Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ehipto, Ehipsiyo

Ehipto, Ehipsiyo

Ang Ehipto at ang mga tumatahan doon ay binabanggit nang mahigit 700 beses sa Bibliya. Sa Hebreong Kasulatan, ang Ehipto ay kadalasang tinatawag sa pangalang Mizraim (Mits·raʹyim) (ihambing ang Gen 50:11), maliwanag na dahil prominente sa rehiyong iyon ang mga inapo ng anak na ito ni Ham. (Gen 10:6) Maging sa ngayon ay ginagamit ng mga Arabe ang pangalang Misr para sa Ehipto. Sa ilang awit ay tinatawag iyon na “lupain ni Ham.”​—Aw 105:23, 27; 106:21, 22.

Mga Hangganan at Heograpiya. (MAPA, Tomo 1, p. 531) Noong sinaunang panahon at maging sa ngayon, ang pag-iral ng Ehipto ay nakadepende sa Ilog Nilo, anupat ang matabang libis nito ay isang mahaba at makitid na luntiang lupain sa tigang na mga disyerto ng hilagang-silangang Aprika. Ang “Mababang Ehipto” ay sumasaklaw sa malapad na rehiyon ng Delta kung saan nagsasanga-sanga ang tubig ng Nilo bago bumuhos sa Dagat Mediteraneo, at noon ay dumaraan ito sa di-kukulangin sa limang magkakahiwalay na sanga ngunit ngayon ay sa dalawa na lamang. Mula sa dako kung saan nagsasanga-sanga ang tubig ng Nilo (sa rehiyon ng makabagong Cairo) hanggang sa baybaying dagat ay mga 160 km (100 mi). Ang lokasyon ng sinaunang Heliopolis (On sa Bibliya) ay di-kalayuan sa H ng Cairo, samantalang ang Memfis naman (kadalasang tinatawag na Nop sa Bibliya) ay may layong ilang milya sa T ng Cairo. (Gen 46:20; Jer 46:19; Os 9:6) Sa gawing T ng Memfis nagsisimula ang rehiyon ng “Mataas na Ehipto,” na sumasaklaw sa kahabaan ng libis hanggang sa unang talon ng Nilo sa Aswan (sinaunang Seyene), isang distansiya na mga 960 km (600 mi). Gayunman, iniisip ng maraming iskolar na mas makatuwirang tukuyin ang hilagang bahagi ng seksiyong ito bilang “Gitnang Ehipto.” Sa buong rehiyong ito (ng Gitna at Mataas na Ehipto), ang patag na Libis ng Nilo ay bihirang humigit pa sa lapad na 20 km (12 mi), at sa magkabilang panig ay nahaharangan ito ng mga bangin na batong-apog at batong-buhangin, na siyang pinakagilid ng mismong disyerto.

Sa kabila ng unang talon ay naroon ang sinaunang Etiopia, anupat ang Ehipto ay sinasabing umabot “mula sa Migdol [isang lugar na maliwanag na nasa HS Ehipto] hanggang sa Seyene at hanggang sa hangganan ng Etiopia.” (Eze 29:10) Bagaman ang terminong Hebreo na Mits·raʹyim ay laging ginagamit upang kumatawan sa buong lupain ng Ehipto, naniniwala ang maraming iskolar na sa ilang kaso ay tumutukoy ito sa Mababang Ehipto, at marahil ay sa Gitnang Ehipto, anupat ang Mataas na Ehipto ay tinatawag na “Patros.” Ang pagtukoy sa ‘Ehipto [Mizraim], Patros, at Cus’ sa Isaias 11:11 ay kahawig ng pagbanggit sa sunud-sunod na mga lugar sa isang inskripsiyon ng Asiryanong si Haring Esar-hadon, kung saan itinala niya ang mga rehiyon ng ‘Musur, Paturisi, at Kusu’ bilang sakop ng kaniyang imperyo.​—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 290.

Ang hangganan ng Ehipto sa H ay ang Dagat Mediteraneo at sa T naman ay ang unang talon ng Nilo at ang Nubia-Etiopia, at ito’y nasa pagitan ng Disyerto ng Libya (bahagi ng Sahara) sa K at ng Disyerto ng Dagat na Pula sa S. Kaya sa kalakhang bahagi, ito ay lubhang naingatan laban sa impluwensiya mula sa labas at naipagsanggalang laban sa pagsalakay. Gayunman, ang ismo ng Sinai sa HS ay nagsilbing tulay na nag-uugnay rito sa kontinente ng Asia (1Sa 15:7; 27:8), at sa pamamagitan ng lupang tulay na ito ay dumating ang mga pulutong na nangangalakal (Gen 37:25), mga nandarayuhan, at nang maglaon, ang mga hukbong sumasalakay. Ang “agusang libis ng Ehipto,” ipinapalagay na ang Wadi el-ʽArish sa Peninsula ng Sinai, ay maliwanag na nagsilbing palatandaan ng HS hangganan ng teritoryo ng Ehipto. (2Ha 24:7) Sa kabila nito ay naroon ang Canaan. (Jos 15:4) Sa disyerto sa dakong K ng Nilo, may di-kukulangin sa limang oasis na naging bahagi ng kaharian ng Ehipto. Ang malaking oasis ng Faiyum, mga 72 km (45 mi) sa TK ng sinaunang Memfis, ay tinustusan ng tubig mula sa Nilo sa pamamagitan ng isang kanal.

Nakadepende sa Nilo ang ekonomiya ng Ehipto. Bagaman sa ngayon ay halos walang pananim sa mga disyertong rehiyon sa gilid ng Libis ng Nilo upang tumustos sa mga hayop, ipinakikita ng katibayan na noong sinaunang panahon ay maraming hayop na mahuhuli sa mga wadi, o mga agusang libis. Gayunman, maliwanag na noon ay bihirang umulan doon gaya rin sa ngayon (marahil ang Cairo ay tumatanggap ng 5 sentimetro [2 pulgada] bawat taon). Dahil dito, ang buhay sa Ehipto ay nakadepende noon sa tubig ng Nilo.

Ang mga bukal ng Nilo ay nagmumula sa kabundukan ng Etiopia at ng kalapit na mga lupain. Dito ang ulan sa pana-panahon ay sapat upang lumaki ang tubig ng ilog, na umaapaw sa mga pampang nito sa Ehipto bawat taon sa mga buwan ng Hulyo hanggang Setyembre. (Ihambing ang Am 8:8; 9:5.) Hindi lamang ito naglalaan ng tubig para sa mga kanal at mga lunas ng irigasyon kundi nag-iiwan din ito ng banlik na nagpapataba ng lupa. Gayon na lamang kataba ang Libis ng Nilo, at gayundin ang Delta, anupat ang natutubigang-mainam na pook ng Sodoma at Gomorra na natanaw ni Lot ay itinulad sa “hardin ni Jehova, tulad ng lupain ng Ehipto.” (Gen 13:10) Gayunman, pabagu-bago ang pag-apaw ng ilog; kapag mababa ito, ang produksiyon ay mahina at ang resulta ay taggutom. (Gen 41:29-31) Kapag hindi umapaw ang tubig ng Nilo, mangangahulugan ito ng napakalubhang problema, anupat ang bansa ay magiging isang tuyot na ilang.​—Isa 19:5-7; Eze 29:10-12.

Mga produkto. Ang Ehipto ay mayaman sa agrikultura, at ang pangunahing mga ani rito ay sebada, trigo, espelta (isang uri ng trigo), at lino (na ginagawang mainam na tela, na tinatawag ding lino at iniluluwas sa maraming lupain). (Exo 9:31, 32; Kaw 7:16) Marami roong mga ubasan at mga puno ng datiles, igos, at granada; ang mga taniman ng gulay ay naglaan ng maraming produkto, gaya ng pipino, pakwan, puero, sibuyas, at bawang. (Gen 40:9-11; Bil 11:5; 20:5) Ang ‘pagpapatubig sa lupain sa pamamagitan ng paa’ (Deu 11:10) ay iniisip ng ilang iskolar na tumutukoy sa paggamit ng de-padyak na gulong ng panalok ng tubig. Maaari rin itong tumukoy sa paggamit ng paa upang magbukas at magsara ng mga kanal na dinadaluyan ng tubig para sa irigasyon.

Kapag nagkaroon ng taggutom sa kalapit na mga lupain, kadalasang pumaparoon ang mga tao sa mabungang Ehipto, gaya ng ginawa ni Abraham noong maagang bahagi ng ikalawang milenyo B.C.E. (Gen 12:10) Nang maglaon, ang Ehipto ay nagsilbing imbakan ng butil para sa kalakhang bahagi ng rehiyon ng Mediteraneo. Ang barko mula sa Alejandria, Ehipto, na sinakyan ng apostol na si Pablo sa Mira noong unang siglo C.E. ay nagluluwas ng mga butil patungong Italya.​—Gaw 27:5, 6, 38.

Ang isa pang mahalagang produkto na iniluluwas ng Ehipto ay papiro, ang matambong halaman na tumutubo sa malalawak na latian ng Delta (Exo 2:3; ihambing ang Job 8:11) at ginagamit sa paggawa ng materyales na mapagsusulatan. Gayunman, dahil wala itong mga kagubatan, ang Ehipto ay kinailangang umangkat ng kahoy mula sa Fenicia, lalo na ng sedro mula sa mga daungang lunsod na gaya ng Tiro, kung saan gustung-gusto naman ng mga tao ang makukulay na lino ng Ehipto. (Eze 27:7) Ang mga templo at bantayog sa Ehipto ay yari sa granito at ilang di-gaanong matigas na bato, gaya ng batong-apog, na sagana sa mga burol na nasa mga gilid ng Libis ng Nilo. Ang pangkaraniwang mga tahanan at maging ang mga palasyo ay gawa sa laryong putik (ang karaniwang materyales para sa pagtatayo ng mga gusali). Ang mga minahan sa Ehipto na nasa mga burol sa gilid ng Dagat na Pula (gayundin sa Peninsula ng Sinai) ay napagkunan ng ginto at tanso; ang mga produktong bronse na yari sa tansong ito ay iniluluwas din.​—Gen 13:1, 2; Aw 68:31.

Ang pag-aalaga ng mga hayop ay naging mahalagang bahagi ng ekonomiya ng Ehipto. Si Abraham ay nagkaroon ng mga tupa at mga baka noong naroroon siya, gayundin ng mga hayop na pantrabaho gaya ng asno at kamelyo. (Gen 12:16; Exo 9:3) Ang mga kabayo ay nabanggit noong panahong nangangasiwa si Jose sa Ehipto (1737-1657 B.C.E.) at karaniwan nang ipinapalagay na nanggaling sa Asia. (Gen 47:17; 50:9) Ang mga ito ay maaaring unang nakuha sa pakikipagkalakalan o nabihag noong panahong lumulusob ang mga Ehipsiyo sa mga lupain sa dakong HS. Pagsapit ng panahon ni Solomon, marami nang kabayo sa Ehipto at itinuturing ang mga ito na mahalagang kalakal (kasama ng mga karong Ehipsiyo) sa iba’t ibang bansa.​—1Ha 10:28, 29.

