyawan, at pagiging mapaminsala.—Efe 4:25-32.
Pagsasagawa ng demonismo. Ang Efeso ay sentro noon ng lahat ng uri ng demonismo. Sa katunayan, ang lunsod ay kilalá sa buong daigdig dahil sa maraming anyo ng mahika na isinasagawa rito. Kaya nga aktibung-aktibo ang mga demonyo sa Efeso, at walang alinlangang upang hadlangan ang impluwensiya ng mahika at panggagaway at upang tulungan ang matuwid-pusong mga taga-Efeso na makalaya sa makademonyong mga gawaing ito, nagsagawa si Pablo ng mga himala sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos; kabilang pa nga rito ang pagpapalayas ng mga balakyot na espiritu.—Gaw 19:11, 12.
Palasak sa Efeso ang mahika kung kaya napakaangkop ng payo ni Pablo tungkol sa paglaban sa mga balakyot na espiritu; ipinakikita ito ng sumusunod na mga punto:
Bantog sa buong daigdig ang “Ephesian letters.” “Ang mga ito ay waring binubuo ng partikular na mga kombinasyon ng mga titik o mga salita, na kapag binigkas sa partikular na mga intonasyon ng boses ay pinaniniwalaang mabisa sa pagpapagaling ng mga sakit, o pagpapalayas ng masasamang espiritu; o na kapag isinulat sa pergamino at isinuot ay gumagana diumano bilang mga agimat, o mga anting-anting, upang magsanggalang laban sa masasamang espiritu, o laban sa panganib. Kaya naman sinabi ni Plutarch (Sympos. 7), ‘inuudyukan ng mga mahiko yaong mga inaalihan ng demonyo na sambitin at bigkasin ang Ephesian letters, sa isang partikular na pagkakasunud-sunod, sa ganang kanila.’”—Notes, Explanatory and Practical, on the Acts of the Apostles, ni A. Barnes, 1858, p. 264.
Ipinahihiwatig ng mga inskripsiyong nahukay sa mga guho ng Efeso ang matinding kadiliman ng isip ng mga taga-Efeso at kung bakit sinulatan ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano sa lunsod na iyon na “huwag na [silang] lumakad pa kung paanong ang mga bansa ay lumalakad din sa kawalang-pakinabang ng kanilang mga pag-iisip, samantalang nasa kadiliman ang kanilang isip.” (Efe 4:17, 18) Ipinakikita ng mga inskripsiyon sa mga pader at mga gusali na ang buhay ng mga taong-bayan ay inugitan ng mga pamahiin, panghuhula, at paghahanap ng mga tanda.
Gaw 19:19) Dahil laganap ang mahika sa Efeso at dahil maraming anyo ng demonismo ang isinasagawa roon, napakaangkop na bigyan ni Pablo ang mga Kristiyanong taga-Efeso ng mainam na payo tungkol sa pakikipaglaban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa pamamagitan ng pagsusuot ng “kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.” Walang alinlangang ang ilan sa mga nakalaya na sa pagsasagawa ng mahika ay liligaligin ng mga demonyo, at makatutulong sa kanila ang payo ni Pablo upang malabanan ang mga balakyot na espiritu. Mapapansin na ang isa sa unang ginawa ng unang mga Kristiyanong ito ay ang pagsira sa mga aklat na iyon na may kaugnayan sa demonismo, anupat nagbibigay ng parisan sa ngayon para sa mga nais makalaya sa impluwensiya o panliligalig ng mga demonyo.—Efe 6:11, 12.
Dahil sa pangangaral ni Pablo, sa pagsasagawa niya ng makahimalang mga gawa, at sa pagkabigo ng mga Judiong nagpapalayas ng demonyo, maraming taga-Efeso ang naging mga Kristiyano. Walang alinlangang marami sa mga indibiduwal na ito ang dating nagsasagawa ng isang anyo ng mahika, sapagkat ang ulat ng Bibliya ay nagsasabi: “Tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat. At tinuos nila nang sama-sama ang halaga ng mga iyon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong piraso ng pilak [kung denario, $37,200].” (Ang papel ni Kristo. Dahil sa maluwalhating pag-asa na inilagay sa harap nila bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo, angkop na angkop na isinulat din ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Efeso na si Kristo ay itinaas nang “lubhang mataas pa sa bawat pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pagkapanginoon at bawat pangalang ipinangalan, hindi lamang sa sistemang ito ng mga bagay, kundi doon din sa darating.” (Efe 1:21) Sa liham na ito, buong-karingalang inilarawan ni Pablo ang itinaas na posisyon ni Jesu-Kristo at ang kaloob na di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos lakip ang pag-ibig, karunungan, at awa para roon sa mga dinadala sa pakikipagkaisa sa kanila. Ang paglalarawan sa paraan kung paano pagkakaisahin ang lahat ng mga bagay na nasa langit at nasa lupa sa ilalim ni Kristo at sa pagdadala kapuwa sa mga Judio at mga Gentil sa loob ng kongregasyon bilang “isang bagong tao” ay siyang pinakakumpletong paliwanag sa Bibliya hinggil sa “sagradong lihim” ng Diyos, na isiniwalat sa mabuting balita tungkol sa Kristo.—Efe 2:15.
