Ehud
1. Isang inapo ni Jediael na mula sa tribo ni Benjamin, sa pamamagitan ni Bilhan; isang magiting at makapangyarihang lalaki.—1Cr 7:6, 10, 11.
2. Anak ni Gera na mula sa tribo ni Benjamin. (Huk 3:15) Si Ehud ay pinili ng Diyos upang iligtas ang bansa mula sa 18-taóng pagkaalipin kay Haring Eglon ng Moab, isang paniniil na pinahintulutan ng Diyos dahil “ginawa nila ang masama sa paningin ni Jehova.”—Huk 3:12-14.
Nang ang mga Israelita ay humingi ng saklolo kay Jehova, nagbangon ang Diyos ng “isang tagapagligtas,” si Ehud. Nang maglaon, ang mga Israelita ay nagpadala ng tributo kay Eglon sa pamamagitan ni Ehud, na gumawa ng isang tabak na may dalawang talim na ang haba ay “isang siko [sa Heb., goʹmedh],” isang panukat na hindi matiyak ang haba sa partikular na kasong ito. Naniniwala ang ilan na ito ay isang maikling siko na mga 38 sentimetro (15 pulgada). Si Ehud ay isang lalaking kaliwete, o sa literal, “isang lalaking sarado (nahahadlangan) ang kanang kamay.” Ngunit hindi ito nangangahulugang may kapansanan si Ehud, sapagkat ang gayong pariralang Hebreo ay ginamit may kaugnayan sa 700 Benjamitang mandirigma, na hindi maaaring may pisikal na kapansanan kundi mga “kaliwete” at maliwanag na bihasa sa paggamit ng kaliwa o kanang kamay. (Huk 3:15, 16, tlb sa Rbi8; 20:16; ihambing ang 1Cr 12:2.) Hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya na si Ehud ay bihasa sa paggamit ng kaliwa o kanang kamay, bagaman posible ito. Gayunman, palibhasa’y kaliwete, ibinigkis niya ang tabak sa loob ng kaniyang kasuutan sa kaniyang kanang hita.
Matapos ihandog ang tributo, pinaalis ni Ehud ang mga tagapagdala ng tributo ngunit bumalik siya mula sa tibagan na nasa Gilgal. Pagkatapos ay pumaroon si Ehud kay Eglon habang nakaupo ang haring Moabita sa kaniyang silid-bubungan at sinabi sa hari: “Isang salita ng Diyos ang taglay ko para sa iyo.” Palibhasa’y interesadong marinig ang sasabihin ni Ehud, tumindig si Eglon mula sa kaniyang trono. Sa gayon, “ipinasok ni Ehud ang kaniyang kaliwang kamay at binunot ang tabak mula sa kaniyang kanang hita,” isinaksak niya iyon sa tiyan ng napakatabang si Eglon at ‘bumaon din ang puluhan kasunod ng talim anupat ang taba ay nagsara sa talim.’ Ang isang lalaking gumagamit ng kanang kamay ay malamang na huhugot ng tabak sa kaliwang panig ng kaniyang katawan. Kaya malamang na hindi inaasahan ni Eglon na huhugot si Ehud ng tabak mula sa kanang hita nito na ginagamit ang kaliwang kamay. Ngayong patay na ang kaaway na tagapamahala, itrinangka ni Ehud ang mga pinto ng silid-bubungan sa likuran niya at tumakas sa pamamagitan ng butas na daanan ng hangin. Nang mabuksan ng mga lingkod ni Eglon ang mga pinto, nakita nilang “ang kanilang panginoon ay patay na nakabulagta sa lupa!”—Huk 3:15-25.
Nang makatakas si Ehud patungo sa bulubunduking pook ng Efraim, tinipon niya ang isang hukbo ng mga Israelita at sinabi sa kanila: “Sundan ninyo ako, sapagkat ibinigay na ni Jehova ang inyong mga kaaway, ang mga Moabita, sa inyong kamay.” Pagkatapos bihagin ang mga tawiran ng Jordan, hinarangan ng mga Israelita ang mga Moabita upang hindi makabalik ang mga ito sa kanilang sariling lupain. Palibhasa’y sirang-sira na ang loob ng mga ito dahil sa pagkamatay ng kanilang hari, 10,000 Moabita ang napatay ng mga Israelita, anupat “bawat isa [sa mga ito] ay mabulas at bawat isa ay magiting na lalaki; at wala ni isa mang nakatakas.” Yamang nasupil na ng Israel ang Moab sa pangunguna ni Ehud, “ang lupain ay hindi na nagkaroon ng kaligaligan sa loob ng walumpung taon.”—Huk 3:26-30.
Si Ehud ay hindi tuwirang tinawag na “Hukom Ehud,” kundi sa halip ay tinukoy siya bilang “isang tagapagligtas.” (Huk 3:15) Ngunit si Otniel ay tinawag na “isang tagapagligtas” at isang “hukom” (Huk 3:9, 10) noong panahon ng mga Hukom. Kaya maliwanag na si Ehud ay hindi lamang “isang tagapagligtas” kundi isa ring hukom.
3. Isang pangalan na lumilitaw kasama ng mga inapo ni Benjamin sa 1 Cronica 8:1, 6.