Elisama
[Narinig (Pinakinggan) ng Aking Diyos].
1. Anak ni Amihud na mula sa tribo ni Efraim; lolo ni Josue. (Bil 1:10; 2:18; 1Cr 7:26, 27) Si Elisama ay isa sa 12 pinuno na itinalaga ni Jehova upang tumulong kina Moises at Aaron sa pagrerehistro sa mga anak ni Israel para sa hukbo. Siya rin ang namahala sa hukbo ng kaniyang tribo. (Bil 1:1-4, 17; 2:18; 10:22) Bukod sa pakikibahagi sa panggrupong paghahandog na ginawa ng mga pinuno pagkatapos na maitayo ang tabernakulo, naghandog pa si Elisama ng kaniyang sariling handog noong ikapitong araw para sa pagpapasinaya ng altar.—Bil 7:1, 2, 5, 10, 11, 48-53.
2. Anak ni Jekamias na mula sa tribo ni Juda.—1Cr 2:3, 41.
3. Isang anak na isinilang kay David sa Jerusalem. Ang Elisama na ito ay nakatala bilang Elisua sa 2 Samuel 5:15, sa 1 Cronica 14:5, at sa dalawang manuskritong Hebreo sa 1 Cronica 3:6. Karaniwang ipinapalagay na Elisua ang tamang pangalan, yamang ang pangalang Elisama ay muling lumilitaw sa 1 Cronica 3:8 at samakatuwid ay madaling makapasok sa talata 6 sa pamamagitan ng isang pagkakamali ng eskriba. Gayunman, yamang ang Hebreong tekstong Masoretiko, ang Griegong Septuagint, ang Syriac na Peshitta, at ang Latin na Vulgate ay kababasahan ng “Elisama” sa 1 Cronica 3:6, ang anyong ito ng pangalan ang ginamit sa Bagong Sanlibutang Salin at sa iba pang mga salin.
4. Isa pang anak na isinilang kay David sa Jerusalem.—2Sa 5:16; 1Cr 3:8; 14:7.
5. Isang saserdote noong mga araw ni Haring Jehosapat na ‘patuloy na lumilibot sa lahat ng lunsod ng Juda at nagtuturo sa mga tao,’ kasama ng iba pang mga Levita at mga prinsipe.—2Cr 17:1, 7-9.
6. Isang kalihim sa korte ni Haring Jehoiakim.—Jer 36:12, 20, 21.
7. Lolo ni Ismael na pumaslang sa Judiong gobernador na si Gedalias.—2Ha 25:25; Jer 41:1-3.