En-dor
[posible, Bukal ng Salinlahi].
Isang kapatagang lunsod na nasa teritoryo ng Isacar ngunit iniatas sa Manases. Ang mga Canaanita roon ay hindi lubusang naitaboy ngunit isinailalim sa puwersahang pagtatrabaho. (Jos 17:11-13) Karaniwang ipinapalagay na ang En-dor ay ang Khirbet Safsafeh (Horvat Zafzafot), na mga 11 km (7 mi) sa TS ng Nazaret.
Sa Awit 83:9, 10, ang En-dor ay iniuugnay sa tagumpay ni Jehova laban kay Sisera. Bagaman hindi ito binanggit sa ulat ng pagbabaka sa Hukom kabanata 4 at 5, maliwanag na ito’y ilang milya lamang sa T ng Bundok Tabor, kung saan bumaba ang hukbo ni Barak. (Huk 4:6, 12) Matatagpuan din ito sa kalakhang rehiyon ng Taanac at Megido at ng agusang libis ng Kison, kung saan makahimalang pinagkagulo ang mga hukbo ni Sisera. (Jos 17:11; Huk 5:19) Kaya, maliwanag na ang pagbabaka ay umabot hanggang sa En-dor. At, yamang ang salmista ay may lubos na kabatiran sa mga detalye ng kasaysayan at heograpiya, masasabi niya na sa En-dor nilipol ang marami sa mga tumakas na Canaanita.
Higit na kilala ang En-dor bilang ang lugar na pinuntahan ni Haring Saul upang sumangguni sa isang “dalubhasang espiritista” bago natalo ang Israel sa mga kamay ng mga Filisteo.—1Sa 28:7; 31:1-13.