Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Eliezer

Eliezer

[Ang Aking Diyos ay Katulong].

1. Isang lalaking taga-Damasco at ang magiging tagapagmana ni Abraham kung hindi ito magkakaanak. Tinukoy siya ni Abraham na “isang anak na lalaki sa aking sambahayan.” (Gen 15:2, 3) Ipinahihiwatig ng mga tuklas sa arkeolohiya, gaya ng mga tapyas mula sa Nuzi, kung bakit itinuring ni Abraham si Eliezer na kaniyang tagapagmana. Kadalasan, ang mga mag-asawang walang anak ay nag-aampon ng anak na lalaki na mag-aalaga sa kanila sa kanilang katandaan at magsasaayos ng kanilang libing pagkamatay nila, at pagkatapos ay siyang magmamana ng kanilang ari-arian. Gayunpaman, itinatakda rin na kung magkakaanak sila ng isang lalaki pagkatapos gawin ang pag-aampon, ang tunay na anak ang magiging pangunahing tagapagmana.

Malamang na si Eliezer ang tinutukoy na pinakamatandang lingkod ni Abraham at tagapamahala ng kaniyang sambahayan, na isinugo ni Abraham sa sambahayan ni Nahor sa mataas na Mesopotamia upang kumuha ng isang babaing mapapangasawa ni Isaac. Tulad ng kaniyang panginoong si Abraham, umasa si Eliezer kay Jehova ukol sa patnubay at kinilala niya ang Kaniyang pag-akay.​—Gen 24:2, 4, 12-14, 56.

2. Ang nakababata sa dalawang anak ni Moises, na pinanganlan ni Moises nang gayon sapagkat ang Diyos ang kaniyang katulong sa pagliligtas kay Moises mula sa tabak ni Paraon. (Exo 18:4) Iisa lamang ang naging anak na lalaki ni Eliezer, si Rehabias, na pinagmulan naman ng maraming inapo. Noong mga araw ni David, ang isa sa mga ito, si Selomot, kasama ang kaniyang mga kapatid, ay inatasang mamahala sa lahat ng mga bagay na pinabanal.​—1Cr 23:17; 26:25, 26, 28.

3. Isang anak ni Beker at inapo ni Benjamin.​—1Cr 7:6, 8.

4. Isa sa pitong saserdote na nagpapatunog nang malakas sa mga trumpeta sa harap ng kaban ni Jehova nang iahon ito ni David sa Jerusalem mula sa bahay ni Obed-edom.​—1Cr 15:24.

5. Anak ni Zicri at lider ng tribo ni Ruben noong panahon ng paghahari ni David.​—1Cr 27:16.

6. Anak ni Dodavahu ng Maresha; isang propeta na humulang sisirain ni Jehova ang mga gawa ni Haring Jehosapat may kaugnayan sa pakikisosyo nito sa balakyot na si Haring Ahazias sa paggawa ng mga barko.​—2Cr 20:35-37; 1Ha 22:48.

7. Isa sa mga pangulo ng mga tapon na bumalik sa Jerusalem kasama ni Ezra.​—Ezr 8:16.

8. Isang saserdote mula sa “mga anak ni Jesua” na kabilang sa mga sumunod sa payo ni Ezra at nangakong paaalisin ang kanilang mga asawang banyaga.​—Ezr 10:18, 19.

9. Isang Levita na kabilang sa mga nagpaalis sa kanilang mga asawang banyaga, bilang pagsunod sa payo ni Ezra.​—Ezr 10:23, 44.

10. Isang inapo ni Harim na kabilang sa mga nakinig sa mga salita ni Ezra na paalisin ang kanilang mga asawang banyaga.​—Ezr 10:31, 44.

11. Isang ninuno ng ina ni Jesus sa lupa na si Maria.​—Luc 3:29.