Marami roong mga ibong maninila at mga ibong kumakain ng bangkay, gaya ng buwitre, lawin, agila, halkon, at mga ibong-tubig tulad ng ibis at tipol. Ang Nilo ay sagana sa isda (Isa 19:8), at pangkaraniwan lamang ang mga hipopotamus at buwaya. (Ihambing ang makasagisag na pananalita ng Eze 29:2-5.) Ang mga disyertong rehiyon ay tinatahanan ng mga chakal, mga lobo, mga hayina, mga leon, at mga ahas at iba pang mga reptilya.

Ang mga Tao. Ang mga Ehipsiyo ay mga Hamita, maliwanag na pangunahin nang nagmula sa anak ni Ham na si Mizraim. (Gen 10:6) Pagkatapos ng pangangalat mula sa Babel (Gen 11:8, 9), maaaring nandayuhan sa H Aprika ang marami sa mga inapo ni Mizraim, gaya ng mga Ludim, mga Anamim, mga Lehabim, mga Naptuhim, at mga Patrusim. (Gen 10:6, 13, 14) Gaya ng nabanggit na, ang Patros (pang-isahang anyo ng Patrusim) ay ipinapalagay na ang Mataas na Ehipto, at may mga katibayan upang ipalagay na ang mga Naptuhim ay nanirahan sa rehiyon ng Delta ng Ehipto.

Ang populasyon ng Ehipto ay waring binubuo ng mga tao mula sa iba’t ibang tribo. Bilang katibayan nito, mula pa noong sinaunang panahon ay hati-hati na ang bansa sa maraming seksiyon (nang maglaon ay tinawag na mga nome) at ang mga grupong ito ay patuloy na umiral at naging bahagi ng kaayusan ng pamahalaan pagkatapos na pagkaisahin ang bansa sa ilalim ng iisang pangunahing tagapamahala, sa katunayan, hanggang noong magwakas ang imperyo. May 42 nome na kinikilala, 20 sa Mababang Ehipto at 22 sa Mataas na Ehipto. Ang patuloy na pagkilala sa pagkakaiba sa pagitan ng Mataas at Mababang Ehipto sa buong kasaysayan ng Ehipto, bagaman posibleng may kaugnayan ito sa heograpiya, ay maaaring tumutukoy rin sa orihinal na pagkakahati ng mga tribo. Nang humina ang pamahalaang sentral, ang bansa ay muntik nang mahati sa dalawang pangunahing seksiyong ito o magkawatak-watak pa nga sa maraming maliliit na kaharian sa iba’t ibang nome.

Salig sa sinaunang mga ipinintang larawan at gayundin sa mga bangkay na momya, ang sinaunang mga Ehipsiyo ay karaniwan nang mabababa, balingkinitan, at maiitim bagaman hindi sila lahing Negro. Gayunman, maraming iba’t ibang hitsura ng mga Ehipsiyo ang makikita sa sinaunang mga ipinintang larawan at mga eskultura.

Wika. Nais ng makabagong mga iskolar na uriin ang wikang Ehipsiyo bilang “Semito-Hamitiko.” Bagaman ang wikang ito ay pangunahin nang Hamitiko, sinasabi nila na maraming pagkakahawig ang balarila nito at ng mga wikang Semitiko, bukod pa sa ilang pagkakahawig sa bokabularyo. Sa kabila ng gayong maliwanag na mga kaugnayan, kinikilalang “malaki ang kaibahan ng Ehipsiyo sa lahat ng mga wikang Semitiko kaysa sa kaibahan ng alinman sa mga ito sa isa’t isa, at hangga’t hindi pa natitiyak nang higit ang kaugnayan nito sa mga wikang Aprikano, ang Ehipsiyo ay dapat lamang na uriin bilang hiwalay sa grupong Semitiko.” (Egyptian Grammar, ni A. Gardiner, London, 1957, p. 3) Nang ilihim ni Jose sa kaniyang mga kapatid kung sino siya, nakipag-usap siya sa kanila sa pamamagitan ng isang tagapagsaling Ehipsiyo.​—Gen 42:23.

Gayunpaman, maraming salik ang lubhang nagpapahirap sa pagbuo ng tiyak na mga konklusyon tungkol sa pinakasinaunang mga wika na ginamit sa Ehipto. Ang isa sa mga ito ay ang sistema ng pagsulat ng mga Ehipsiyo. Ang sinaunang mga inskripsiyon ay gumagamit ng mga pictographic sign (mga wangis ng mga hayop, mga ibon, mga halaman, o iba pang mga bagay) kalakip ng ilang hugis na heometrikal, isang sistema ng pagsulat na tinatawag ng mga Griego na hieroglyphics. Bagaman ang ilang sagisag ay kumatawan sa mga pantig, ang mga ito ay dagdag lamang sa mga hieroglyphic at hindi humalili sa mga iyon. Karagdagan pa, ang eksaktong mga tunog ng mga pantig na iyon ay hindi na alam sa ngayon. Bahagyang nakatutulong ang mga pagbanggit sa Ehipto sa ilang akdang cuneiform na sing-aga ng kalagitnaan ng ikalawang milenyo B.C.E. Ang mga transkripsiyon sa Griego ng mga pangalang Ehipsiyo at ng iba pang mga salita na nagmula pa noong mga ikaanim na siglo C.E., at ang mga transkripsiyon sa Aramaiko na nagpasimula mga isang siglo pagkaraan nito, ay nagbibigay rin ng ilang ideya tungkol sa baybay ng mga salitang Ehipsiyo na isinalin. Ngunit ang kaalaman sa ponolohiya, o sistema ng pagbigkas, ng sinaunang wikang Ehipsiyo ay pangunahin pa ring batay sa Coptic, ang uri ng Ehipsiyo na sinalita mula noong ikatlong siglo C.E. Kaya, ang kayarian ng pinakasinaunang bokabularyo nito, partikular na bago nakipamayan ang mga Israelita sa Ehipto, ay hindi matiyak. Para sa halimbawa, tingnan ang NO, NO-AMON.

Karagdagan pa, kakaunti ang nalalaman sa ngayon tungkol sa iba pang mga sinaunang wikang Hamitiko sa Aprika, anupat mahirap tiyakin ang kaugnayan ng wikang Ehipsiyo sa mga iyon. Walang natuklasang inskripsiyon ng mga di-Ehipsiyong wikang Aprikano na mas maaga kaysa sa pasimula ng Karaniwang Panahon. Sinusuportahan ng mga katibayan ang ulat ng Bibliya tungkol sa paggulo sa wika, at lumilitaw na ang sinaunang mga Ehipsiyo, bilang mga inapo ni Ham sa pamamagitan ni Mizraim, ay nagsalita ng isang wika na bukod at naiiba sa mga wikang Semitiko.

Ang sulat na hieroglyphic ay pantanging ginamit para sa mga inskripsiyon sa mga bantayog at mga ipinintang larawan sa pader, kung saan iginuhit nang lubhang detalyado ang mga sagisag. Bagaman patuloy itong ginamit hanggang sa pasimula ng Karaniwang Panahon, lalo na para sa mga tekstong relihiyoso, isang di-gaanong mahirap na paraan ng pagsulat, na gumagamit ng mas simple at kabit-kabit na mga porma, ang matagal nang binuo ng mga eskribang gumamit ng tinta sa pagsulat sa katad at papiro. Tinawag itong hieratic at sinundan ito ng isang mas kabit-kabit na porma na tinawag na demotic, na partikular nang ginamit mula noong tinatawag na “Ikadalawampu’t Anim na Dinastiya” (ikapito at ikaanim na siglo B.C.E.) at patuloy. Naunawaan lamang ang kahulugan ng mga tekstong Ehipsiyo pagkatapos na matuklasan ang Batong Rosetta noong 1799. Ang inskripsiyong ito, na nasa British Museum, ay kababasahan ng isang dekreto na nagpaparangal kay Ptolemy V (Epiphanes) at nagmula pa noong 196 B.C.E. Ang mga sulat ay nasa anyong Ehipsiyong hieroglyphic, demotic, at Griego, at naunawaan ang kahulugan ng tekstong Ehipsiyo dahil sa wikang Griego.

Relihiyon. Ang Ehipto ay isang lupaing napakarelihiyoso at punô ng politeismo. Bawat lunsod at bayan ay may sariling bathala, na nagtataglay ng titulong “Panginoon ng Lunsod.” Isang talaan na natagpuan sa libingan ni Thutmose III ang kababasahan ng pangalan ng mga 740 diyos. (Exo 12:12) Kadalasan, ang diyos ay inilalarawan bilang may asawang diyosa na nagsilang sa kaniya ng anak na lalaki, “sa gayon ay bumubuo ng tatluhang diyos o trinidad kung saan ang ama, karagdagan pa, ay hindi laging ang pinakaulo, anupat kung minsan ay kontento na siya sa papel na prinsipeng abay, samantalang ang pangunahing bathala ng lokalidad ay ang diyosa pa rin.” (New Larousse Encyclopedia of Mythology, 1968, p. 10) Bawat isa sa mga pangunahing diyos ay tumatahan sa isang templo na hindi bukas sa publiko. Ang diyos ay sinasamba ng mga saserdote na gumigising sa kaniya bawat umaga sa pamamagitan ng isang himno, nagpapaligo sa kaniya, nagdadamit sa kaniya, “nagpapakain” sa kaniya, at naglilingkod sa kaniya sa iba pang paraan. (Ihambing ang pagkakaiba sa Aw 121:3, 4; Isa 40:28.) Dahil dito, lumilitaw na ang mga saserdote ay itinuturing na mga kinatawan ng Paraon, na pinaniniwalaang isa ring diyos na buháy, ang anak ng diyos na si Ra. Ang situwasyong ito ay nagdiriin sa lakas ng loob na ipinakita nina Moises at Aaron sa pagharap kay Paraon upang sabihin dito ang utos ng tunay na Diyos at nagdaragdag ng kahulugan sa mapanghamak na tugon ni Paraon, “Sino si Jehova, anupat susundin ko ang kaniyang tinig?”​—Exo 5:2.

Sa kabila ng napakaraming arkeolohikal na materyal na natuklasan sa Ehipto gaya ng mga templo, mga estatuwa, mga ipinintang larawang relihiyoso, at mga akda, kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa aktuwal na mga relihiyosong paniniwala ng mga Ehipsiyo. Napakakaunti ng impormasyong makukuha sa mga tekstong relihiyoso. Ang karamihan ng nalalaman hinggil sa kanilang mga diyos at mga kaugalian ay pala-palagay lamang o batay sa impormasyon mula sa mga Griegong manunulat na gaya nina Herodotus at Plutarch.

