Esar-hadon
[mula sa wikang Asiryano, nangangahulugang “Si Asur ay Nagbibigay ng Isang Kapatid na Lalaki”].
Isang nakababatang anak at kahalili ni Senakerib, hari ng Asirya. Sa isa sa kaniyang mga inskripsiyon ay pinatutunayan ni Esar-hadon ang maka-Kasulatang ulat ng kamatayan ng kaniyang ama (Isa 37:37, 38), na sinasabi: “Isang matatag na determinasyon ang ‘dumating sa’ aking mga kapatid. Kinaligtaan nila ang mga diyos at bumaling sa kanilang mga gawain ng karahasan, anupat nagpakana ng kasamaan. . . . Upang matamo ang pagkahari ay pinaslang nila si Senakerib, na kanilang ama.”—Ancient Records of Assyria and Babylonia, ni D. Luckenbill, 1927, Tomo II, p. 200, 201.
Sinabi ni Esar-hadon na, bago pa namatay ang kaniyang ama ay pinili na siya bilang ang tiyak na tagapagmana, at waring naglingkod siya bilang kinatawang pinuno sa Babilonya bago naging hari ng Asirya. Pagkatapos na mapaslang ang kaniyang ama, sinabi ni Esar-hadon na tinugis niya ang mga mamamaslang hanggang sa Armenia (“lupain ng Ararat,” 2Ha 19:37), kung saan niya sila tinalo. Ang kaniyang opisyal na paghahari ay ipinapalagay na tumagal nang 12 taon.
Noong maagang bahagi ng kaniyang paghahari, sinimulan ni Esar-hadon ang muling pagtatayo ng Babilonya, na winasak ni Senakerib. Ang templong Esagila ay muling itinayo at kung tungkol sa mismong lunsod, sinabi ni Esar-hadon: “Ang Babilonya . . . ay itinayo kong muli, pinalaki ko, itinaas ko, ginawa kong maringal.”—Ancient Records of Assyria and Babylonia, Tomo II, p. 244.
Isinasalaysay sa kaniyang mga rekord ang mga operasyong militar laban sa Gimirrai o mga Cimmeriano, na pinaniniwalaang mga inapo ni Gomer. (Ihambing ang Gen 10:2; Eze 38:6.) Sinamsaman din niya ang lunsod ng Sidon, anupat nagtatag ng isang bagong lunsod sa isang kalapit na dako, na pinanganlan niyang Kar-Esarhaddon. Sa isa sa kaniyang mga inskripsiyon ay itinala niya ang mga 20 basalyong hari, kabilang na si Manases ng Juda (Menasi hari ng Yaudi).
Ipinakikita ng ulat sa 2 Cronica 33:10-13 na si Manases ay nadakip ng “mga pinuno ng hukbo ng hari ng Asirya” at dinala sa Babilonya. Noon, inisip ng ilan na ang pagtukoy na ito sa Babilonya ay isang pagkakamali, anupat ipinapalagay na ang Nineve ang lugar na pagdadalhan kay Manases. Gayunman, gaya ng naipaliwanag na, si Esar-hadon, na ipinakikita ng mga inskripsiyon na naging kapanahon ni Manases, ang muling nagtayo ng Babilonya at iniulat na siya ay “hindi kasing-interesado ng ibang mga Asiryanong hari sa pagpapaganda ng kaniyang kabisera, ang Nineve.” (The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 2, p. 125) Kung nabihag si Manases noong panahon ng paghahari ni Esar-hadon, hindi kataka-takang dinala siya sa Babilonya, na ipinaghambog ni Esar-hadon na muli niyang itinayo. Gayunman, mapapansin na tinukoy rin ng anak ni Esar-hadon na si Ashurbanipal si Manases bilang sakop noong panahon ng kaniyang paghahari.
Ang “Animnapu’t Limang Taon.” Noong panahon ng muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem, binanggit ng ilan sa di-Israelitang mga tumatahan sa lupain na dinala sila sa Samaria ni “Esar-hadon na hari ng Asirya.” (Ezr 4:2) Yamang nagpatuloy ang paglilipat ng Asirya ng mga tao patungo at mula sa Samaria hanggang noong kaniyang paghahari, itinuturing ng ilan na ito’y isang pahiwatig upang maunawaan ang yugto ng “animnapu’t limang taon” na binanggit sa Isaias 7:8 may kinalaman sa pagkatiwangwang ng Efraim (na ang kabisera ay nasa Samaria). Ang pagitan mula sa paghahari ni Tiglat-pileser III (na nagpasimula ng pagpapatapon sa mga tao mula sa hilagang kaharian ng Israel di-nagtagal pagkaraan ng hula ni Isaias) hanggang sa paghahari ni Esar-hadon ay magpapahintulot ng gayong 65-taóng yugto hanggang sa lubusang ‘pagkakadurug-durog’ ng Efraim “upang hindi na maging isang bayan.”
Sinakop ang Ehipto. Ang namumukod-tanging tagumpay ni Esar-hadon sa militar ay ang pananakop niya sa Ehipto, anupat nilupig ang hukbong Ehipsiyo sa ilalim ng Etiopeng tagapamahala na si Tirhaka (binanggit bilang ang “hari ng Etiopia” sa 2Ha 19:9) at kinuha ang lunsod ng Memfis. Sa gayon ay idinagdag ni Esar-hadon sa kaniyang maraming titulo ang “Hari ng mga hari ng Ehipto.”
Bagaman inorganisa ni Esar-hadon ang Ehipto sa mga distrito at naglagay ng Asiryanong mga gobernador na mamamahala sa mga prinsipe ng mga distritong ito, bumangon ang paghihimagsik bago matapos ang dalawang taon. Ang Asiryanong hari ay nagsagawa ng ikalawang kampanya upang sugpuin ang paghihimagsik, ngunit namatay siya sa Haran habang patungo sa Ehipto. Sa kaniyang mga inskripsiyon ay sinabi ni Esar-hadon: “Ako ay makapangyarihan, ako ang pinakamakapangyarihan sa lahat, ako ay isang bayani, ako ay dambuhala, ako ay ubod-laki.” (Ancient Records of Assyria and Babylonia, Tomo II, p. 226) Ngunit tulad ng lahat ng iba pang di-sakdal na tao, siya ay isa lamang aliping sakop ng mga haring Kasalanan at Kamatayan, na noon ay kumuha sa kaniya.—Ihambing ang Aw 146:3, 4; Ec 9:4; Ro 5:21.
Bago siya mamatay, gumawa si Esar-hadon ng mga kaayusan upang maging maayos ang pagsasalin ng trono sa pamamagitan ng pagpoproklama sa kaniyang anak na si Ashurbanipal bilang tagapagmanang prinsipe, at inatasan naman niya ang isa pang anak, si Shamash-shum-u-kin, upang maging hari ng Babilonya. Kaya nang mamatay si Esar-hadon, si Ashurbanipal ang naging monarka ng Asirya.
[Larawan sa pahina 703]
Ang Asiryanong si Haring Esar-hadon, na may malaking ginampanan upang muling panirahan ng mga banyaga ang Samaria