Elul
Ang pangalan ng ika-6 na buwang lunar ng mga Judio sa kanilang sagradong kalendaryo pagkaraan ng pagkatapon, ngunit ika-12 buwan naman sa sekular na kalendaryo, anupat katumbas ito ng huling bahagi ng Agosto at unang bahagi ng Setyembre. Hindi tiyak kung ano ang kahulugan ng pangalang ito.
Sa huling buwan na ito ng tag-araw, hinog na ang mga datiles, gayundin ang pangunahing mga bunga ng mga igos. Isinasagawa na ang pangkalahatang pag-aani ng ubas, at pagsapit ng katapusan ng buwan, mayroon nang saganang bagong alak.—Lev 26:5; Bil 13:23; Jer 8:13.
Buwan ng Elul nang matapos ni Nehemias ang 52-araw na proyekto ng muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. (Ne 6:15) Sa iba pang mga pagtukoy ng Kasulatan, binabanggit lamang ang buwan ng Elul bilang ang ikaanim na buwan.—1Cr 27:9; Eze 8:1; Hag 1:1, 15.
Ipinakikita ng mga talahanayang ginawa nina Parker at Dubberstein, sa Babylonian Chronology, 626 B.C.–A.D. 75 (1971, p. 27-47), na ang buwan ng
Elul ay paminsan-minsang ginagamit ng mga Babilonyo bilang isang buwang intercalary [isinisingit] kasama ng buwan ng Adar.