Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Elisa

Elisa

Anak ni Javan at isang ulo ng pamilya na mula sa kaniya “ang populasyon ng mga isla ng mga bansa ay nangalat.” (Gen 10:4, 5; 1Cr 1:7) Ang tanging iba pang pagbanggit ng Bibliya kay Elisa ay sa panambitang binigkas laban sa Tiro, kung saan lumilitaw ang pangalan bilang pangalan ng isang lupain o rehiyon na nakikipagkalakalan sa Tiro. Ang Tiro ay kinakatawanan bilang isang makasagisag na barko, na ginayakan ng maraming bansa, anupat “ang mga pulo ng Elisa” ang naglalaan ng “sinulid na asul at lanang tinina sa mamula-mulang purpura” para sa pantabing sa kubyerta ng barko (marahil ay isang uri ng bubong na pananggalang sa araw at ulan).​—Eze 27:1-7.

Ikinapit ng unang-siglong Judiong istoryador na si Josephus ang pangalang Halisas (Elisa) sa mga Halisaeno (mga Aeoliano), isa sa mga sangang pinanggalingan ng mga taong Griego. (Jewish Antiquities, I, 127 [vi, 1]) Pagsapit ng panahon ni Ezekiel ang pangalang Aeolis ay tumukoy na lamang sa isang bahagi ng K baybayin ng Asia Minor. Isang pagkakatulad sa pangalang Elisa ang napansin sa distrito ng Elis sa HK baybayin ng Peloponnesus (ang timugang peninsula ng Gresya). Batid din na ang mga Griego ay nagtatag ng mga kolonya sa timugang Italya at sa pulo ng Sicilia, at nang komentuhan ng Aramaikong Targum ang Ezekiel 27:7, tinukoy nito ang Elisa bilang “probinsiya ng Italya.” Alinman sa mga lokasyong ito ay aangkop sa ulat ng Ezekiel sa diwa ng pagiging mga rehiyon na pinagmumulan ng tinang purpura na lubhang kanais-nais, ngunit walang tiyakang masasabi tungkol sa tiyak na kaugnayan ng mga ito sa Elisa, maliban sa bagay na ang katibayan ay nakaturo sa direksiyon ng Gresya sa halip na sa Hilagang Aprika o sa Ciprus. Makatuwiran ding sabihin na ang mga inapo ni Elisa ay maaaring hindi nanatiling nakapirme kundi sa paglipas ng mga siglo, ang rehiyon na kanilang pinamayanan ay maaaring nagbago o lumawak at na ang pangalan ni Elisa kung gayon ay maaaring kumapit sa iba’t ibang lugar sa iba’t ibang panahon.