Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Elipaz

Elipaz

1. Panganay na anak ni Esau sa kaniyang Canaanitang asawa na si Ada. Anim o pito sa mga anak ni Elipaz, kabilang na sina Teman, Omar, at Amalek, ang naging mga shik ng mga tribong Edomita.​—Gen 36:4, 10-12, 15, 16; 1Cr 1:35, 36; tingnan ang SHIK.

2. Isa sa tatlong kasamahan ni Job. (Job 2:11) Yamang isang Temanita, malamang na isa siyang inapo ng Blg. 1, samakatuwid ay isang inapo ni Abraham at malayong kamag-anak ni Job. Ipinaghambog niya at ng kaniyang mga kaapu-apuhan ang kanilang karunungan. (Jer 49:7) Sa tatlong “mang-aaliw,” si Elipaz ang namumukod-tangi bilang ang pinakamahalaga at pinakamaimpluwensiya, na nagpapahiwatig na maaaring siya rin ang pinakamatanda. Siya ang unang nagsasalita sa tatlong yugto ng debate, at mas mahahaba ang kaniyang mga pahayag.

Ganito ang pangangatuwiran ni Elipaz sa kaniyang unang pahayag: “Sinong walang-sala ang namatay? At saan ba nalipol ang mga matuwid?” Kaya, ang nabubuo niyang konklusyon ay na malamang na nakagawa si Job ng isang bagay na balakyot anupat tumanggap ng kaparusahan ng Diyos. (Job kab 4, 5) Sa kaniyang ikalawang pagtuligsa, tinuya ni Elipaz ang karunungan ni Job: “Ang isa bang taong marunong ay sasagot ng mahanging kaalaman, o pupunuin ba niya ang kaniyang tiyan ng hanging silangan? . . . Ano ba ang alam mo na hindi namin alam?” “Laban sa Makapangyarihan-sa-lahat,” ang pahiwatig ni Elipaz, “ay tinatangka [ni Job na] ipakitang nakahihigit siya.” Sa pagtatapos ng kaniyang ikalawang pagdungis sa mabubuting katangian ni Job, inilarawan ng Edomita ang matuwid na si Job bilang isang apostata, na naninirahan sa mga tolda ng panunuhol, isang tao na punô ng panlilinlang. (Job 15) Sa katapus-tapusan ay pinahirapan ni Elipaz si Job sa ikatlong pagkakataon, anupat may-kabulaanang inakusahan ito ng lahat ng uri ng krimen​—pangingikil, pagkakait ng tubig at tinapay sa mga nagdarahop, at paniniil sa mga babaing balo at mga ulila.​—Job 22.

Pagkatapos ng ikalawang pambabatikos ni Elipaz ay sumagot si Job nang may kahusayan: “Kayong lahat ay mapanligalig na mga mang-aaliw! May wakas ba ang mga salitang mahangin?” (Job 16:2, 3) Sa konklusyon ng mga debate, si Jehova mismo ang nagsalita kay Elipaz: “Ang aking galit ay nag-init laban sa iyo at sa dalawang kasamahan mo, sapagkat hindi kayo nagsalita ng katotohanan tungkol sa akin gaya ng aking lingkod na si Job.” Sinabihan si Elipaz na dapat silang maghandog ng isang hain at na pagkatapos nito ay idadalangin sila ni Job.​—Job 42:7-9.