Elam
1. Isa sa limang anak ni Sem na pinagmulan ng “mga pamilya, ayon sa kanilang mga wika, sa kanilang mga lupain, ayon sa kanilang mga bansa.” (Gen 10:22, 31; 1Cr 1:17) Hindi binanggit ang mga pangalan ng mga anak ni Elam; gayunman, ang kaniyang pangalan ay tumutukoy kapuwa sa isang grupo ng mga tao at sa isang rehiyon sa TS hanggahan ng Mesopotamia.
Sa kasaysayan, ang pangalang Elam ay tumutukoy sa isang lugar sa tinatawag ngayon na Khuzestan sa TK Iran. Kasama rito ang matabang kapatagan sa silangang panig ng mababang Libis ng Tigris, na dinadaluyan ng mga ilog ng Karun at ng Karkheh, at maliwanag na umaabot ito hanggang sa mga bulubunduking rehiyon na kahangga ng kapatagang ito sa H at sa S, bagaman hindi matiyak ang lokasyon ng dalawang hangganang ito. Isang rehiyon na tinawag na Anshan ang sinasabing nasa mga bulubunduking rehiyong ito at inilalarawan sa mga inskripsiyon bilang dating bahagi ng Elam. Samakatuwid, ang Elam, na nasa dulong silangan ng Fertile Crescent, ay waring nasa isang hanggahan, anupat isa ito sa mga rehiyon kung saan ang teritoryong pinaninirahan at pinamumunuan ng mga lahing Semitiko ay pinaninirahan din ng mga lahing nagmula sa iba pang mga anak ni Noe, pangunahin na ng linyang Japetiko.
Ang lupain ng Elam ay tinawag na elamtu ng mga Asiryano at mga Babilonyo at Elymais naman ng mga klasikal na Griegong manunulat, na tumukoy rin dito bilang “Susiana” ayon sa pangalan ng lunsod ng Susa, o Susan, na maliwanag na dating kabisera ng Elam. Sa ilalim ng Imperyo ng Persia, ang Susa (Susan) ay isang maharlikang lunsod. (Ne 1:1; Es 1:2) Ito ay nasa mga ruta ng kalakalan na patungo sa TS at gayundin sa talampas ng Iran. Dahil sa pagtatangkang makontrol ang mga rutang ito, ang Elam ay malimit salakayin ng mga tagapamahalang Asiryano at Babilonyo.
Wika. Kapag tinatalakay ang Elam, sinasabi ng maraming reperensiyang akda na itinala lamang ng manunulat ng Genesis ang Elam sa ilalim ni Sem
dahil sa isang pulitikal o heograpikong saligan yamang, ayon sa kanila, hindi naman Semitiko ang mga tao sa Elam. Ang pangmalas na ito ay batay sa opinyon na ang wika ng mga Elamita ay hindi Semitiko. Gayunman, isinisiwalat ng mga pagsusuri na ang pinakasinaunang mga inskripsiyon na natagpuan sa heograpikong rehiyon na tinatawag na Elam ay “mga listahan lamang ng mga bagay na iginuhit sa mga tapyas na luwad at may kani-kaniyang numero sa tabi, na ginamitan ng simpleng sistema ng mga kudlit, mga bilog at mga hating-bilog . . . ang nilalaman ng mga ito sa ngayon ay nauugnay lamang sa ekonomiya o administrasyon.” (Semitic Writing, ni G. R. Driver, London, 1976, p. 2, 3) Ang mga inskripsiyong ito ay matatawag lamang na “Elamita” dahil natagpuan ang mga ito sa teritoryo ng Elam.Samakatuwid, ang argumento niyaong mga tumututol na ibilang ang Elam sa mga taong Semitiko ay pangunahin nang salig sa mas huling mga inskripsiyon sa cuneiform, na itinuturing na mula pa noong ikalawang milenyo B.C.E., at sa bantayog ng Behistun (ng ikaanim na siglo B.C.E.), na naglalaman ng magkakatulad na teksto sa Matandang Persiano, Akkadiano, at “Elamita.” Ang mga inskripsiyong cuneiform na ipinapalagay na isinulat ng mga Elamita ay sinasabing nasa isang wikang agglutinative (kung saan pinagsasama ang mga salitang-ugat upang bumuo ng mga tambalang salita, anupat naiiba sa mga wikang inflectional). Nabigo ang mga pilologo na iugnay ang wikang “Elamita” na ito sa iba pang kilaláng wika.