Gayunman, maliwanag na iba’t iba ang paniniwala ng mga Ehipsiyo yamang ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga rehiyon ay nagpatuloy sa buong kasaysayan ng Ehipto at nagbunga ng napakaraming alamat at mito na madalas ay nagkakasalungatan. Halimbawa, ang diyos na si Ra ay kilalá sa 75 iba’t ibang pangalan at anyo. Waring iilan lamang sa daan-daang bathala ang sinamba ng buong bansa. Ang pinakapopular sa mga ito ay ang trinidad nina Osiris, Isis (ang kaniyang asawa), at Horus (ang kaniyang anak). Nariyan din ang mga diyos sa kalawakan na pinangungunahan ni Ra, ang diyos-araw, kasama ang mga diyos ng buwan, kalangitan, hangin, lupa, ilog ng Nilo, at iba pa. Sa Thebes (No sa Bibliya), ang diyos na si Amon ay naging napakaprominente at nang maglaon ay binigyan ng titulong “hari ng mga diyos” at tinawag na Amon-Ra. (Jer 46:25) Sa mga panahon ng kapistahan (Jer 46:17), ang mga diyos ay ipinaparada sa mga lansangan ng lunsod. Halimbawa, kapag ang imahen ni Ra ay binubuhat ng kaniyang mga saserdote sa prusisyon, tinitiyak ng mga tao na naroon sila, anupat umaasang makikinabang sila dahil dito. Palibhasa’y itinuturing na ang basta pagpunta nila roon ay pagtupad na sa kanilang relihiyosong pananagutan, iniisip ng mga Ehipsiyo na pananagutan naman ni Ra na patuloy silang pasaganain. Umaasa lamang sila sa kaniya para sa materyal na mga pagpapala at kasaganaan at hindi sila kailanman humihingi ng anumang bagay na espirituwal. Maraming pagkakahawig sa pagitan ng mga pangunahing diyos ng Ehipto at ng Babilonya, anupat ipinakikita ng katibayan na ang mga Babilonyo ang tinularan ng mga Ehipsiyo sa bagay na ito.​—Tingnan ang DIYOS AT DIYOSA, MGA.

Ang politeistikong pagsambang ito ay hindi naging kapaki-pakinabang sa mga Ehipsiyo. Gaya nga ng sinabi ng Encyclopædia Britannica (1959, Tomo 8, p. 53): “Kamangha-manghang mga hiwaga, na lihim na nag-iingat ng malalalim na katotohanan, ang iniuugnay sa kanila ng klasikal at makabagong imahinasyon. Sabihin pa, mayroon silang mga hiwaga tulad ng mga Ashanti o mga Ibo [mga tribong Aprikano]. Gayunman, isang pagkakamali na isiping ang mga hiwagang ito ay nagtataglay ng katotohanan, at na may okultong ‘pananampalataya’ sa likuran ng mga ito.” Sa katunayan, ipinakikita ng mga katibayan na ang mahika at sinaunang pamahiin ang pangunahing mga elemento ng pagsamba ng mga Ehipsiyo. (Gen 41:8) Ang relihiyosong mahika ay ginamit upang iwasan ang sakit; ang espiritismo ay prominente, anupat marami silang “mga engkantador,” “mga espiritista,” at “mga manghuhula ng mga pangyayari.” (Isa 19:3) Ang mga agimat at mga “suwerteng” anting-anting ay isinusuot, at ang mga mahikang orasyon ay isinusulat sa mga piraso ng papiro at ikinukuwintas sa leeg. (Ihambing ang Deu 18:10, 11.) Nang magpakita sina Moises at Aaron ng makahimalang mga gawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ipinagparangalan ng mga saserdoteng mahiko at manggagaway ng korte ni Paraon na kaya nilang gayahin ang gayong mga gawa sa pamamagitan ng mga sining ng mahika hanggang sa mapilitan silang tumanggap ng pagkatalo.​—Exo 7:11, 22; 8:7, 18, 19.

Pagsamba sa hayop. Dahil sa mapamahiing pagsambang ito, ang mga Ehipsiyo ay nagsagawa ng karumal-dumal na idolatriya kasama ang pagsamba sa mga hayop. (Ihambing ang Ro 1:22, 23.) Marami sa pinakaprominenteng mga diyos ang palaging ipinakikita na may katawan ng tao at ulo ng isang hayop o ibon. Halimbawa, ang diyos na si Horus ay inilalarawan na may ulo ng halkon; si Thoth naman ay may ulo ng ibong ibis o ng unggoy. Sa ilang kaso ang diyos ay itinuturing na aktuwal na nagkatawang-hayop, gaya sa kaso ng mga torong Apis. Ang buháy na torong Apis, na itinuturing na pagkakatawang-hayop ng diyos na si Osiris, ay inaalagaan sa templo at kapag namatay ay binibigyan ng marangyang prusisyon at libing. Dahil sa paniniwala na ang ilang hayop, gaya ng pusa, baboon, buwaya, chakal, at iba’t ibang uri ng ibon, ay sagrado dahil iniuugnay ang mga ito sa partikular na mga diyos, literal na daan-daang libo ng gayong mga hayop ang ginawang momya ng mga Ehipsiyo at inilibing sa espesyal na mga sementeryo.

Bakit iginiit ni Moises na ang mga hain ng Israel ay magiging “karima-rimarim sa mga Ehipsiyo”?

Tiyak na dahil napakaraming iba’t ibang hayop ang sinasamba sa iba’t ibang bahagi ng Ehipto, mapuwersa at mapanghikayat ang sinabi ni Moises na pahintulutan ang Israel na pumaroon sa ilang upang maghandog ng kanilang mga hain, anupat sinabi pa niya kay Paraon: “Halimbawang maghahain kami ng bagay na karima-rimarim sa mga Ehipsiyo sa kanilang paningin; hindi ba nila kami babatuhin?” (Exo 8:26, 27) Lumilitaw na karamihan sa mga hain na inihandog ng Israel nang maglaon ay talagang lubhang makagagalit sa mga Ehipsiyo. (Sa Ehipto, ang diyos-araw na si Ra ay inilalarawan kung minsan bilang isang guya na isinilang ng makalangit na baka.) Sa kabilang dako, gaya ng ipinakikita sa artikulong DIYOS AT DIYOSA, MGA, sa pamamagitan ng Sampung Salot sa Ehipto, naglapat si Jehova ng kahatulan “sa lahat ng diyos ng Ehipto,” anupat nagpasapit ng malaking kahihiyan sa mga ito habang ipinakikilala ang kaniyang sariling pangalan sa buong lupain.​—Exo 12:12.

Ang bansang Israel ay hindi lubusang nakaiwas na mahawa sa gayong huwad na pagsamba sa loob ng dalawang siglong pakikipamayan nito sa Ehipto (Jos 24:14), at tiyak na ito ang isang dahilan ng maling mga saloobin na ipinakita nila noong maagang bahagi ng Pag-alis. Bagaman tinagubilinan ni Jehova ang mga Israelita na itapon ang “mga karumal-dumal na idolo ng Ehipto,” hindi nila ito ginawa. (Eze 20:7, 8; 23:3, 4, 8) Ang paggawa nila ng ginintuang guya upang sambahin sa ilang ay nagpapahiwatig na ang pagsamba ng mga Ehipsiyo sa hayop ay nakahawa sa ilang Israelita. (Exo 32:1-8; Gaw 7:39-41) Mismong bago pumasok ang Israel sa Lupang Pangako, muli silang binabalaan ni Jehova na huwag silang gumamit ng anumang bagay na anyong hayop o ng mga bagay sa kalawakan sa kanilang pagsamba sa Kaniya. (Deu 4:15-20) Gayunman, ang pagsamba sa hayop ay muling lumitaw pagkaraan ng ilang siglo nang si Jeroboam, na kababalik lamang mula sa Ehipto, ay gumawa ng dalawang ginintuang guya para sa pagsamba nang matamo niya ang pagkahari sa hilagang kaharian ng Israel. (1Ha 12:2, 28, 29) Kapansin-pansin na ang kinasihang Kasulatan na isinulat ni Moises ay walang anumang bahid ng gayong idolatriya at pamahiing Ehipsiyo.

Walang espirituwal at moral na mga katangian. Iminumungkahi ng ilang iskolar na ang anumang konsepto ng kasalanan na makikita sa ilang tekstong relihiyoso ng Ehipto ay resulta ng impluwensiyang Semitiko nang dakong huli. Gayunman, ang pagtatapat ng kasalanan ay laging sa negatibong diwa, gaya nga ng sinabi ng Encyclopædia Britannica (1959, Tomo 8, p. 56): “Kapag nagtapat [ang Ehipsiyo], hindi niya sinasabing ‘Ako ay nagkasala’; sinasabi niyang ‘Hindi ako nagkasala.’ Ang kaniyang pagtatapat ay negatibo, at ang onus probandi [ang pananagutang magpatunay] ay nakaatang sa kaniyang mga hukom, na, ayon sa mga papiro para sa libing, ay laging nagbababa ng desisyon na pabor sa kaniya​—o sa paanuman ay inaasam at inaasahan na gayon ang gagawin nila.” (Ihambing ang pagkakaiba sa Aw 51:1-5.) Lumilitaw na ang relihiyon ng sinaunang Ehipto ay halos puro mga seremonya at mga orasyon, na ginagawa upang matamo ang partikular na mga resulta sa pamamagitan ng pagpapala ng isa o higit pa sa kanilang maraming diyos.

Bagaman sinasabing nagkaroon ng isang anyo ng monoteismo noong panahong naghahari ang mga paraon na sina Amenhotep III at Amenhotep IV (Akhenaton), noong halos ang diyos-araw na si Aton lamang ang sinasamba, hindi iyon tunay na monoteismo. Ang Paraon mismo ay patuloy na sinamba bilang diyos. At maging sa yugtong ito ay hindi nagkaroon ng moral na katangian ang mga tekstong relihiyoso ng Ehipto, anupat ang mga himno sa diyos-araw na si Aton ay pumupuri lamang sa kaniya dahil sa kaniyang nagbibigay-buhay na init ngunit salat pa rin sa anumang kapahayagan ng papuri o pagpapahalaga sa anumang espirituwal o moral na mga katangian. Kaya talagang walang saligan ang opinyon na ang monoteismo sa mga akda ni Moises ay impluwensiya ng Ehipto.

Mga paniniwala tungkol sa mga patay. Lubhang prominente sa relihiyon ng Ehipto ang pagkabahala sa mga patay at ang labis na pagsisikap upang matiyak ang kabutihan at kaligayahan ng isa pagkatapos ng “pagbabago” sa kamatayan. Ang paniniwala sa reinkarnasyon o sa paglipat ng kaluluwa sa ibang katawan ay laganap. Ang kaluluwa ay pinaniniwalaang imortal; gayunpaman, pinaniniwalaang ang katawan ng tao ay dapat ding ingatang hindi mabulok upang makabalik ang kaluluwa at magamit ito paminsan-minsan. Dahil sa paniniwalang ito, inembalsamo ng mga Ehipsiyo ang kanilang mga patay. Ang libingan na pinaglagyan sa bangkay na ginawang momya ay itinuturing na “tahanan” ng namatay. Ang mga piramide ay pagkalaki-laking mga tirahan ng namatay na mga maharlika. Ang mga pangangailangan at karangyaan sa buhay, kasama na ang mga alahas, mga damit, mga muwebles, at mga suplay ng pagkain, ay iniimbak sa mga libingan upang magamit ng namatay, kasama ang nakasulat na mga orasyon at mga anting-anting (gaya ng “Aklat ng mga Patay”) na magsisilbing proteksiyon ng namatay laban sa masasamang espiritu. (LARAWAN, Tomo 1, p. 533) Gayunman, hindi man lamang sila naipagsanggalang ng mga orasyong ito sa mga magnanakaw na nanamsam sa halos lahat ng malalaking libingan.

