Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Elat

Elat

[posible, Barakong Tupa; o, Dako ng Barakong Tupa], Elot [pangmaramihan].

Isang lugar na unang binanggit sa sumaryo ni Moises hinggil sa 40-taóng paglalakbay ng mga Israelita sa ilang. (Deu 2:8) Ang Elat ay binabanggit kasama ng Ezion-geber at nasa “baybayin ng Dagat na Pula sa lupain ng Edom.” (1Ha 9:26) Tumutukoy ito sa isang lokasyon sa HS sanga ng Dagat na Pula na tinatawag na Gulpo ng ʽAqaba. Sang-ayon naman ang mga iskolar kay Jerome, ng ikaapat at ikalimang siglo C.E., na ang Elat ay ang lunsod na tinatawag noon na Aila, na iniuugnay sa mga Nabateano. Dahil dito, posibleng ang Elat ay nasa makabagong-panahong Arabeng lunsod ng ʽAqaba sa HS panulukan ng gulpo o malapit doon (ang makabagong Judiong lunsod na tinatawag na Elat ay nasa HK panulukan).

Ang Elat ay bahagi ng teritoryo ng Edom noong dumaan ang mga Israelita sa rehiyong iyon patungong Canaan. Natagpuan sa lugar ng Elat ang mga pantatak na may pangalang Edomita na “Qosʽanal, lingkod ng hari,” na ipinapalagay ng mga arkeologo na mula pa noong ikapitong siglo B.C.E.

Maliwanag na dahil nasakop ni David ang Edom, ang Elat at ang kalapit na Ezion-geber ay napasailalim ng kontrol ng Juda (2Sa 8:13, 14), at binabanggit ang mga ito may kaugnayan sa paggawa ni Solomon ng mga barko. (1Ha 9:26; 2Cr 8:17) Ipinahihiwatig ng paglalarawan sa Ezion-geber bilang “malapit sa Elot” na ang Elat (Elot) ang mas prominente sa dalawang lugar na ito noong panahong iyon.

Maliwanag na muling nakontrol ng Edom ang Elat noong panahon ng paghahari ni Jehoram ng Juda. (2Ha 8:20-22) Nang sumunod na siglo, ang lunsod ay naisauli sa Juda at muling itinayo ni Haring Uzias (Azarias). (2Ha 14:21, 22; 2Cr 26:1, 2) Pagkatapos, noong panahon ng pamamahala ni Ahaz (761-746 B.C.E.), inagaw ito sa Juda ng mga Siryano at muling pinanirahan ng mga Edomita, at mula noon ay hindi na ito nabalik sa mga Judeano. (2Ha 16:6) Ang tekstong Masoretiko ay kababasahan dito ng “Sirya” o “Aram” (sa Heb., ʼAramʹ) sa halip na “Edom” (ʼEdhohmʹ). Gayunman, mas tinatanggap ng karamihan sa mga iskolar ang huling nabanggit na salin na nasa panggilid, anupat naniniwala sila na nagamit ng eskriba ang titik Hebreo na res (ר) sa halip na ang dalet (ד).

Palibhasa’y isang oasis, ang Elat ay naging isang hintuan sa ruta ng mga pulutong na naglalakbay mula T Arabia hanggang Ehipto, Canaan, o Damasco. Kasama ng Ezion-geber, ito rin ay malapit sa daungan ng “mga barko ng Tarsis” na naglalayag sa karagatan ng Arabia, Silangang Aprika, at posibleng ng India. (1Ha 10:22; 9:26, 27) Sa lugar na ito ay may natagpuang mga sulat na Aramaiko, gaya ng mga resibo ng alak na mula sa yugto ng Imperyo ng Persia, at mga labí ng de-kalidad na mga kagamitang luwad sa istilong Griego, na marahil ay ibibiyahe patungong Arabia.