Eli, I
[Pumaitaas; Umakyat].
Isang mataas na saserdote ng Israel; maliwanag na inapo ng ikaapat na binanggit na anak ni Aaron na si Itamar. (Ihambing ang 2Sa 8:17; 1Ha 2:27; 1Cr 24:3; Exo 6:23.) Bilang mataas na saserdote, si Eli ay naghukom sa Israel nang 40 taon. Si Samuel ay nagsimulang maglingkod bilang propeta noong nabubuhay pa si Eli. (1Sa 4:18; 3:10-13, 19-21) May espirituwal na taggutom sa Israel noong mga araw ni Eli, sapagkat “ang salita mula kay Jehova ay naging bihira nang mga araw na iyon; walang pangitain ang inihahayag.”—1Sa 3:1.
Unang binanggit si Eli sa kabanata 1 ng Unang Samuel. Nakaupo siya sa labas sa tabi ng poste ng pinto ng tabernakulo at sinaway niya ang matuwid na si Hana, na inakala niyang lasing, gayong ang totoo ay nananalangin ito nang matagal kay Jehova sa harapan ng tabernakulo. Ipinaliwanag ni Hana na hindi siya lasing kundi nagsasalita siya dahil sa laki ng kaniyang pagkabahala at kaligaligan, at sa gayo’y pinayaon siyang payapa ni Eli. Sinagot ni Jehova ang panalangin ni Hana, at nagkaanak siya ng isang lalaki na pinanganlan niyang Samuel. Bilang pagtupad sa kaniyang panata, dinala niya ang bata sa tabernakulo pagkaawat nito sa suso upang maglingkod doon.—1Sa 1:9-18, 20, 24, 28; 2:11, 18.
Maluwag sa Pagdidisiplina sa mga Anak. Bilang isang ama at mataas na saserdote sa Israel, si Eli ay maluwag sa paglalapat ng disiplina ni Jehova. Ang kaniyang dalawang anak na lalaki, sina Hopni at Pinehas, ay naglilingkod bilang mga saserdote, ngunit sila ay “mga walang-kabuluhang lalaki,” na interesado lamang na bigyang-kasiyahan ang kanilang tiyan at maruruming seksuwal na pagnanasa. Hindi sila kontento sa bahagi ng hain na itinakda sa kanila ng kautusan ng Diyos, at inuuna pa nga nila ang kanilang sarili kaysa kay Jehova, yamang bago pa man mapausok ang taba sa ibabaw ng altar ay inuutusan na nila ang isang tagapaglingkod na humingi ng hilaw na karne mula sa naghahain. Ginagamit ng sakim at makalamang mga anak ni Eli ang kanilang posisyon sa tolda ng kapisanan upang isagawa ang kanilang bisyo at pagnanakaw, na ipinagwawalang-bahala ang kapakanan ng dalisay na pagsamba. Maging noong sipingan ng kaniyang masasamang anak ang mga babaing naglilingkod sa pasukan ng tabernakulo, hindi sila inalis ni Eli sa katungkulan kundi sinaway lamang sila nang banayad. Patuloy na pinarangalan ni Eli ang kaniyang mga anak nang higit kaysa kay Jehova.—Nang maglaon, dumating ang isang propeta ng Diyos na may matinding babala: Ang kapangyarihan at impluwensiya ng sambahayan ni Eli ay tatagpasin, anupat hindi magkakaroon ng isa mang matanda sa kaniyang sambahayan. Ang kaniyang masasamang anak ay mamamatay sa iisang araw. (1Sa 2:27-36) Sa pamamagitan ng batang si Samuel, muling tiniyak ni Jehova na lalapatan ng hatol ang sambahayan ni Eli. (1Sa 3:11-14) Natakot si Samuel na ilahad ang mensahe, ngunit ginawa niya iyon sa kahilingan ni Eli. Pagkatapos ay may-kaamuang nagpasakop si Eli, na sinasabi: “Si Jehova nga iyon. Gawin niya nawa ang anumang mabuti sa kaniyang paningin.”—1Sa 3:15-18.
Hinatulan ni Jehova ang Sambahayan ni Eli. Dumating ang kagantihan ayon sa sinabi ng Diyos. Mga 4,000 lalaki sa Israel ang namatay sa pakikipagbaka sa mga Filisteo. Ipinasiya ng mga Israelita na kunin ang Kaban mula sa Shilo at ipasok ito sa kampo, sa pag-aakalang maililigtas sila nito mula sa kanilang mga kaaway. Ngunit lalo pang pinag-ibayo ng mga Filisteo ang kanilang pakikipagbaka. Tatlumpung libong Israelita ang napatay at ang Kaban ay nabihag. Sina Hopni at Pinehas, na naroroong kasama ng Kaban, ay namatay. Isang lalaki ng Benjamin ang nagmadaling umalis sa larangan ng pagbabaka upang mag-ulat kay Eli. Ang 98-taóng-gulang na si Eli, na bulag at mahina na, ay nakaupo noon sa isang upuan sa tabi ng daan, at ang kaniyang puso ay nanginginig may kinalaman sa Kaban. Nang marinig niya na nabihag ang Kaban, si Eli ay nabuwal na patalikod, nabalian ng leeg at namatay.—1Sa 4:2-18.
Ang iba pang kagantihan sa sambahayan ni Eli ay dumating sa pamamagitan ni Haring Saul, na walang-awang nag-utos na paslangin ang mga saserdote ng Nob, na mga inapo ni Eli sa pamamagitan ng anak ni Pinehas na si Ahitub. (1Sa 14:3; 22:11, 18) Si Abiatar lamang, na anak ni Ahimelec, ang nakaligtas sa lansakang pagpatay at nagpatuloy sa paglilingkod bilang saserdote sa buong panahon ng paghahari ni David. (1Sa 22:20; 2Sa 19:11) Gayunman, si Abiatar ay inalis ni Solomon sa pagkasaserdote dahil tinulungan niya ang mapaghimagsik na si Adonias. (1Ha 1:7; 2:26, 27) Sa gayon ay natupad ang hatol ni Jehova sa sambahayan ni Eli, at ang kaniyang mga inapo ay permanenteng inalis sa katungkulan ng pagiging mataas na saserdote.—1Sa 3:13, 14.