Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Elah

Elah

[1-5: nauugnay sa Heb. na ʼEl, “Diyos”]

1. Isang Edomitang shik na malamang na nanirahan sa nayon ng Elat.​—Gen 36:40, 41, 43; 1Cr 1:52; tingnan ang ELAT, ELOT; TIMNA Blg. 3.

2. Isang anak ni Caleb na tiktik; ama ni Kenaz na mula sa tribo ni Juda.​—1Cr 4:15.

3. Ikaapat na hari ng hilagang sampung-tribong kaharian ng Israel. Umupo sa trono si Elah noong mga 952 B.C.E. nang mamatay ang kaniyang amang si Baasa at namahala siya mula sa Tirza sa loob ng dalawang taon. (1Ha 16:8) Habang lasing si Elah, pinatay siya ni Zimri, ang pinuno sa kalahati ng mga karo, upang makuha nito ang pagkahari at pagkatapos ay nilipol nito ang buong sambahayan ni Baasa, anupat tinupad ang hula ni Jehova.​—1Ha 16:1-14.

4. Ama ni Haring Hosea, ang huling monarka ng hilagang kaharian.​—2Ha 15:30; 17:1; 18:1, 9.

5. Isang inapo ni Benjamin na nanirahan sa Jerusalem.​—1Cr 9:3, 7, 8.

Sa anong uri ng kapaligiran nakasagupa ni David si Goliat?

6. [Malaking Punungkahoy]. Isang mababang kapatagan, o libis, na marahil ay binigyan ng gayong pangalan dahil sa isang napakalaking punungkahoy sa lugar na iyon. Sa “mababang kapatagan ng Elah” nagharap ang mga Israelita at ang mga Filisteo, na ang tagapagtanggol ay si Goliat. (1Sa 17:2, 19; 21:9) Ipinapalagay na ito ay ang matabang Wadi es-Sant, isa sa mga pangunahing wadi na nagmumula sa kapatagan ng Filistia at bumabagtas sa Sepela hanggang sa mga bulubunduking rehiyon ng Juda, anupat dumaraan sa pagitan ng ipinapalagay na mga lokasyon ng Azeka at Socoh. (1Sa 17:1) Kaya naman ito ay mga 25 km (15 mi) sa TK ng Jerusalem. Ang kapatagang ito na natutubigang mainam ay mga kalahating kilometro (0.25 mi) ang lapad at halos patag. Ang magkalabang mga hukbo ay nasa magkabilang panig ng libis na ito, anupat ang bawat panig ay may matatag na posisyon sa gilid ng bundok, at marahil ang mga Filisteo ay nasa dakong T at ang mga Israelita naman ay nasa dakong H o HS. Bumabagtas sa mababang kapatagang ito ang “agusang libis,” malamang na ang tuyong sahig ng batis na matatagpuan pa rin doon. (1Sa 17:40) Maaaring nagpaantala nang “apatnapung araw” ang dalawang hukbo dahil manganganib ang alinmang hukbo na tatawid sa agusang libis at aahon laban sa kaaway na nasa katapat na gilid ng bundok. (1Sa 17:16) Pumili si David ng limang makikinis na bato mula sa agusang libis habang tumatawid siya upang harapin si Goliat. Pagkatapos ng tagumpay ni David, ang natalong hukbong Filisteo ay tumakas nang pababa sa libis patungo sa kapatagan ng Filistia at sa mga lunsod ng Gat at Ekron.​—1Sa 17:52.