Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Erasto

Erasto

[Minamahal; Maganda].

1. Isang Kristiyano na naglingkod kay Pablo noong ikatlong paglalakbay nito bilang misyonero at siyang isinugo ni Pablo mula sa Asia patungo sa Macedonia kasama ni Timoteo. (Gaw 19:22) Malamang na siya ang Erasto na nanatili sa Corinto nang panahong isulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham kay Timoteo.​—2Ti 4:20.

2. Ang katiwala ng lunsod ng Corinto na ang mga pagbati ay inilakip ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma. (Ro 16:23) Sa paghuhukay sa Corinto noong 1929, natuklasan ni Propesor T. L. Shear ang isang sahig na may inskripsiyon sa Latin na kababasahan: “Si Erasto, prokurador [at] aedile, ang naglatag ng sahig na ito sa kaniyang sariling gastos.” Bagaman hindi tiyak kung ito ang Erasto na binanggit ni Pablo, ang sahig ay pinaniniwalaang naroroon na noong unang siglo C.E. Ipinapalagay ng ilan na ang katiwalang ito ng lunsod ang kasamahan ni Pablo sa paglalakbay (tingnan ang Blg. 1). Gayunman, magiging mahirap para kay Erasto na sumama kay Pablo at kasabay nito ay mag-asikaso ng kaniyang mga tungkulin bilang katiwala ng lunsod. Dahil dito, ipinapalagay niyaong mga naniniwala rito na hinawakan ni Erasto ang opisyal na posisyong iyon noong mas maagang panahon at na tinukoy lamang siya ni Pablo sa titulong iyon.