[Larawan sa pahina 647]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG EFESO
Isang liham na nagtutuon ng pansin sa isang pangangasiwa na nagbubunga ng pakikipagpayapaan at pakikipagkaisa sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo
Samantalang nakabilanggo sa Roma, isinulat ni Pablo ang liham na ito para sa kongregasyon sa Efeso, isang daungang lunsod sa K baybayin ng Asia Minor
Ang layunin ng Diyos na magdala ng kapayapaan at pagkakaisa sa pamamagitan ni Jesu-Kristo
Bilang kapahayagan ng malaking di-sana-nararapat na kabaitan, patiunang itinalaga ng Diyos na ampunin ang ilang tao bilang kaniyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Kristo (1:1-7)
Nilayon ng Diyos ang isang pangangasiwa (isang paraan ng pamamahala sa mga gawain sa kaniyang sambahayan) na sa pamamagitan niyaon ay pangyayarihin niyang makaisa niya, sa pamamagitan ni Kristo, yaong mga pinili ukol sa buhay sa langit at yaong mga mabubuhay sa lupa (1:8-14)
Ipinanalangin ni Pablo na nawa’y lubos na maunawaan at mapahalagahan ng mga taga-Efeso ang kahanga-hangang paglalaan na ginawa ng Diyos para sa kanila sa pamamagitan ni Kristo (1:15-23; 3:14-21)
Yaong mga pinagkalooban ng mariringal na atas may kaugnayan kay Kristo ay dating patay sa kasalanan; ang kanilang kaligtasan ay kaloob ng Diyos, hindi kabayaran dahil sa mga gawa (2:1-10)
Sa pamamagitan ni Kristo, pinawi ang Kautusan at inilatag ang saligan upang ang mga Judio at mga Gentil ay maging isang katawan, mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, isang templong tatahanan ng Diyos sa espiritu (2:11–3:7)
Sa pamamagitan ng mga pakikitungo ng Diyos sa kongregasyon ay naisisiwalat, maging doon sa mga nasa makalangit na mga dako, ang pagkakasari-sari ng kaniyang karunungan (3:8-13)
Mga salik sa pagkakaisa na inilaan ng Diyos: isang espirituwal na katawan na bumubuo sa kongregasyon, isang banal na espiritu, isang pag-asa, isang Panginoong Jesu-Kristo, isang pananampalataya, isang bautismo, isang Diyos at Ama (4:1-6)
Tinutulungan ng mga kaloob na mga tao na inilaan ni Kristo ang lahat tungo sa pagkakaisa sa pananampalataya; ang buong katawan, sa ilalim ng kaniyang pagkaulo, ay kumikilos nang magkakasuwato dahil sa pagsasalita ng katotohanan at pagpapakita ng pag-ibig (4:7-16)
Magbihis ng bagong personalidad, kasuwato ng turo at halimbawa ni Kristo
Hindi ang mga bansa kundi si Kristo ang halimbawa na dapat sundin; ang paggawa nito ay humihiling ng isang bagong personalidad (4:17-32)
Tularan ang Diyos; magpakita ng uri ng pag-ibig na ipinamalas ni Kristo (5:1, 2)
Iwasan ang imoral na pananalita at paggawi; lumakad bilang mga anak ng liwanag (5:3-14)
Bilhin ang panahon; gamitin ito sa pagpuri kay Jehova (5:15-20)
Taglay ang matinding paggalang kay Kristo, magpakita ng wastong pagpapasakop sa mga asawang lalaki, mga magulang, mga panginoon; magpamalas ng maibiging konsiderasyon sa mga nasa ilalim ng iyong awtoridad (5:21–6:9)
Isuot ang kumpletong espirituwal na kagayakang pandigma upang makatayong matatag laban sa tusong mga gawa ng Diyablo
Tayo ay may pakikipagbuno laban sa balakyot na mga puwersang espiritu; sa tulong ng Diyos, malalabanan natin ang mga sumisirang ito sa kapayapaan at pagkakaisa (6:10-13)
Naglalaan ng lubos na proteksiyon ang espirituwal na kagayakang pandigma mula sa Diyos; gamitin itong mabuti at marubdob na manalangin, na inilalakip ang lahat ng mga banal sa inyong mga pagsusumamo (6:14-24)