Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Eliakim

Eliakim

[Ibinabangon ng Aking Diyos].

1. Anak ni Hilkias; punong administrador ng sambahayan ni Hezekias na hari ng Juda nang panahong salakayin ng Asiryanong haring si Senakerib ang Juda noong 732 B.C.E.

Noong si Sebna pa ang “namamahala sa bahay,” inihula ng propetang si Isaias na aalisin siya sa posisyong ito at hahalinhan ni Eliakim, na tinawag ni Jehova na “aking lingkod.” Isasagawa ang pagsasalin ng posisyon sa pamamagitan ng pagbibihis kay Eliakim ng opisyal na mahabang damit at paha ni Sebna. Gayundin, “ang susi sa sambahayan ni David” ay iaatang sa balikat ni Eliakim, na nagpapahiwatig na ipagkakatiwala sa kaniya ang pangangasiwa sa mga silid ng hari at ang awtoridad na magpasiya kung sino ang tatanggapin upang maglingkod sa hari.​—Isa 22:15-24.

Bilang pagganap sa opisyal na katungkulang ito, si Eliakim, si Sebna na kalihim, at si Joa, lumilitaw na ang tagapagtala, ay lumabas upang makipag-usap kay Rabsases, na pumaroon sa Jerusalem kasama ang isang makapal na hukbong militar upang hingin ang pagsuko ng lunsod. Pagkatapos, hapak ang mga kasuutan, iniulat nilang tatlo ang mga salita ng tagapagsalita ni Senakerib kay Haring Hezekias. Isinugo naman ng hari sina Eliakim, Sebna, at ang matatandang lalaki ng mga saserdote kay Isaias upang sumangguni kay Jehova.​—Isa 36:11, 22; 37:1, 2; 2Ha 18:17, 18, 26, 36, 37; 19:1, 2.

2. Hari ng Juda (628-618 B.C.E.) na iniluklok ni Paraon Necoh sa trono; pinalitan niya ang pangalan nito ng Jehoiakim. Si Eliakim ay anak ni Haring Josias.​—2Ha 23:34; tingnan ang JEHOIAKIM.

3. Isa sa mga saserdoteng Levita na may mga trumpeta na kasama sa prusisyong isinaayos ni Nehemias noong pasinayaan ang muling-itinayong pader ng Jerusalem.​—Ne 12:31, 41.

4. Isang ninuno ng ama-amahan ni Jesus na si Jose.​—Mat 1:13.

5. Isang ninuno ng ina ni Jesus sa lupa na si Maria.​—Luc 3:30.