Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Eskriba

Eskriba

Isang kalihim o isang tagakopya ng Kasulatan; nang maglaon, tumukoy ito sa isang taong naturuan sa Kautusan. Ang salitang Hebreo na so·pherʹ, na nanggaling sa salitang-ugat na nangangahulugang “magbilang,” ay isinasalin bilang “kalihim,” “eskriba,” “tagakopya”; ang salitang Griego naman na gram·ma·teusʹ ay isinasalin bilang “eskriba” at “pangmadlang tagapagturo.” Ang terminong ito ay tumutukoy sa isa na may pinag-aralan. Ang ilang miyembro ng tribo ni Zebulon ay mga taong may “kasangkapan ng eskriba” para sa pagbilang at pagtatala ng mga hukbo. (Huk 5:14; ihambing ang 2Ha 25:19; 2Cr 26:11.) Nagkaroon din noon ng mga eskriba, o mga kalihim, para sa templo. (2Cr 34:9, 13) Ang kalihim ni Haring Jehoas ay kasama noon ng mataas na saserdote sa pagbilang sa salaping iniaabuloy at pagkatapos ay ibinibigay nila iyon sa mga nagpapasuweldo sa mga manggagawang nagkukumpuni ng templo. (2Ha 12:10-12) Si Baruc ay sumulat ng mga salitang idinikta ng propetang si Jeremias. (Jer 36:32) Sa ilalim ng pangangasiwa ni Haman, ang mga kalihim ni Haring Ahasuero ng Persia ay sumulat ng isang batas na nag-uutos na puksain ang mga Judio, at sa ilalim naman ni Mardokeo, sila rin ang sumulat ng kontra-batas na pinalabas.​—Es 3:12; 8:9.

Kadalasan, ang eskribang Ehipsiyo ay isang lalaking may mababang katayuan sa lipunan ngunit matalino. Mataas ang kaniyang pinag-aralan. Binibitbit niya ang kaniyang mga kagamitan, kabilang dito ang isang paleta na may mga uka para paglagyan ng tintang may iba’t ibang kulay, isang banga ng tubig, at isang kahita ng pinsel na tambo. Pamilyar siya sa legal at pangnegosyong mga porma na ginagamit noon. Binabayaran siya para sa pagsulat sa gayong mga porma, pagtatala ng mga salitang idinidikta, at iba pa.

Sa Babilonya, ang eskriba ay itinuturing na isang propesyonal. Kailangang-kailangan noon ang kaniyang mga serbisyo, yamang kahilingan ng batas na ang mga transaksiyon sa negosyo ay isulat, wastong lagdaan ng mga partidong nagkasundo at saksihan. Umuupo ang kalihim malapit sa pintuang-daan ng lunsod, kung saan isinasagawa ang karamihan sa mga aktibidad; taglay ang kaniyang panulat at limpak ng luwad, handa siyang magpabayad kapalit ng kaniyang serbisyo kailanma’t may nangangailangan. Ang mga eskriba ang nagtatala ng mga transaksiyon sa negosyo, sumusulat ng mga liham, naghahanda ng mga dokumento, nag-aasikaso ng mga rekord sa templo, at gumaganap ng iba pang klerikal na mga tungkulin.

Noon, ang mga eskribang Hebreo ay nagsisilbing mga notaryo publiko, naghahanda ng mga kasulatan ng diborsiyo, at nagrerekord ng iba pang mga transaksiyon. Nang dakong huli, hindi na sila humihingi ng takdang singil, kaya maaari nang makipagtawaran sa kanila nang patiuna kung magkano ang ibabayad sa kanila. Kadalasan na, isa sa mga partido sa transaksiyon ang nagbabayad sa singil, ngunit kung minsan ay pinaghahatian nila ito. Sa kaniyang pangitain, nakakita si Ezekiel ng isang lalaki na may tintero ng isang tagapagtala at gumaganap ng isang gawaing pagmamarka.​—Eze 9:3, 4.

Mga Tagakopya ng Kasulatan. Ang mga eskriba (soh·pherimʹ, “mga Soperim”) ay unang naging prominente bilang isang natatanging grupo noong mga araw ni Ezra na saserdote. Mga tagakopya sila noon ng Hebreong Kasulatan, anupat ingat na ingat sila sa kanilang gawain at takót na takót silang magkamali. Sa paglipas ng panahon, labis silang naging metikuloso, anupat binibilang pa nga nila hindi lamang ang mga salitang kinopya kundi pati ang mga titik. Kahit pagkalipas ng ilang siglo pagkaraang mabuhay si Kristo sa lupa, ang nasusulat na Hebreo ay binubuo lamang ng mga katinig, at ang pag-aalis o pagdaragdag ng isang titik ay kadalasan nang makapagpapabago sa kahulugan ng isang salita. Kaya naman kapag nakakita sila ng kahit bahagyang pagkakamali, gaya ng maling pagkakasulat ng isang titik, ang buong seksiyong iyon ng balumbon ay itinuturing na di-karapat-dapat gamitin sa sinagoga. Pagkatapos, kaagad na pinuputol ang seksiyong iyon at pinapalitan ng isang bagong seksiyon na walang mali. Binabasa nila nang malakas ang bawat salita bago ito isulat. Itinuturing na isang malubhang kasalanan ang magsulat ng kahit isang salita mula sa alaala. Gayunman, unti-unting pumasok ang kakatwang mga kaugalian. Sinasabing may-pananalanging pinupunasan ng relihiyosong mga eskriba ang kanilang panulat bago isulat ang salitang ʼElo·himʹ (Diyos) o ʼAdho·naiʹ (Soberanong Panginoon).