Bagaman inembalsamo ang mga katawan nina Jacob at Jose, sa kaso ni Jacob ay tiyak na isinagawa ito, pangunahin na, upang hindi mabulok ang kaniyang katawan hanggang sa madala ito ng mga Israelita sa isang dakong libingan sa Lupang Pangako bilang kapahayagan ng kanilang pananampalataya. Partikular na sa kaso ni Jose, maaaring inembalsamo siya ng mga Ehipsiyo bilang paggalang at pagpaparangal sa kaniya.​—Gen 47:29-31; 50:2-14, 24-26.

Ang Buhay at Kultura ng mga Ehipsiyo. Matagal nang inilalarawan ng mga iskolar ang Ehipto bilang ang ‘pinakamatandang sibilisasyon’ at ang pinagmulan ng marami sa kauna-unahang mga imbensiyon at pagsulong ng sangkatauhan. Ngunit kamakailan lamang, ipinakikita ng maraming katibayan na ang Mesopotamia ang sinilangan ng sibilisasyon. Ang ilang pamamaraan ng mga Ehipsiyo sa arkitektura, ang paggamit ng gulong, marahil ang mga simulain ng kanilang pictographic na pagsulat, at lalo na ang mga pangunahing katangian ng relihiyon ng Ehipto ay pawang ipinapalagay na nagmula sa Mesopotamia. Sabihin pa, kaayon ito ng ulat ng Bibliya hinggil sa pangangalat ng mga tao pagkaraan ng Baha.

Ang pinakakilala sa arkitektura ng mga Ehipsiyo ay ang mga piramide na itinayo sa Giza ng mga paraon na sina Khufu (Cheops), Khafre, at Menkure na mula sa tinaguriang “Ikaapat na Dinastiya.” Ang pinakamalaki, na itinayo ni Khufu, ay may lawak na mga 5.3 ektarya (13 akre) at taas na mga 137 m (450 piye) (kasintaas ng isang makabagong 40-palapag na gusali). Tinatantiya na ginamitan ito ng 2,300,000 bloke ng bato, na sa katamtaman ay 2.3 metriko tonelada bawat isa. Ang mga bloke ay buong-ingat na tinabas anupat halos eksakto ang pagkakalapat ng mga ito. Nagtayo rin sila ng pagkalalakíng mga templo, anupat yaong nasa Karnak, sa Thebes (No sa Bibliya; Jer 46:25; Eze 30:14-16), ang pinakamalaking kayariang de-haligi na naitayo kailanman.

Ang pagtutuli ay isang karaniwang kaugalian ng mga Ehipsiyo mula pa noong sinaunang panahon, at itinatala sila ng Bibliya kasama ng iba pang mga taong tuli.​—Jer 9:25, 26.

Ang edukasyon ay waring pangunahin nang binubuo ng mga paaralan para sa mga eskriba, na pinangangasiwaan ng mga saserdote. Bukod sa pagiging dalubhasa sa sulat Ehipsiyo, ang maharlikang mga eskriba ay pamilyar na pamilyar din sa Aramaikong cuneiform; noon pa mang kalagitnaan ng ikalawang milenyo B.C.E. ang mga sakop na tagapamahala sa Sirya at Palestina ay palaging nakikipagtalastasan sa kabisera ng Ehipto sa wikang Aramaiko. Dahil sa pagsulong ng mga Ehipsiyo sa matematika, naitayo nila ang kamangha-manghang mga istraktura na nabanggit na, at maliwanag na mayroon silang kaalaman sa heometriya at alhebra. Sinasabing “tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.” (Gaw 7:22) Bagaman maraming mali sa kaalaman ng mga Ehipsiyo, mayroon din silang mga kaalaman na may praktikal na kahalagahan.

Ang pamahalaan at batas ay nakasentro sa hari o Paraon, na itinuturing na isang diyos sa anyong tao. Pinamahalaan niya ang lupain sa pamamagitan ng mga nakabababang opisyal, o mga ministro, at sa pamamagitan ng piyudal na mga pinuno, na nagiging kaagaw ng hari kapag humihina ang kaniyang kapangyarihan. Maaaring ang mga pinunong ito ay itinuring ng kanilang mga nasasakupan bilang mga hari, na siyang dahilan kung bakit may binabanggit sa Bibliya na “mga hari [pangmaramihan] ng Ehipto” sa espesipikong mga panahon. (2Ha 7:6; Jer 46:25) Matapos sakupin ng Ehipto ang Nubia-Etiopia sa dakong T, ang rehiyong iyon ay pinamahalaan ng isang kinatawan ng hari na tinatawag na “ang anak ng hari na mula sa Cus,” at may katibayan na pinamahalaan din ang Fenicia ng isang Ehipsiyong kinatawan ng hari.

Walang aktuwal na kodigo ng batas ng mga Ehipsiyo ang natuklasan. Mayroon silang mga batas ngunit maliwanag na ang mga iyon ay mga utos lamang ng hari, tulad ng utos ni Paraon may kinalaman sa pagtatrabaho ng mga Israelita sa paggawa ng laryo at ng utos niya na lunurin ang lahat ng bagong-silang na Israelitang sanggol na lalaki. (Exo 1:8-22; 5:6-18; ihambing ang Gen 41:44.) Pinapatawan ng buwis ang lahat ng ani ng mga may-ari ng lupain, at waring nagpasimula ito noong panahon ni Jose, nang maging pag-aari ng Paraon ang lahat ng lupain, maliban sa lupain ng mga saserdote. (Gen 47:20-26) Bukod sa ilang bahagi ng ani o mga alagang hayop, kasama rin sa hinihinging buwis ang pagtatrabaho sa mga proyekto ng pamahalaan at paglilingkod sa militar. Kasama sa parusa sa mga krimen ang pagputol sa ilong, pagpapatapon upang magtrabaho sa mga minahan, pamamalo, pagkabilanggo, at kamatayan na kadalasa’y sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo.​—Gen 39:20; 40:1-3, 16-22.

Ang mga kaugalian sa pag-aasawa ay nagpahintulot sa poligamya at pag-aasawa ng magkapatid, at ang huling nabanggit ay ginawa pa sa ilang lugar sa Ehipto hanggang noong ikalawang siglo C.E. Napangasawa ng ilang Paraon ang kanilang mga kapatid na babae, lumilitaw na dahil walang ibang mga babae ang itinuturing na sagrado at maaaring sumiping sa gayong “diyos na buháy.” Ipinagbawal ng Kautusang ibinigay sa Israel pagkaalis nila sa Ehipto ang insestong pag-aasawa, anupat sinabi, “Ang gaya ng ginagawa sa lupain ng Ehipto . . . ay huwag ninyong gagawin; [ni] ang gaya ng ginagawa sa lupain ng Canaan.”​—Lev 18:3, 6-16.

Ang kaalaman ng sinaunang mga Ehipsiyo sa medisina ay madalas na inilalarawan bilang masulong at kaayon ng siyensiya. Bagaman maliwanag na mayroon silang ilang kaalaman sa anatomiya at nakapagpasimula sila at nakapagtala ng ilang simpleng pamamaraan sa pag-opera, marami pa rin silang hindi alam. Kaya bagaman sinasabi ng isang Ehipsiyong tekstong papiro na ang puso ay konektado sa bawat bahagi ng katawan sa pamamagitan ng mga ugat, binabanggit din ng tekstong iyon na ang mga ugat ay dinadaluyan, hindi ng dugo, kundi ng hangin, tubig, semilya, at uhog. Bukod sa mali ang pagkaunawa nila hinggil sa paggana ng buháy na katawan, ang kanilang mga teksto sa medisina ay punô ng mahika at pamahiin, anupat mga orasyon at mga bulong sa mahika ang kalakhang bahagi ng impormasyon sa mga iyon. Hindi lamang nakabubuting mga yerba at halaman ang inirereseta ng mga iyon kundi pati mga sangkap na gaya ng dugo ng daga, ihi, o dumi ng langaw, na kasama ng mga orasyon ay iniisip na “magpapalayas sa sumasanib na demonyo mula sa katawan ng tao dahil sa matinding pandidiri.” (History of Mankind, nina J. Hawkes at Sir Leonard Woolley, 1963, Tomo I, p. 695) Ang gayong kakulangan ng kaalaman ay maaaring isang dahilan ng ‘nakatatakot na mga karamdaman ng Ehipto,’ malamang na kabilang dito ang elephantiasis, disintirya, bulutong, bubonic plague, ophthalmia, at iba pang mga sakit; ang Israel ay maaaring makaiwas sa mga ito sa pamamagitan ng tapat na pagsunod. (Deu 7:15; ihambing ang Deu 28:27, 58-60; Am 4:10.) Ang pangkalusugang mga tuntunin na ibinigay sa mga Israelita pagkatapos ng Pag-alis ay may malaking kaibahan sa maraming kaugalian na inilarawan sa mga tekstong Ehipsiyo.​—Lev 11:32-40; tingnan ang KARAMDAMAN AT PANGGAGAMOT.

Kabilang sa mga hanapbuhay ng mga Ehipsiyo ang paggawa ng mga kagamitang luwad, paghahabi, pagpaplatero, paggawa ng mga alahas at relihiyosong anting-anting, at marami pang iba. (Isa 19:1, 9, 10) Noon pa mang kalagitnaan ng ikalawang milenyo B.C.E., ang Ehipto ay isa nang sentro ng paggawa ng salamin.​—Ihambing ang Job 28:17.

Ang transportasyon sa loob ng bansa ay nakasentro sa Ilog Nilo. Ang mga sasakyang naglalayag nang pasalungat sa agos ay itinutulak ng mas malalakas na hangin mula sa H, samantalang ang mga bangkang naglalakbay mula sa T ay tinatangay naman ng agos. Bukod sa pangunahing daanang ito, mayroon ding mga kanal at ilang lansangan, halimbawa ay ang daan patungo sa Canaan.

Ang mga Ehipsiyo ay nakipagkalakalan sa iba pang mga bansang Aprikano sa pamamagitan ng mga pulutong na naglalakbay at mga barkong naglalayag sa Dagat na Pula, samantalang ang malalaking barkong Ehipsiyo naman ay naglulan ng mga kargamento at mga pasahero patungo sa maraming daungan ng silangang Dagat Mediteraneo.

Ang damit ng mga Ehipsiyo ay simple. Ang mga lalaki noong sinaunang panahon ay nagsusuot lamang ng isang uri ng epron na may mga pileges sa harapan; nang maglaon tanging ang mga ordinaryong tao sa lipunan ang hindi nagsusuot ng pang-itaas. Ang mga babae ay nagsusuot ng mahahaba at hapít na bestida na may mga tirante, na kadalasan ay yari sa mainam na lino. Kaugalian nila ang lumakad nang nakatapak, na posibleng isang dahilan kung bakit laganap ang ilang sakit.

Makikita sa mga ipinintang larawan sa Ehipto na ang buhok ng mga lalaki ay maikli o kaya’y ahít, at makinis ang kanilang ahit sa mukha. (Gen 41:14) Karaniwan sa mga babae ang paggamit ng mga kosmetik.