Sa pagsusuri sa nabanggit na impormasyon, dapat tandaan na ang heograpikong rehiyon na nang maglaon ay tinirahan ng karamihan sa mga inapo ni Elam ay maaaring tinahanan din ng iba pang mga tao bago o habang tumatahan doon ang mga Elamitang iyon, kung paanong nanirahan sa Babilonia ang unang mga Sumeriano na hindi Semitiko. Ang Encyclopædia Britannica (1959, Tomo 8, p. 118) ay nagsabi: “Ang buong lupain [na tinawag na Elam] ay tinirahan ng iba’t ibang tribo, na karamihan ay nagsasalita ng mga diyalektong agglutinative, bagaman ang mga distrito sa kanluran ay tinahanan ng mga Semita.”—Amin ang italiko; MAPA at TSART, Tomo 1, p. 329.
Ang mga inskripsiyong cuneiform na natagpuan sa rehiyon ng Elam, sa ganang sarili, ay hindi nagpapatotoo na ang tunay na mga Elamita ay hindi Semitiko noong una. Makikita ito sa maraming sinaunang halimbawa sa kasaysayan tungkol sa mga tao na natutong gumamit ng isang wika bukod pa sa sarili nilang wika dahil sa pamumuno o pagpasok ng mga banyaga. Mayroon ding mga halimbawa ng sinaunang mga tao na gumamit ng ibang wika bukod pa sa sarili nilang wika para sa pakikipagkalakalan o pakikipag-ugnayan sa ibang bansa, gaya ng wikang Aramaiko na ginamit ng maraming bayan. Ang “mga Hiteo” ng Karatepe ay sumulat ng mga inskripsiyon sa dalawang wika (lumilitaw na noong ikawalong siglo B.C.E.) sa sulat hieroglyphic na “Hiteo” at sa matandang Fenisa. Mga 30,000 tapyas na luwad na mula pa noong panahon ng Persianong si Haring Dario I ang natagpuan sa Persepolis, isang maharlikang lunsod sa Persia. Ang karamihan sa mga ito ay nasa wikang tinatawag na “Elamita.” Ngunit ang Persepolis ay hindi matatawag na isang lunsod na Elamita.
May isa pang katibayan na nagpapakitang ang talahanayan ng mga bansa sa Genesis kabanata 10 ay hindi dapat ituring na nauugnay lamang sa heograpiya at walang kaugnayan sa talaangkanan. Ito ay ang mga eskulturang inukit para sa mga haring Elamita na tinatantiya ng mga arkeologo na ginawa noong panahon ni Sargon I (ipinapalagay na namahala noong huling bahagi ng ikatlong milenyo). Makikita sa mga eskulturang ito hindi lamang ang karaniwang mga sagisag na Akkadiano (Semitikong Asiro-Babilonyo) kundi pati ang mga inskripsiyong Akkadiano.—The Illustrated Bible Dictionary, inedit ni J. D. Douglas, 1980, Tomo 1, p. 433.
Kasaysayan. Unang binanggit ng Bibliya ang Elam bilang isang bansa noong panahon ni Abraham (2018-1843 B.C.E.) nang makipagdigma si Kedorlaomer na “hari ng Elam” kasama ang isang alyansa ng mga hari laban sa isang koalisyon ng mga haring Canaanita sa rehiyon ng Dagat na Patay. (Gen 14:1-3) Ipinakikita ng ulat na si Kedorlaomer ang lider ng alyansa at siyang kumokontrol sa mga haring Canaanita, na nilapatan niya noon ng parusa. (Gen 14:4-17) Ang gayong kampanya, na maaaring nangailangan ng 3,200 km (2,000 mi) na paglalakbay nang balikan, ay pangkaraniwan sa mga hari sa Mesopotamia maging noong sinaunang panahon. Pinatutunayan ng sekular na kasaysayan na noong maagang bahagi ng ikalawang milenyo B.C.E. ay nagpuno ang mga Elamita sa rehiyon ng Mesopotamia. Isang Elamitang opisyal na nagngangalang Kudur-Mabuk na sumakop sa prominenteng lunsod ng Larsa (sa tabi ng Eufrates sa hilaga ng Ur) ang humirang sa kaniyang anak na si Warad-Sin bilang hari roon. Kapansin-pansin na ang Warad-Sin at Rim-Sin (kapatid ni Warad-Sin na humalili sa kaniya bilang hari) ay mga pangalang Semitiko, na higit pang nagpapatunay na nagkaroon ng elementong Semitiko sa Elam.
