Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Enebro

Enebro

1. [Sa Heb., berohshʹ]. Ang terminong Hebreo para sa punong ito ay binibigyan ng iba’t ibang kahulugan, gaya ng “abeto,” “sipres”; gayunman, inirerekomenda ng ilang leksikograpo ang puno ng enebro ayon sa matibay na saligan. (Tingnan ang Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina L. Koehler at W. Baumgartner, Leiden, 1958, p. 148; The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 2, p. 293.) Yamang ang punong ito ay inangkat ni Haring Solomon mula sa Lebanon (1Ha 5:8-10; 9:11; 2Cr 2:8), maaari itong iugnay sa Juniperus excelsa, isang mataas at matibay na evergreen na tumataas nang hanggang 20 m (66 na piye), may mahahabang sanga, maliliit na dahong tulad-kaliskis, at bungang maitim, maliit at bilog. Napakabango ng punong ito. Ang kahoy mula sa punong ito ng enebro ay lubhang nagugustuhan dahil sa tibay nito.

Ang Juniperus excelsa ay isang katutubo sa Lebanon at laging iniuugnay sa lupaing iyon, anupat kabilang ito sa iba pang mga punungkahoy bilang ang “kaluwalhatian ng Lebanon.” (2Ha 19:23; Isa 14:8; 37:24; 60:13) Tinukoy ng salmista ang mga puno ng enebro bilang ang “bahay,” o dakong pinamumugaran, ng mga siguana. (Aw 104:17) Ang kahoy ng enebro ay malawakang ginamit sa templong itinayo ni Solomon. (2Cr 3:5) Ang mga pohas ng pangunahing mga pinto ay gawa sa kahoy ng enebro (1Ha 6:34), at ang sahig ay kinalupkupan nito. (1Ha 6:15) Sa ibang mga talata ay tinukoy na ginamit ito bilang mga tahilan (Sol 1:17), mga tabla para sa mga barko (Eze 27:5), mga tagdan ng sibat (Na 2:3), at mga panugtog (2Sa 6:5). Bilang isang mayabong na punungkahoy, ginamit ito sa mga hula ng pagsasauli upang ilarawan ang kagandahan at mabungang katabaan na pasasapitin sa lupain ng bayan ng Diyos.​—Isa 41:19; 55:13; 60:13.

2. [Sa Heb., ʽaroh·ʽerʹʽar·ʽarʹ]. Ang salitang Arabe na ʽarʽar ay tumutulong upang matukoy ang punong ito na malamang ay ang Juniperus phoenicia, isang tulad-palumpong na puno na matatagpuan sa rehiyon ng Sinai at gayundin sa lugar ng Disyerto ng Edom. Ang salitang-ugat sa Hebreo na mula rito hinalaw ang pangalan ng punungkahoy ay may ideya ng “kahubaran” o “sinamsaman” (ihambing ang Aw 102:17), at ang bansot na enebrong ito ay inilalarawan naman na may mapanglaw na hitsura, anupat tumutubo sa mababatong lugar ng disyerto at sa malalaking bato. Angkop na ginamit ito sa aklat ng Jeremias nang ihambing ang lalaki na may pusong tumatalikod kay Jehova sa “punong nag-iisa [ʽar·ʽarʹ] sa disyertong kapatagan,” at gayundin sa pagbababala sa mga Moabita na tumakas sila at maging “gaya ng puno ng enebro [ka·ʽaroh·ʽerʹ] sa ilang.”​—Jer 17:5, 6; 48:1, 6 (gayunman, tingnan ang tlb sa Rbi8⁠).