Ekron
Isang prominenteng lunsod ng mga Filisteo, lumilitaw na ang sentro sa dulong hilaga ng isa sa kanilang limang panginoon ng alyansa. (Jos 13:3) Hindi matiyak ang eksaktong lokasyon nito, ngunit ipinapalagay na ito ay ang Khirbet el-Muqannaʽ (Tel Miqne), mga 18 km (11 mi) sa S ng Asdod. Nahukay roon kamakailan ang pinakamalaking lunsod noong yugtong iyon anupat iniisip ng karamihan na ito ang lugar ng Ekron.
Sa buong kasaysayan ng Ekron, papalit-palit ang namumuno rito. Hindi ito kasama sa mga nasakop ni Josue. Nang dakong huli na lamang ito nabihag ng mga Judeano. (Jos 13:2, 3; Huk 1:18) Noong unang hati-hatiin ang Lupang Pangako, ang Ekron ay nasa hanggahan sa pagitan ng Juda at Dan ngunit nasa teritoryo ng tribo ni Juda. (Jos 15:1, 11, 45, 46; 19:40-43) Noong panahong mabihag ng mga Filisteo ang kaban ng tipan, ang Ekron ay nabalik na sa kanila. Ang presensiya ng Kaban ay naging sanhi ng “isang nakamamatay na kalituhan” sa lunsod na ito, at mula sa Ekron ay ibinalik ang Kaban sa mga Judio. (1Sa 5:10-12; 6:16, 17) Pagkatapos ng isa pang yugto sa ilalim ng kontrol ng Israel, lumilitaw na nabalik na naman sa mga Filisteo ang Ekron noong panahong patayin ni David si Goliat. (1Sa 7:14; 17:52) Noong unang bahagi ng ikasampung siglo B.C.E., ipinaghambog ni Paraon Sisak ng Ehipto na nabihag niya ang Ekron. Pagkaraan ng mga dalawang siglo, binanggit sa mga ulat ng kasaysayan ni Senakerib na si Haring Padi ng Ekron ay matapat sa mga Asiryano.