Ang yugtong ito ng pamumuno ng mga Elamita sa Babilonia ay ibinagsak at winakasan ni Hammurabi, at noon lamang huling bahagi ng ikalawang milenyo B.C.E. nalupig ng Elam ang Babilonya at
muling nakontrol ang rehiyong iyon nang mga ilang siglo. Pinaniniwalaan na noong panahong iyon kinuha ang isang stela na naglalaman ng bantog na Kodigo ni Hammurabi mula sa Babilonia at dinala sa Susa, kung saan ito natuklasan ng makabagong mga arkeologo.Ang Elam ay muling nasakop ni Nabucodonosor I (hindi ang Nabucodonosor na nagwasak sa Jerusalem pagkaraan ng ilang siglo), ngunit malimit pa rin itong nasangkot sa pag-aagawan ng kapangyarihan ng Asirya at ng Babilonya hanggang sa lubusan itong matalo ng Asiryanong mga emperador na sina Senakerib at Ashurbanipal (Asenapar). Pagkatapos nito, maraming Elamita ang inilipat sa mga lunsod ng Samaria. (Ezr 4:8-10) Mayroon ding mga bihag na Israelita na itinapon sa Elam. (Isa 11:11) Buong-linaw na inilarawan sa mga inskripsiyon ng mga emperador na Asiryano ang pananakop na ito sa Elam.
Nang bumagsak ang Imperyo ng Asirya, lumilitaw na ang Elam ay nakontrol ng mga lahing Japetiko (Aryano). Ang mga Medo at mga Persiano ay ipinapalagay na nangalat sa matalampas na rehiyon ng Iran ilang siglo bago nito, at sa ilalim ni Cyaxares, ang mga Medo ay nakipaglabang kasama ng mga Babilonyo upang pabagsakin ang Asiryanong kabisera ng Nineve. Waring ipinahihiwatig ng Daniel 8:2 na pagkatapos nito, ang Elam ay naging isang distrito ng Babilonya. Anuman ang kaagad na naging epekto sa Elam ng pagbagsak ng Asirya, maliwanag na naagaw ng mga Persiano sa mga Elamita ang rehiyon na tinatawag na Anshan, yamang ang mga tagapamahalang Persiano na sina Teispes, Ciro I, Cambyses, at Ciro II ay pawang tinawag sa titulong “Hari ng Anshan.” Bagaman itinuturing ng ilan na ang gayong pananakop sa Anshan ay katuparan ng hula ni Jeremias hinggil sa Elam (Jer 49:34-39), ipinapalagay ng karamihan sa mga iskolar na nasakop ni Teispes ang Anshan maraming taon bago binigkas ang hulang iyon noong mga 617 B.C.E.
Inihula ng babala ni Isaias sa Isaias 22:4-6 na kabilang ang mga Elamitang mamamana sa mga sasalakay sa Juda at Jerusalem. Inihula rin na ang mga Elamita ay makikisama sa Media sa pananamsam sa Babilonya (539 B.C.E.), anupat ang Media noong panahong iyon ay nasa ilalim ng pamamahala ng Persianong si Ciro II, “Hari ng Anshan.” (Isa 21:2) Sa gayon, ang mga Elamita ay nakatulong upang mapalaya ang Israel mula sa pagkatapon. Gayunman, dahil may mga panahon na pumanig sila sa mga kaaway ng bayan ng Diyos, ang Elam, kasama ng iba pang mga bansa, ay nakatakdang painumin sa kopa ng galit ng Diyos at ibaba sa Sheol.—Jer 25:17, 25-29; Eze 32:24.
Noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., kabilang ang mga Elamita sa libu-libong nakarinig ng mensaheng ipinahayag ng mga alagad sa iba’t ibang wika, kabilang na ang wikang ginagamit noon sa Elam. (Gaw 2:8, 9) Gayunman, noong panahong iyon ay hindi na sila umiiral bilang isang bansa at bayan, gaya ng inihula sa Jeremias 49:34-39.
2. Isang Levitang bantay ng pintuang-daan noong panahon ng paghahari ni David at isang anak ni Meselemias na mula sa pamilya ng mga Korahita.—1Cr 25:1; 26:1-3.
3. Isang anak ni Sasak at isang pangulo ng tribo ni Benjamin.—1Cr 8:24, 25, 28.
4. Ninuno ng isang pamilyang Israelita na ang 1,254 na inapo ay bumalik mula sa Babilonya kasama ni Zerubabel (Ezr 2:1, 2, 7; Ne 7:12) at ng isang delegasyon na binubuo ng 71 lalaki na sumama naman kay Ezra. (Ezr 8:7) Kabilang ang ilan sa kaniyang mga inapo sa mga sumang-ayong paalisin ang kanilang mga asawang banyaga (Ezr 10:19, 26), at isang kinatawan ng pamilya ang lumagda sa tipan noong panahon ni Nehemias.—Ne 10:1, 14.
5. Isa na tinukoy bilang ang “isa pang Elam,” na isa ring ulo ng pamilya na ang gayunding bilang ng inapo na 1,254 ay sumama sa pangkat ni Zerubabel patungong Juda.—Ezr 2:31; Ne 7:34.
6. Isang Levita na naroroon noong pasinayaan ni Nehemias ang pader ng Jerusalem.—Ne 12:27, 42.