Ang mga Ehipsiyo ay may iba’t ibang uri ng tahanan mula sa simpleng kubo ng mga dukha hanggang sa malalaking bahay ng mayayaman, na may mga hardin, mga taniman, at maliliit na lawa. Yamang si Potipar ay isang opisyal ni Paraon, malamang na ang kaniyang bahay ay malaki at maganda. (Gen 39:1, 4-6) Mayroon silang iba’t ibang uri ng muwebles mula sa simpleng bangko hanggang sa magagarbong silya at higaan. Ang mas malalaking bahay ay karaniwan nang may looban o bakuran sa pinakagitna. (Ihambing ang Exo 8:3, 13.) Ang pagmamasa ng harina at pagluluto ay kadalasang ginagawa sa looban. Ang pagkain ng karamihan sa mga Ehipsiyo ay malamang na tinapay na sebada, mga gulay, isda (na sagana at mura; Bil 11:5), at serbesa, na isang karaniwang inumin. Ang mga nakaririwasa ay nakabibili ng iba’t ibang uri ng karne.​—Exo 16:3.

Ang mga Ehipsiyong lalaki na naglilingkod sa militar ay gumamit ng karaniwang mga sandata noong panahong iyon: busog at palaso, sibat o lanse, pamalo na may matutulis na bakal, palakol, at sundang. Malaking bahagi ang ginampanan ng mga karong hinihila ng kabayo sa kanilang pakikipagdigma. Bagaman dati ay hindi sila gumagamit ng baluti sa katawan, nang maglaon ay gumamit din sila nito, gaya ng mga helmet, na kadalasan ay may palamuting pakpak. Kaya naman ang hula ni Jeremias (46:2-4) ay nagbibigay ng tumpak na paglalarawan ng militar ng Ehipto noong ikapitong siglo B.C.E. Ang kalakhang bahagi ng hukbo ay waring binubuo ng mga kinalap mula sa bayan, at nang dakong huli ay palagian na silang gumagamit ng mga hukbong mersenaryo mula sa ibang mga bansa.​—Jer 46:7-9.

Kasaysayan. Napakahirap malaman ang kasaysayan ng Ehipto kung ibabatay sa mga sekular na impormasyon, lalo na kung tungkol sa mas naunang mga yugto.​—Tingnan ang KRONOLOHIYA (Kronolohiya ng Ehipto).

Ang pagdalaw ni Abraham. Pagkatapos ng Baha (2370-2369 B.C.E.) at ng pangangalat ng mga tao sa Babel, ang mga Hamita ay nanirahan sa Ehipto. Noong panahong si Abraham (Abram) ay mapilitang umalis sa Canaan at bumaba sa Ehipto (sa pagitan ng 1943 B.C.E. at 1932 B.C.E.) dahil sa taggutom, mayroon nang kahariang umiiral sa ilalim ng isang Paraon (di-binanggit ang pangalan sa Bibliya).​—Gen 12:4, 14, 15; 16:16.

Lumilitaw na ang Ehipto ay tumatanggap ng mga taga-ibang bayan, at waring walang ipinakitang pagkapoot sa pagala-galang si Abraham, na naninirahan sa tolda. Gayunman, ang takot ni Abraham na mapaslang siya dahil sa kaniyang magandang asawa ay makatotohanan at nagpapakita ng mababang moralidad ng mga Ehipsiyo. (Gen 12:11-13) Ang mga salot na pinasapit kay Paraon dahil sa pagdadala niya kay Sara sa kaniyang bahay ay epektibo anupat naging dahilan ng pagpapaalis kay Abraham mula sa bansa; nang umalis siya, dinala niya hindi lamang ang kaniyang asawa kundi pati ang kaniyang dumaming pag-aari. (Gen 12:15-20; 13:1, 2) Maaaring ang alilang babae ni Sara na si Hagar ay nakuha noong panahong manirahan si Abraham sa Ehipto. (Gen 16:1) Si Hagar ang naging ina ng anak ni Abraham na si Ismael (1932 B.C.E.), at nang lumaki na si Ismael, nag-asawa siya ng isang babaing mula sa Ehipto, ang tinubuang lupain ng kaniyang ina. (Gen 16:3, 4, 15, 16; 21:21) Kaya ang lahi ng mga Ismaelita ay pangunahin nang Ehipsiyo sa pasimula, at kung minsan ay nagkakampo rin sila malapit sa hanggahan ng Ehipto.​—Gen 25:13-18.

Dahil sa isa pang taggutom, ang Ehipto ay muling naging takbuhan ng mga taong naghahanap ng pagkain, ngunit noong panahong iyon (ilang panahon pagkaraan ng 1843 B.C.E., kung kailan namatay si Abraham), tinagubilinan ni Jehova si Isaac na huwag lumipat sa lupaing iyon.​—Gen 26:1, 2.

Si Jose sa Ehipto. Halos dalawang siglo pagkaraan ng pakikipamayan ni Abraham sa Ehipto, ang kabataang anak ni Jacob na si Jose ay ipinagbili sa isang pulutong ng mga Midianita-Ismaelita at pagkatapos ay muling ipinagbili sa Ehipto sa isang opisyal ng korte ni Paraon (1750 B.C.E.). (Gen 37:25-28, 36) Gaya ng ipinaliwanag ni Jose sa kaniyang mga kapatid nang dakong huli, ipinahintulot ito ng Diyos upang maingatan ang buhay ng pamilya ni Jacob sa isang panahon ng matinding taggutom. (Gen 45:5-8) Ang ulat ng mahahalagang pangyayari sa buhay ni Jose ay naghaharap ng isang napakatumpak na larawan ng Ehipto. (Tingnan ang JOSE Blg. 1.) Ang mga titulo ng mga opisyal, mga kaugalian, damit, paggamit ng mahika, at marami pang ibang mga detalyeng inilalarawan ay mapatutunayan ng mga impormasyon mula sa mga bantayog, mga larawan, at mga akda sa Ehipto. Halimbawa, ang pagtatalaga kay Jose bilang kinatawan ng hari ng Ehipto (Gen 41:42) ay kaayon ng pamamaraang ipinakikita sa mga inskripsiyon at miyural sa Ehipto.​—Gen kab 45-47.

Ang pagtanggi ng mga Ehipsiyo na kumaing kasalo ng mga Hebreo, gaya noong maglaan si Jose ng tanghalian para sa kaniyang mga kapatid, ay maaaring dahil sa kanilang pagtatangi laban sa relihiyon o lahi ng iba, o maaaring may kaugnayan ito sa pagkarimarim nila sa mga pastol. (Gen 43:31, 32; 46:31-34) Ang huling nabanggit na damdamin ay posibleng dahil lamang sa pagtatangi laban sa mga maralita sa Ehipto, kasama na rito ang mga pastol, o maaaring dahil limitado ang lupaing magagamit sa pagsasaka, kinaiinisan nila ang mga naghahanap ng pastulan para sa mga kawan.

“Yugto ng mga Hyksos.” Ipinapalagay ng maraming komentarista na ang pagpasok ni Jose sa Ehipto, gayundin ng kaniyang ama at pamilya, ay naganap sa tinatawag ng karamihan na Yugto ng mga Hyksos. Gayunman, gaya ng komento ni Merrill Unger (Archaeology and the Old Testament, 1964, p. 134): “Nakalulungkot na napakalabo [ng yugtong ito] may kaugnayan sa Ehipto, at talagang hindi gaanong nauunawaan ang pananakop ng mga Hyksos.”

Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang mga Hyksos ay umiral noong “Ikalabintatlo hanggang Ikalabimpitong Dinastiya” at namahala nang 200 taon; inaakala naman ng iba na namahala sila noong “Ikalabinlima at Ikalabing-anim na Dinastiya” sa loob ng isang siglo at kalahati o isang siglo lamang. Sinasabi ng ilan na ang pangalang Hyksos ay nangangahulugang “Mga Haring Pastol,” ngunit ayon naman sa iba ay “Mga Tagapamahala ng mga Bansang Banyaga.” Ang mga palagay tungkol sa kanilang lahi o nasyonalidad ay lalo nang nagkakaiba-iba, anupat may nagsasabi na sila’y mga Indo-Europeo mula sa Caucasus o sa Gitnang Asia, mga Hiteo, mga tagapamahalang Siryano-Palestino (mga Canaanita o mga Amorita), o mga tribong Arabe.

Inilalarawan ng ilang arkeologo ang “pananakop ng mga Hyksos” sa Ehipto bilang ang pagdagsa ng mga pulutong na taga-hilaga sa Palestina at Ehipto sakay ng mabibilis na karo, samantalang tinutukoy naman ito ng iba bilang ang di-namamalayang pananakop ng mga taong nandarayuhan o pagala-gala na nanupil sa bansa nang unti-unti o nagpuno sa umiiral na pamahalaan sa pamamagitan ng isang mabilis na kudeta. Sa aklat na The World of the Past (Bahagi V, 1963, p. 444), ang arkeologong si Jacquetta Hawkes ay nagsabi: “Hindi na ipinapalagay na ang mga tagapamahalang Hyksos . . . ay kumakatawan sa pagsalakay ng isang nanlulupig na pulutong ng mga taga-Asia. Ang pangalang ito ay waring nangangahulugang Mga Tagapamahala ng Matataas na Lupain, at sila ay pagala-galang mga pangkat ng mga Semita na matagal nang pumaroon sa Ehipto para sa pakikipagkalakalan at iba pang mapayapang layunin.” Bagaman maaaring ito ang kasalukuyang pangmalas ng karamihan, hindi pa rin maipaliwanag kung paano masasakop ng gayong “pagala-galang mga pangkat” ang lupain ng Ehipto, lalo na yamang itinuturing na ang bansa ay naging napakamakapangyarihan noong “Ikalabindalawang Dinastiya,” bago ang Yugto ng mga Hyksos.

Gaya ng sinabi ng The Encyclopedia Americana (1956, Tomo 14, p. 595): “Ang tanging detalyadong ulat tungkol sa kanila [mga Hyksos] ng sinumang sinaunang manunulat ay ang isang di-mapananaligang bahagi ng isang nawalang akda ni Manetho, na sinipi ni Josephus sa kaniyang tugon kay Apion.” Ang mga pananalita na ipinatungkol ni Josephus kay Manetho ang pinagmulan ng pangalang Hyksos. Kapansin-pansin na binanggit ni Josephus, na nag-angking sumipi kay Manetho nang salita-por-salita, na tuwirang iniuugnay ng ulat ni Manetho ang mga Hyksos sa mga Israelita. Waring tinatanggap ni Josephus ang pag-uugnay na ito ngunit tutol na tutol siya sa maraming detalye ng ulat. Waring mas gusto niya na isalin ang Hyksos bilang “mga pastol na bihag” sa halip na “mga pastol na hari.” Ayon kay Josephus, sinasabi ni Manetho na nilupig ng mga Hyksos ang Ehipto nang walang pagbabaka, anupat winasak ang mga lunsod at “ang mga templo ng mga diyos,” pumatay ng marami at gumawa ng malaking kaguluhan. Binabanggit na namayan sila sa rehiyon ng Delta. Nang dakong huli, sinasabing ang mga Ehipsiyo ay naghimagsik, nakipaglaban sila sa isang matagal at kahila-hilakbot na digmaan sa pamamagitan ng 480,000 lalaki, kinubkob nila ang mga Hyksos sa pangunahing lunsod ng mga ito, ang Avaris, at pagkatapos ay kataka-takang nakipagkasundo sila na pahintulutan ang mga ito na umalis sa bansa nang mapayapa kasama ang mga pamilya at mga pag-aari ng mga ito, at sa gayon ay pumaroon ang mga ito sa Judea at itinayo ang Jerusalem.​—Against Apion, I, 73-105 (14-16); 223-232 (25, 26).

