Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Eliab

Eliab

[Ang Aking Diyos ay Ama].

1. Anak ni Helon na mula sa tribo ni Zebulon; isa sa 12 pinuno na inatasan ni Jehova upang tumulong kina Moises at Aaron sa pagbilang sa mga anak ni Israel para sa hukbo. (Bil 1:1-4, 9, 16) Si Eliab ang namahala sa hukbo ng kaniyang tribo, na isang bahagi ng tatlong-tribong pangkat ng kampo ni Juda. (Bil 2:3, 7; 10:14-16) Bukod sa pakikibahagi sa panggrupong paghahandog ng mga pinuno pagkatapos na maitayo ang tabernakulo, naghandog pa ang pinunong si Eliab ng kaniyang sariling handog noong ikatlong araw para sa pagpapasinaya ng altar.​—Bil 7:1-3, 10, 11, 24-29.

2. Anak ni Palu na mula sa tribo ni Ruben; ama ni Nemuel. Ang iba pang mga anak ni Eliab, sina Datan at Abiram, ay sumuporta kay Kora sa paghihimagsik nito laban kay Moises at nilamon ng lupa kasama ng kanilang mga sambahayan.​—Bil 16:1, 12; 26:8-10; Deu 11:6.

3. Isang Levita na mula sa pamilya ng mga Kohatita at isang ninuno ni Samuel na propeta. (1Cr 6:22, 27, 28, 33, 34) Tinawag siyang Eliel sa 1 Cronica 6:34 at Elihu sa 1 Samuel 1:1.

4. Panganay na anak ni Jesse na ama ni Haring David. (1Sa 17:13; 1Cr 2:13) Lubhang humanga si Samuel sa anyo ni Eliab at sa taas ng tindig nito kung kaya naisip niya na ito ang pinili ng Diyos upang maging hari. Ngunit itinakwil ni Jehova si Eliab at pinili si David.​—1Sa 16:6-12.

Sina Eliab, Abinadab, at Shamah, na pinakamatatandang anak ni Jesse, ay nasa hukbo ni Saul noong hamunin ng Filisteong tagapagtanggol na si Goliat ang mga lalaki ng Israel. Di-kalaunan bago lumabas si Goliat mula sa mga hukbo ng mga Filisteo upang tuyain ang Israel, si David, na isinugo ng kaniyang ama, ay dumating na may dalang panustos na pagkain para sa kaniyang tatlong kapatid. Palibhasa’y lubhang ikinagalit ang pagtatanong ni David sa mga mandirigmang Israelita tungkol sa gantimpalang tatanggapin ng sinumang makapapatay kay Goliat, pinagalitan ni Eliab si David. Ipinahiwatig niya na pinababayaan nito ang kaniyang mga tungkulin sa pagpapastol at inakusahan niya ito ng pagiging pangahas at may masamang puso. (Ang ulat tungkol sa pagsusugo kay David at sa galit ni Eliab ay wala sa Vatican Manuscript No. 1209.)​—1Sa 17:13, 17, 26-28.

Nang dakong huli, lumilitaw na napangasawa ng anak ni David na si Jerimot ang anak ni Eliab na si Abihail.​—2Cr 11:18.

5. Isa sa mga Gadita na pumanig kay David noong hindi pa ito makakilos dahil kay Haring Saul. Ang mga Gadita ay “magigiting at makapangyarihang mga lalaki,” anupat ang pinakamababa ay katumbas ng isang daan, at ang pinakadakila ay ng isang libo.​—1Cr 12:1, 8, 9, 14.

6. Isang Levitang manunugtog sa ikalawang pangkat na kabilang sa mga tumugtog noong ipag-utos ni Haring David na ang kaban ni Jehova ay ilipat sa Jerusalem mula sa bahay ni Obed-edom.​—1Cr 15:18, 20, 25; 16:5.