Elihu
[Ang Aking Diyos ay Siya].
1. “Anak ni Barakel na Buzita na mula sa pamilya ni Ram.” Bilang inapo ni Buz, maliwanag na si Elihu ay isang malayong kamag-anak ni Abraham. (Job 32:1, 2, 6; Gen 22:20, 21) Malamang na matamang nakinig si Elihu sa buong debate sa pagitan ni Job at ng kaniyang tatlong diumano’y mang-aaliw. Ngunit, bilang paggalang sa kanilang edad, nanatili siyang tahimik hanggang sa silang lahat ay makatapos sa pagsasalita. Bagaman si Elihu ay tinaguriang madaldal ng makabagong mga kritiko, anupat sinasabing paliguy-ligoy ang kaniyang mga pahayag, ang mga pananalita ni Elihu ay hindi yaong nagmumula sa isang mapanghimasok na kabataan. Lubusan niyang natatanto na ang karunungan ay hindi lamang taglay niyaong mga may kalaunan na sa mga taon, kundi sa halip, ang espiritu ng Diyos ang talagang nakapagpaparunong sa isa. Kaya naman nanalig nang husto si Elihu sa espiritu ng Diyos. Sa gayon ay may-kawastuan niyang napag-unawa na hindi natanto ni Job na ang pagbabangong-puri sa Diyos na Jehova ay lalong higit na mahalaga kaysa sa pagbabangong-puri sa sinumang tao at na ang totoo’y ipinahayag ng tatlong kaibigan ni Job na ang Diyos ay balakyot.—Job 32:2-9, 18.
Si Elihu ay walang itinangi, anupat hindi siya naggawad ng labis na mapamuring titulo sa kaninuman. Kinilala niya na siya, tulad ni Job, ay gawa sa luwad at na ang Makapangyarihan-sa-lahat ang kaniyang Maylalang. Hindi intensiyon ni Elihu na sindakin si Job kundi kinausap niya ito bilang isang tunay na kaibigan, anupat tinawag si Job sa pangalan, bagay na hindi ginawa nina Elipaz, Bildad, o Zopar.—Job 32:21, 22; 33:1, 6.
Sa bawat aspekto ay dinakila ni Elihu ang posisyon ng tunay na Diyos: Ang Makapangyarihan-sa-lahat ay makatarungan, anupat ginagantimpalaan ang indibiduwal ayon sa kaniyang paggawi. Humahatol siya nang walang pagtatangi at lubusang nababatid ang landasing nilalakaran ng mga tao. Naririnig ng Diyos ang daing ng mga napipighati. Bilang isang Guro, ginagawa niyang maging mas marunong ang tao kaysa sa mga nilalang na hayop. Tanging ang kabulaanan ang hindi pinakikinggan ng Diyos, kaya pinatibay-loob ni Elihu si Job na maghintay sa Kaniya. Karagdagan pa, tiniyak ni Elihu kay Job na sumasakaniya ang Diyos at na hindi Niya iingatang buháy ang balakyot, ngunit “tatapusin [niyaong mga naglilingkod sa Kaniya] sa kabutihan ang kanilang mga araw.” (Job 36:11) Pagkatapos ay pinaalalahanan si Job na dakilain ang gawa ng Diyos, ang dakilang Tagapaglaan, na saganang nagbibigay ng pagkain. Itinawag-pansin ni Elihu kay Job ang mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos at ang Kaniyang pagsupil sa mga puwersa ng kalikasan, anupat pinasigla si Job na ‘magbigay-pansin sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos.’ (Job 37:14) Nagtapos si Elihu sa isang matayog na pangangatuwiran, anupat sinabi tungkol sa Makapangyarihan-sa-lahat: “Siya ay dakila sa kapangyarihan, at ang katarungan at ang saganang katuwiran ay hindi niya mamaliitin. Kaya nga katakutan nawa siya ng mga tao.”—Job 37:23, 24; kab 34-37.
Tanging dahil sa espiritu ng Diyos kung kaya naging posible para kay Elihu na suriin nang may kawastuan ang mga bagay-bagay at salitain ang mga salitang natupad kay Job nang siya ay maipanauli: “Sagipin siya mula sa pagkababa sa hukay! Nakasumpong ako ng pantubos! Maging higit na sariwa pa ang kaniyang laman kaysa noong kabataan; mabalik siya sa mga araw ng lakas ng kaniyang kabataan.”—Job 33:24, 25.
1Sa 1:1) Maliwanag na si Elihu ay tinatawag ding Eliab at Eliel.—1Cr 6:27, 34.
2. Isang ninuno ng propetang si Samuel; ang anak ni Tohu. (3. Ipinapalagay na si Eliab na pinakamatandang kapatid ni Haring David; naging prinsipe ng tribo ni Juda.—1Cr 27:18, 22; ihambing ang 1Sa 16:6; tingnan ang ELIAB Blg. 4.
4. Isa sa pitong ulo ng mga libu-libo ng Manases na lumipat sa panig ni David sa Ziklag.—1Cr 12:20.
5. Isang Korahita mula sa pamilya ni Obed-edom na isang bantay ng pintuang-daan sa bahay ng Diyos, na inatasan noong panahon ng paghahari ni David.—1Cr 26:1, 4, 7, 8.