Sa mga akdang kapanahon nito, ang mga pangalan ng mga tagapamahalang ito ay kasunod ng mga titulong gaya ng “Mabuting Diyos,” “Anak ni Reʽ,” o Hik-khoswet, “Tagapamahala ng mga Lupaing Banyaga.” Ang terminong “Hyksos” ay maliwanag na hinalaw sa huling nabanggit na titulo. Sa mga dokumentong Ehipsiyo na isinulat mismong pagkatapos ng kanilang pamamahala, tinatawag silang mga taga-Asia. May kaugnayan sa yugtong ito sa kasaysayan ng Ehipto, si C. E. DeVries ay nagsabi: “Sa pagtatangkang itugma ang sekular na kasaysayan sa biblikal na datos, sinisikap ng ilang iskolar na pag-ugnayin ang pagpapalayas sa mga Hyksos mula sa Ehipto at ang Pag-alis ng mga Israelita, ngunit hindi posible ang pag-uugnay na ito batay sa kronolohiya, at dahil sa iba pa ring mga salik ay mabuway ang palagay na ito. . . . Hindi matiyak ang pinagmulan ng mga Hyksos; sila ay nanggaling sa isang lugar sa Asia at ang karamihan sa kanila ay may pangalang Semitiko.”​—The International Standard Bible Encyclopedia, inedit ni G. Bromiley, 1982, Tomo 2, p. 787.

Yamang ang pagbibigay kay Jose ng mataas na katungkulan at ang mga pakinabang na idinulot nito sa Israel ay dahil sa tulong ng Diyos, hindi na kailangang iugnay pa ito sa palakaibigang “Mga Haring Pastol.” (Gen 45:7-9) Ngunit posible na ang ulat ni Manetho, na sa katunayan ay siyang pinagmulan ng ideya tungkol sa “Hyksos,” ay isa lamang pinilipit na kuwento na nabuo dahil sa unang mga pagsisikap ng mga Ehipsiyo na ipaliwanag kung ano ang nangyari sa kanilang lupain noong panahong makipamayan ang mga Israelita sa Ehipto. Ang napakalaking epekto sa bansa ng pagluklok ni Jose sa posisyon bilang pansamantalang tagapamahala (Gen 41:39-46; 45:26); ang malaking pagbabago na idinulot ng kaniyang pangangasiwa, anupat ipinagbili ng mga Ehipsiyo ang kanilang lupain at maging ang kanilang sarili kay Paraon (Gen 47:13-20); ang 20-porsiyentong buwis na ibinayad nila mula sa kanilang ani nang maglaon (Gen 47:21-26); ang 215 taon ng paninirahan ng mga Israelita sa Gosen, anupat ayon nga kay Paraon ay nahigitan ng mga ito ang bilang at lakas ng populasyong Ehipsiyo (Exo 1:7-10, 12, 20); ang Sampung Salot at ang pinsalang idinulot ng mga ito hindi lamang sa ekonomiya ng Ehipto kundi lalo na sa mga relihiyosong paniniwala nila at sa reputasyon ng kanilang mga saserdote (Exo 10:7; 11:1-3; 12:12, 13); ang Pag-alis ng Israel pagkamatay ng lahat ng panganay ng Ehipto at ang pagkapuksa ng pinakamagagaling na kawal sa hukbong militar ng Ehipto sa Dagat na Pula (Exo 12:2-38; 14:1-28)​—ang lahat ng ito ay tiyak na kailangang ipaliwanag ng mga opisyal na Ehipsiyo.

Dapat tandaan na ang pagtatala ng kasaysayan sa Ehipto, gaya ng sa maraming lupain sa Gitnang Silangan, ay laging pinangangasiwaan ng mga saserdote, na siyang nagsasanay sa mga eskriba. Kataka-taka naman kung hindi sila mag-iimbento ng paliwanag kung bakit nabigo ang mga diyos ng Ehipto na hadlangan ang kapahamakang pinasapit ng Diyos na Jehova sa Ehipto at sa taong-bayan nito. Maraming ulat sa kasaysayan, maging sa makabagong kasaysayan, ang naglalahad ng mga pangyayaring labis na pinilipit anupat ang mga siniil ang pinalitaw na mga maniniil, at ang mga inosenteng biktima ang pinalitaw na mapanganib at malupit na mga mang-uusig. Ang ulat ni Manetho (mahigit na isang libong taon pagkatapos ng Pag-alis), kung nailahad ni Josephus nang may kawastuan, ay posibleng ang pilipit na mga kuwentong ipinasa-pasa ng sumunod na mga salinlahi ng mga Ehipsiyo upang ipaliwanag ang pangunahing mga elemento ng tunay na ulat, na mababasa sa Bibliya, may kinalaman sa Israel noong sila’y nasa Ehipto.​—Tingnan ang PAG-ALIS (Autentisidad ng Ulat ng Pag-alis).

Ang pagkaalipin ng Israel. Yamang hindi binabanggit sa Bibliya ang pangalan ng Paraon na nagpasimula ng paniniil sa mga Israelita (Exo 1:8-22) ni ng Paraon na nilapitan nina Moises at Aaron na siyang naghahari noong panahon ng Pag-alis (Exo 2:23; 5:1), at yamang ang rekord ng mga pangyayaring ito ay maaaring sinira o sinadyang alisin sa mga rekord ng Ehipto, hindi posibleng iugnay ang mga pangyayaring ito sa alinmang espesipikong dinastiya ni sa paghahari ng sinumang partikular na Paraon sa sekular na kasaysayan. Sinasabi ng marami na si Ramses (Rameses) II (ng “Ikalabinsiyam na Dinastiya”) ang Paraon noong panahon ng paniniil sa Israel dahil binanggit na itinayo ng mga trabahador na Israelita ang mga lunsod ng Pitom at Raamses. (Exo 1:11) Pinaniniwalaang itinayo ang mga lunsod na ito noong panahon ng paghahari ni Ramses II. Sa Archaeology and the Old Testament (p. 149), si Merrill Unger ay nagkomento: “Ngunit sa liwanag ng kilalang ugali ni Raamses II na kunin ang kapurihan para sa mga naisagawa ng mga hinalinhan niya, tiyak na ang mga lugar na ito ay kaniya lamang itinayong muli o pinalaki.” Sa katunayan, ang pangalang “Rameses” ay waring tumutukoy na sa isang buong distrito noong panahon ni Jose.​—Gen 47:11.

Dahil sa pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Moises, ang bansang Israel ay napalaya mula sa “bahay ng mga alipin” at “hurnong bakal,” na siyang patuloy na itinawag sa Ehipto ng mga manunulat ng Bibliya. (Exo 13:3; Deu 4:20; Jer 11:4; Mik 6:4) Pagkalipas ng 40 taon ay sinimulan ng Israel ang pananakop sa Canaan. Nagkaroon ng pagsisikap na iugnay ang pangyayaring ito sa Bibliya sa situwasyon na inilalarawan sa tinatawag na Amarna Tablets, na natagpuan sa Tell el-Amarna sa Nilo, mga 270 km (170 mi) sa T ng Cairo. Ang 379 na tapyas ay mga liham ng iba’t ibang tagapamahalang Canaanita at Siryano (kabilang na ang mga tagapamahala sa Hebron, Jerusalem, at Lakis), na ang marami ay naghaharap ng mga reklamo sa namamahalang Paraon (kadalasan ay si Akhenaton) tungkol sa mga pananalakay at pandarambong ng mga “Habiru” (ʽapiru). Bagaman sinisikap ng ilang iskolar na iugnay ang mga “Habiru” sa mga Hebreo, o sa mga Israelita, hindi ito sinusuportahan ng mga nilalaman ng mga liham. Ipinakikita ng mga ito na nanlulusob lamang ang mga Habiru, na kung minsan ay kaalyado ng ilang tagapamahalang Canaanita kapag nag-aalitan ang mga lunsod at mga pook. Kabilang sa mga bayan na niligalig ng mga Habiru ang Byblos sa hilagang Lebanon, malayung-malayo sa mga lugar na sinalakay ng mga Israelita. Gayundin, ang iniuulat ng mga ito ay ibang-iba sa malalaking pagbabaka at mga tagumpay ng Israel sa kanilang pananakop sa Canaan pagkatapos ng Pag-alis.​—Tingnan ang HEBREO, I (Ang mga “Habiru”).

Ang pakikipamayan ng Israel sa Ehipto ay hindi malilimutan ng mga Israelita, at ang makahimalang pagpapalaya sa kanila mula sa lupaing iyon ay palaging ipinaaalaala sa kanila bilang namumukod-tanging patotoo ng pagka-Diyos ni Jehova. (Exo 19:4; Lev 22:32, 33; Deu 4:32-36; 2Ha 17:36; Heb 11:23-29) Kaya naman may pananalitang, “Ako ay si Jehova na iyong Diyos mula sa lupain ng Ehipto.” (Os 13:4; ihambing ang Lev 11:45.) Hindi ito nahigitan ng anumang kalagayan o pangyayari hanggang noong palayain sila mula sa Babilonya, na nagbigay sa kanila ng karagdagang patotoo ng kapangyarihan ni Jehova na magligtas. (Jer 16:14, 15) Ang kanilang karanasan sa Ehipto ay isinulat sa Kautusan na ibinigay sa kanila (Exo 20:2, 3; Deu 5:12-15); iyon ang naging saligan para sa kapistahan ng Paskuwa (Exo 12:1-27; Deu 16:1-3); nagsilbing paalaala iyon sa kanilang mga pakikitungo sa mga naninirahang dayuhan (Exo 22:21; Lev 19:33, 34) at sa mga taong dukha na ipinagbili ang kanilang sarili sa pagkaalipin (Lev 25:39-43, 55; Deu 15:12-15); naglaan iyon ng legal na saligan para sa pagpili at pagpapabanal sa tribo ni Levi para sa paglilingkod sa santuwaryo (Bil 3:11-13). Dahil sa paninirahan ng Israel sa Ehipto bilang dayuhan, ang mga Ehipsiyo na nakaaabot sa partikular na mga kahilingan ay maaaring tanggapin sa kongregasyon ng Israel. (Deu 23:7, 8) Ang mga kaharian ng Canaan at ang mga tao ng kalapit na mga lupain ay nasindak at natakot dahil sa mga ulat na narinig nila hinggil sa kapangyarihan ng Diyos na itinanghal laban sa Ehipto, anupat ito’y nagpadali sa pananakop ng Israel (Exo 18:1, 10, 11; Deu 7:17-20; Jos 2:10, 11; 9:9) at naaalaala maraming siglo pagkatapos nito. (1Sa 4:7, 8) Sa buong kasaysayan ng Israel, inaawit nila sa kanilang mga awit ang tungkol sa mga pangyayaring ito.​—Aw 78:43-51; Aw 105 at 106; 136:10-15.

Pagkatapos na masakop ng Israel ang Canaan. Noon lamang paghahari ni Paraon Merneptah, na anak ni Ramses II (noong huling bahagi ng “Ikalabinsiyam na Dinastiya”), tuwirang binanggit ang Israel sa mga rekord ng Ehipto; sa katunayan, ito ang tanging tuwirang pagbanggit sa kanila bilang isang bayan sa sinaunang mga rekord ng Ehipto. Sa stela ni Merneptah, ipinaghambog niya na natalo niya ang maraming lunsod ng Canaan at pagkatapos ay sinabi niya: “Ang Israel ay gumuho na, ang kaniyang binhi ay wala na.” Bagaman maliwanag na isa lamang itong paghahambog, waring ito’y katibayan na naninirahan na noon sa Canaan ang Israel.

Walang ulat na nakipag-ugnayan ang Israel sa Ehipto noong kapanahunan ng mga Hukom o noong panahon ng mga paghahari nina Saul at David, maliban sa nabanggit na labanan sa pagitan ng isa sa mga mandirigma ni David at ng isang Ehipsiyo “na may pambihirang laki.” (2Sa 23:21) Noong paghahari ni Solomon (1037-998 B.C.E.), bumuti ang kaugnayan ng dalawang bansa anupat nakipag-alyansa si Solomon kay Paraon ukol sa pag-aasawa at kinuha niya ang anak na babae nito bilang asawa. (1Ha 3:1) Hindi sinabi kung kailan binihag ng di-ipinakilalang Paraon na ito ang Gezer, na ibinigay naman niya sa kaniyang anak na babae bilang pamamaalam na regalo sa kasal, o dote. (1Ha 9:16) Nakipagkalakalan din si Solomon sa Ehipto, anupat bumili ng mga kabayo at mga karong gawa sa Ehipto.​—2Cr 1:16, 17.

Gayunman, ang Ehipto ay naging kanlungan para sa ilang kaaway ng mga hari ng Jerusalem. Si Hadad na Edomita ay tumakas patungong Ehipto matapos wasakin ni David ang Edom. Bagaman isang Semita, si Hadad ay pinarangalan ni Paraon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng tahanan, pagkain, at lupain; nakapag-asawa siya ng isang babaing maharlika, at ang kaniyang supling, si Genubat, ay itinuring na anak ni Paraon. (1Ha 11:14-22) Nang maglaon, si Jeroboam, na naging hari ng hilagang kaharian ng Israel pagkamatay ni Solomon, ay nanganlong din sa Ehipto noong naghahari si Sisak.​—1Ha 11:40.

Si Sisak (kilala bilang si Sheshonk I batay sa mga rekord ng Ehipto) ay nagtatag ng isang Libyanong dinastiya ng mga Paraon (ang “Ikadalawampu’t Dalawang Dinastiya”), na ang kabisera ay nasa Bubastis sa silangang rehiyon ng Delta. Noong ikalimang taon ng paghahari ng anak ni Solomon na si Rehoboam (993 B.C.E.), sinalakay ni Sisak ang Juda kasama ang isang malakas na hukbo ng mga karo, mga mangangabayo, at mga kawal na naglalakad kabilang ang mga Libyano at mga Etiope; binihag niya ang maraming lunsod at muntik pa ngang salakayin ang Jerusalem. Dahil sa awa ni Jehova, hindi winasak ang Jerusalem, ngunit ang malaking kayamanan nito ay ibinigay kay Sisak. (1Ha 14:25, 26; 2Cr 12:2-9) Inilalarawan ng isang relyebe sa isang pader ng templo sa Karnak ang kampanya ni Sisak at nakatala roon ang maraming lunsod sa Israel at Juda na nabihag niya.

Si Zera na Etiope, na nanguna sa isang milyong kawal na Etiope at Libyano laban kay Haring Asa ng Juda (967 B.C.E.), ay malamang na nagsimulang magmartsa mula sa Ehipto. Ang kaniyang mga hukbo, na nagtipon sa libis ng Zepata sa TK ng Jerusalem, ay lubusang natalo.​—2Cr 14:9-13; 16:8.

Hindi sinalakay ng Ehipto ang Juda at Israel sa loob ng dalawa pang siglo. Waring nagkaroon ng maraming kaligaligan sa Ehipto mismo noong panahong iyon, at may ilang dinastiya na magkakasabay na namamahala. Samantala, bumangon ang Asirya bilang ang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig. Si Hosea, ang huling hari ng sampung-tribong kaharian ng Israel (mga 758-740 B.C.E.), ay naging isang basalyo ng Asirya ngunit tinangka niyang baliin ang pamatok ng Asirya sa pamamagitan ng pakikipagsabuwatan kay Haring So ng Ehipto. Nabigo siya, at di-nagtagal ay bumagsak sa kamay ng Asirya ang hilagang kaharian ng Israel.​—2Ha 17:4.

Ang Ehipto ay waring napasailalim sa pamumuno ng mga Nubiano-Etiope nang panahong iyon, anupat ang “Ikadalawampu‘t Limang Dinastiya” ay itinuturing na Etiope. Ang maingay na opisyal ng Asiryanong si Haring Senakerib, si Rabsases, ay nagsabi sa mga tao ng lunsod ng Jerusalem na ang pagtitiwala sa Ehipto para sa tulong ay pagtitiwala sa ‘lamog na tambo.’ (2Ha 18:19-21, 24) Si Haring Tirhaka ng Etiopia, na humayo patungong Canaan noong panahong iyon (732 B.C.E.) at pansamantalang naglihis sa pansin ng hukbong Asiryano, ay ipinapalagay na ang tagapamahalang Etiope ng Ehipto, si Paraon Taharqa. (2Ha 19:8-10) Waring sinusuportahan ito ng mas naunang hula ni Isaias (Isa 7:18, 19) na “sisipulan ni Jehova ang mga langaw na nasa dulo ng mga kanal ng Nilo ng Ehipto at ang mga bubuyog na nasa lupain ng Asirya,” sa gayon ay magsasagupaan ang dalawang kapangyarihang ito sa lupain ng Juda at ang lupain ay gigipitin ng dalawang kapangyarihang iyon. Gaya nga ng sinabi ni Franz Delitzsch: “Ang mga sagisag ay katugma rin ng katangian ng dalawang bansa: ang langaw ay sa [malating] Ehipto na may mga kulupon ng mga kulisap . . . at ang bubuyog ay sa mas bulubundukin at magubat na Asirya.”​—Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo VII, Isaiah, p. 223.

Lumilitaw na inihula ni Isaias ang magulong kalagayan sa Ehipto noong huling bahagi ng ikawalong siglo at maagang bahagi ng ikapitong siglo B.C.E. sa kaniyang kapahayagan laban sa Ehipto. (Isa 19) Bumanggit siya ng digmaang sibil at pagkakawatak-watak, anupat may labanan sa Ehipto ng “lunsod laban sa lunsod, kaharian laban sa kaharian.” (Isa 19:2, 13, 14) May katibayan ang makabagong mga istoryador na may mga dinastiyang magkakasabay na namahala sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong panahong iyon. Ang ipinagmamalaking “karunungan” ng Ehipto pati na ang kaniyang ‘walang-silbing mga diyos at mga engkantador’ ay hindi nakapagsanggalang sa kaniya upang hindi siya maibigay sa “kamay ng isang mahigpit na panginoon.”​—Isa 19:3, 4.

Ang pagsalakay ng Asirya. Sinalakay ang Ehipto ng Asiryanong si Haring Esar-hadon (kapanahon ng Judeanong si Haring Manases [716-662 B.C.E.]), nilupig niya ang Memfis sa Mababang Ehipto, at ipinatapon niya ang marami. Maliwanag na si Taharqa (Tirhaka) pa rin ang Paraon noong panahong iyon.

Nilusob din ni Ashurbanipal ang Ehipto at sinamsaman niya ang lunsod ng Thebes (No-amon sa Bibliya) sa Mataas na Ehipto, na kinaroroonan ng pinakamalalaking kayamanan ng templo sa Ehipto. Muli, ipinakikita ng Bibliya na may kasangkot dito na mga Etiope, mga Libyano, at iba pang mga Aprikano.​—Na 3:8-10.

Nang maglaon, inalis ng mga Asiryano ang kanilang mga garison sa Ehipto, at medyo nabawi ng bansa ang kasaganaan at kapangyarihan nito. Nang bumagsak ang Asirya sa kamay ng mga Medo at mga Babilonyo, ang Ehipto ay nakapag-ipon na ng sapat na lakas (kasama ang suporta ng mga hukbong mersenaryo) upang makatulong sa hari ng Asirya. Pinangunahan ni Paraon Necoh (II) ang mga hukbong Ehipsiyo ngunit, noong papunta sila roon, sinalubong siya sa Megido ng hukbong Judeano ni Haring Josias at pinilit na makipagbaka nang laban sa kaniyang kagustuhan; natalo niya ang Juda at ito ang naging dahilan ng pagkamatay ni Josias. (2Ha 23:29; 2Cr 35:20-24) Pagkaraan ng tatlong buwan (noong 628 B.C.E.), inalis ni Necoh ang anak at kahalili ni Josias na si Jehoahaz mula sa trono ng Juda, dinala itong bihag sa Ehipto, at inihalili rito ang kapatid nitong si Eliakim (binago ang pangalan at ginawang Jehoiakim). (2Ha 23:31-35; 2Cr 36:1-4; ihambing ang Eze 19:1-4.) Ang Juda ay napasailalim ng Ehipto, anupat ang unang bayad na siningil dito ay katumbas ng halos $1,046,000. Noong panahong iyon tumakas ang propetang si Urias patungong Ehipto ngunit humantong iyon sa kaniyang kamatayan.​—Jer 26:21-23.

Pagkatalo sa kamay ni Nabucodonosor. Ngunit ang pagsisikap ng Ehipto na muling makontrol ang Sirya at Palestina ay hindi nagtagumpay, yamang talagang paiinumin ang Ehipto mula sa mapait na kopa ng pagkatalo, ayon sa inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias (25:17-19). Nagsimulang bumagsak ang Ehipto nang lubusan itong matalo ng mga Babilonyo sa Carkemis sa Ilog Eufrates sa ilalim ni Nabucodonosor bilang tagapagmanang prinsipe noong 625 B.C.E., isang pangyayaring inilarawan sa Jeremias 46:2-10 at maging sa isang kronikang Babilonyo.

Pagkatapos ay sinakop ni Nabucodonosor, na hari na noon ng Babilonya, ang Sirya at Palestina, at ang Juda ay naging isang basalyong estado ng Babilonya. (2Ha 24:1) Ang Ehipto ay gumawa ng isang huling pagsisikap na manatiling isang kapangyarihan sa Asia. Isang hukbong militar ni Paraon (hindi binanggit sa Bibliya ang pangalan) ang lumabas mula sa Ehipto bilang sagot sa hiniling ni Haring Zedekias na suportang pangmilitar para sa paghihimagsik niya laban sa Babilonya noong 609-607 B.C.E. Yamang pansamantala lamang na napatigil nito ang pangungubkob ng Babilonya, ang mga hukbo ng Ehipto ay napilitang umurong, at naiwan ang Jerusalem upang wasakin ng kaaway.​—Jer 37:5-7; Eze 17:15-18.

Sa kabila ng puspusang pagbababala ni Jeremias (Jer 42:7-22), ang nalabi ng populasyon ng Juda ay tumakas patungong Ehipto upang doon manganlong, anupat maliwanag na nakisama sila sa mga Judiong naroon na sa lupaing iyon. (Jer 24:1, 8-10) Ang mga lugar na espesipikong binanggit na tinahanan nila ay Tapanhes, lumilitaw na isang tanggulang lunsod sa rehiyon ng Delta (Jer 43:7-9), Migdol, at Nop, na itinuturing ding Memfis, isang dating kabisera sa Mababang Ehipto (Jer 44:1; Eze 30:13). Kaya naman ang “wika ng Canaan” (maliwanag na Hebreo) ay sinasalita na noon sa Ehipto ng mga nagsilikas na ito. (Isa 19:18) May-kamangmangan nilang inulit sa Ehipto ang mismong idolatrosong mga gawain na nagpasapit ng kahatulan ni Jehova laban sa Juda. (Jer 44:2-25) Ngunit natupad sa nagsilikas na mga Israelita ang mga hula ni Jehova nang salakayin ni Nabucodonosor ang Ehipto at lupigin ang lupain.​—Jer 43:8-13; 46:13-26.

Isang tekstong Babilonyo, na mula pa noong ika-37 taon (588 B.C.E.) ni Nabucodonosor, ang bumabanggit sa isang kampanya laban sa Ehipto. Hindi matiyak kung tumutukoy ito sa unang pananakop ng Babilonya o sa isa lamang sumunod na aksiyong militar. Gayunpaman, tinanggap ni Nabucodonosor ang kayamanan ng Ehipto bilang kabayaran sa kaniyang paglilingkod militar noong ilapat niya ang kahatulan ni Jehova laban sa Tiro, na sumalansang sa bayan ng Diyos.​—Eze 29:18-20; 30:10-12.

Inihula sa Ezekiel 29:1-16 ang pagkatiwangwang ng Ehipto na tatagal nang 40 taon. Maaaring naganap ito matapos lupigin ni Nabucodonosor ang Ehipto. Bagaman binabanggit ng ilang komentaryo na ang paghahari ni Amasis (Ahmose) II, kahalili ni Hopra, ay naging napakasagana sa loob ng mahigit 40 taon, ito’y pangunahin nang batay sa testimonyo ni Herodotus, na dumalaw sa Ehipto pagkaraan ng mahigit pa sa isang daang taon. Ngunit gaya nga ng sinabi sa Encyclopædia Britannica (1959, Tomo 8, p. 62) tungkol sa kasaysayang isinulat ni Herodotus hinggil sa yugtong ito (ang “Yugtong Saitico”): “Ang kaniyang salaysay ay hindi lubusang mapananaligan kung susuriin batay sa kakaunting katibayan mula sa lugar na iyon.” Ang Bible Commentary ni F. C. Cook, matapos itawag-pansin na hindi man lamang binanggit ni Herodotus ang pagsalakay ni Nabucodonosor sa Ehipto, ay nagsabi: “Maraming nakaaalam na si Herodotus, bagaman tapat niyang iniulat ang lahat ng kaniyang narinig at nakita sa Ehipto, ay kumuha ng kaniyang impormasyon hinggil sa nakalipas na kasaysayan sa mga saserdoteng Ehipsiyo, na ang mga salaysay ay basta na lamang niya tinanggap. . . . Ang buong kuwento [ni Herodotus] tungkol kina Apries [Hopra] at Amasis ay hinaluan ng napakaraming impormasyon na nagkakasalungatan at maalamat anupat mas mabuti na huwag natin itong tanggapin agad bilang tunay na kasaysayan. Hindi naman talaga kataka-taka na sisikapin ng mga saserdote na pagtakpan ang kasiraang-puri ng bansa nang mapasailalim ito sa pamatok ng mga banyaga.” (Nota B., p. 132) Dahil dito, bagaman ang sekular na kasaysayan ay walang inilalaang malinaw na katibayan na natupad ang hulang iyon, makapagtitiwala tayo na tumpak ang ulat ng Bibliya.

Sa ilalim ng pamumuno ng Persia. Nang maglaon ay sinuportahan ng Ehipto ang Babilonya laban sa bumabangong kapangyarihan ng Medo-Persia. Ngunit pagsapit ng 525 B.C.E., ang lupain ay nasupil na ni Cambyses II, anak ni Cirong Dakila, at sa gayon ay napasailalim ng pamamahala ng imperyo ng Persia. (Isa 43:3) Bagaman maraming Judio ang walang alinlangang umalis sa Ehipto at bumalik sa kanilang sariling lupain (Isa 11:11-16; Os 11:11; Zac 10:10, 11), ang iba ay nanatili roon. Dahil dito, nagkaroon ng isang kolonya ng mga Judio sa Elephantine (sa Ehipsiyo, Yeb), isang pulo sa Nilo na malapit sa Aswan, mga 690 km (430 mi) sa T ng Cairo. Isinisiwalat ng natuklasang mga papiro ang mga kalagayan doon noong ikalimang siglo B.C.E., humigit-kumulang noong panahong aktibo sa Jerusalem sina Ezra at Nehemias. Sa mga dokumentong ito na nakasulat sa Aramaiko ay mababasa ang pangalan nina Sanbalat ng Samaria (Ne 4:1, 2) at Johanan na mataas na saserdote. (Ne 12:22) Kapansin-pansin ang isang opisyal na utos, ipinalabas noong panahong naghahari si Dario II (423-405 B.C.E.), na ipagdiwang ng kolonya “ang kapistahan ng mga tinapay na walang pampaalsa.” (Exo 12:17; 13:3, 6, 7) Kapuna-puna rin ang malimit na paggamit ng pangalang Yahu, isang anyo ng pangalang Jehova (o Yahweh; ihambing ang Isa 19:18), bagaman mayroon ding malinaw na katibayan na nakapasok ang paganong pagsamba.

Sa ilalim ng pamamahala ng Gresya at Roma. Ang Ehipto ay patuloy na pinamahalaan ng Persia hanggang noong sakupin ito ni Alejandrong Dakila noong 332 B.C.E., na diumano’y pinalalaya ang Ehipto mula sa pamatok ng Persia ngunit lubusan namang winawakasan ang pamamahala ng mga Paraon na katutubong Ehipsiyo. Ang makapangyarihang Ehipto ay talagang naging “isang mababang kaharian.”​—Eze 29:14, 15.

Noong panahon ng paghahari ni Alejandro, itinatag niya ang lunsod ng Alejandria, at pagkamatay niya ay pinamahalaan ng mga Ptolemy ang bansa. Noong 312 B.C.E., binihag ni Ptolemy I ang Jerusalem, at ang Juda ay naging probinsiya ng Ptolemaikong Ehipto hanggang noong 198 B.C.E. Pagkatapos ng matagal na pakikipaglaban sa Imperyong Seleucido sa Sirya, naagaw sa Ehipto ang Palestina nang matalo ng Siryanong si Haring Antiochus III ang hukbo ni Ptolemy V. Pagkatapos nito, ang Ehipto ay unti-unting napasailalim ng impluwensiya ng Roma. Noong 31 B.C.E., sa pagbabaka sa Actium, iniwan ni Cleopatra ang plota ng kaniyang kalaguyong Romano na si Mark Antony, na tinalo ni Octavio, apo sa pamangkin ni Julio Cesar. Sinakop ni Octavio ang Ehipto noong 30 B.C.E., at ito ay naging isang probinsiya ng Roma. Sa probinsiyang ito ng Roma lumikas sina Jose at Maria kasama ang batang si Jesus upang takasan ang mapamaslang na utos ni Herodes. Bumalik sila pagkamatay ni Herodes, sa gayon ay natupad ang mga salita ni Oseas, “mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.”​—Mat 2:13-15; Os 11:1; ihambing ang Exo 4:22, 23.

Ang sedisyonistang “Ehipsiyo” na napagkamalang si Pablo ng kumandante ng militar sa Jerusalem ay posibleng ang mismong tao na binanggit ni Josephus. (The Jewish War, II, 254-263 [xiii, 3-5]) Sinasabing naganap ang kaniyang insureksiyon noong panahong si Nero ang emperador at si Felix ang prokurador sa Judea, mga kalagayang katugma ng ulat sa Gawa 21:37-39; 23:23, 24.

Ang ikalawang pagkawasak ng Jerusalem, sa kamay ng mga Romano noong 70 C.E., ay higit pang katuparan ng Deuteronomio 28:68, yamang maraming nakaligtas na Judio ang ipinadala noon sa Ehipto bilang mga alipin.​—The Jewish War, VI, 418 (ix, 2).

Iba Pang Makahula at Makasagisag na mga Pagtukoy. Madalas banggitin ang Ehipto sa mga kapahayagan ng paghatol na may makasagisag na pananalita. (Eze 29:1-7; 32:1-32) Para sa mga Israelita, ang Ehipto ay nangangahulugan ng militar na lakas at kapangyarihan sa pamamagitan ng pulitikal na pakikipag-alyansa, anupat ang pagsandig sa Ehipto ay sumagisag sa pagsandig sa lakas ng tao sa halip na kay Jehova. (Isa 31:1-3) Ngunit sa Isaias 30:1-7, ipinakita ni Jehova na ang kalakasan ng Ehipto ay sa panlabas lamang at hindi tunay, anupat tinawag itong “Rahab​—sila ay para sa pag-upo nang tahimik [“Rahab na walang ginagawa,” JB].” (Ihambing ang Aw 87:4; Isa 51:9, 10.) Gayunman, kalakip ng maraming kahatulan, may mga pangako na marami mula sa “Ehipto” ang makakakilala kay Jehova, anupat sasabihin: “Pagpalain ang aking bayan, ang Ehipto.”​—Isa 19:19-25; 45:14.

Binabanggit na ang Ehipto ay bahagi ng nasasakupan ng makasagisag na “hari ng timog.” (Dan 11:5, 8, 42, 43) Sa Apocalipsis 11:8, ang di-tapat na Jerusalem, kung saan ibinayubay ang Panginoong Jesu-Kristo, ay tinatawag na Ehipto “sa espirituwal na diwa.” Angkop ito dahil siniil at inalipin ng di-tapat na Jerusalem ang mga Judio may kaugnayan sa relihiyon. Gayundin, ang unang mga hayop na Pampaskuwa ay pinatay sa Ehipto, at ang antitipikong Kordero ng Paskuwa naman, si Jesu-Kristo, ay pinatay sa Jerusalem.​—Ju 1:29, 36; 1Co 5:7; 1Pe 1:19.

Mahahalagang Tuklas na Papiro. Dahil tuyung-tuyo ang lupa sa Ehipto, napreserba ang maraming manuskritong papiro, na nasira na sana kung mamasa-masa ang kapaligiran. Mula noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, maraming papiro ang natuklasan doon, kasama ang malaking bilang ng mga papiro ng Bibliya, gaya ng koleksiyon ni Chester Beatty. Ang mga ito ay nagsisilbing mahahalagang kawing sa pagitan ng orihinal na mga sulat ng Banal na Kasulatan at ng vellum na kopya ng mga manuskrito na ginawa nang dakong huli.

[Larawan sa pahina 654]

Estatuwa ni Amon bilang isang barakong tupa kasama si Paraon Taharqa (Tirhaka); inilalarawan nito ang pagsasanggalang ng diyos sa tagapamahala

[Larawan sa pahina 655]

Napahiya ang diyos na si Apis, isinasagisag ng isang toro, nang salutin ni Jehova ang mga alagang hayop ng Ehipto

[Larawan sa pahina 657]

Ang Giant Sphinx ay waring nakabantay sa harap ng mga piramide sa Giza

[Larawan sa pahina 658]

Pagkalalakíng estatuwa sa Abu Simbel, na nagpaparangal kay Ramses II