Ngunit sa kabila ng gayong pag-iingat na maiwasan ang di-sinasadyang mga pagkakamali, nang maglaon ay pinangahasan ng mga Soperim na gumawa ng mga pagbabago sa teksto. Sa 134 na talata, binago ng mga Soperim ang sinaunang tekstong Hebreo upang kabasahan ito ng ʼAdho·naiʹ sa halip na YHWH. Sa iba pang mga talata, ʼElo·himʹ naman ang ginamit bilang panghalili. Ginawa ng mga Soperim ang marami sa mga pagbabagong ito dahil sa pamahiing may kaugnayan sa pangalan ng Diyos at upang maiwasan ang mga anthropomorphism, samakatuwid nga, ang pag-uukol sa Diyos ng mga katangiang pantao. (Tingnan ang JEHOVA [Ikinubli ng pamahiin ang pangalan].) Nang maglaon, itinawag-pansin ng mga Masorete, na siyang naging katawagan sa mga tagakopya maraming siglo pagkatapos na mabuhay si Jesus sa lupa, ang mga pagbabagong ginawa ng naunang mga Soperim, anupat itinala nila ang mga iyon sa gilid ng mga pahina o sa dulo ng tekstong Hebreo. Ang mga panggilid na notang ito ay nakilala bilang ang Masora. Sa 15 talata sa tekstong Hebreo, may ilang titik o salita na minarkahan ng mga Soperim ng pantanging mga tuldok. May mga pagtatalo hinggil sa kahulugan ng pantanging mga tuldok na ito.

Sa pamantayang mga manuskritong Hebreo, ang Masora, samakatuwid nga, ang maliliit na sulat sa mga gilid ng pahina o sa dulo ng teksto, ay may nota sa tapat ng ilang talatang Hebreo na kababasahan: “Ito ang isa sa labingwalong Pagwawasto na ginawa ng mga Soperim,” o mga salitang kahawig nito. Maliwanag na ginawa ang ganitong mga pagwawasto dahil ang orihinal na mga talata sa tekstong Hebreo ay waring lumalapastangan sa Diyos na Jehova o walang paggalang sa kaniyang makalupang mga kinatawan. Mabuti man ang naging layunin nila, isa pa rin itong di-nararapat na pagbago sa Salita ng Diyos. Para sa talaan ng mga pagwawastong ginawa ng mga Soperim, tingnan ang apendise ng Rbi8, pahina 1569.

Ang mga Eskriba Bilang mga Guro ng Kautusan. Noong una, mga saserdote ang nagsisilbing mga eskriba. (Ezr 7:1-6) Ngunit lubhang binigyang-diin na ang bawat Judio ay kailangang magkaroon ng kaalaman sa Kautusan. Dahil dito, yaong mga nakapag-aral at nagtamo ng malawak na kaalaman ay tiningala, at nang maglaon, ang mga iskolar na ito ay bumuo ng isang independiyenteng grupo, na karamihan ay hindi saserdote. Kaya naman nang pumarito si Jesus sa lupa, ang pananalitang “mga eskriba” ay tumutukoy sa isang grupo ng mga lalaking dalubhasa sa Kautusan. Ginawa nilang kanilang propesyon ang sistematikong pag-aaral ng Kautusan at ang pagpapaliwanag nito. Maliwanag na kabilang sila sa mga guro ng Kautusan noon, yaong mga bihasa sa Kautusan. (Luc 5:17; 11:45) Karaniwan nang iniuugnay sila sa relihiyosong sekta ng mga Pariseo, sapagkat kinikilala ng grupong ito ang mga pagpapakahulugan o “mga tradisyon” ng mga eskriba na natipon sa paglipas ng panahon anupat ang mga ito ay naging isang masalimuot na kalipunan ng pagkaliliit at teknikal na mga tuntunin. Sa Kasulatan, ang pananalitang ‘mga eskriba ng mga Pariseo’ ay lumilitaw nang ilang ulit. (Mar 2:16; Luc 5:30; Gaw 23:9) Maaaring ipinahihiwatig nito na ang ilang eskriba ay mga Saduceo, na naniniwala lamang sa nasusulat na Kautusan. Buong-sigasig na ipinagtanggol ng mga eskriba ng mga Pariseo ang Kautusan, ngunit kasabay nito ay itinaguyod din nila ang natipong mga tradisyon; sa katunayan, mas malawak ang naging impluwensiya nila sa kaisipan ng mga tao kaysa sa impluwensiya ng mga saserdote. Karaniwan na noon, ang mga eskriba ay nasa Jerusalem, bagaman masusumpungan din sila sa buong Palestina at sa iba pang mga lupain sa gitna ng mga Judiong nasa Pangangalat.​—Mat 15:1; Mar 3:22; ihambing ang Luc 5:17.

Noon, ang mga eskriba ay tinitingala ng mga tao at tinatawag na “Rabbi” (sa Gr., rhab·beiʹ, “Aking kadakilaan; Aking kamahalan”; mula sa Heb., rav, nangangahulugang “marami,” “dakila”; isang titulo ng paggalang para sa mga guro). Ikinapit kay Kristo ang terminong ito sa ilang dako sa Kasulatan. Sa Juan 1:38, isinasalin ito bilang “Guro.” Totoo naman, si Jesus ang guro ng kaniyang mga apostol, ngunit sa Mateo 23:8, inutusan niya sila na huwag nasain ang katawagang ito o ikapit ito sa kanilang sarili bilang isang titulo, gaya ng ginagawa ng mga eskriba. (Mat 23:2, 6, 7) Mariing hinatulan ni Jesus ang mga eskriba ng mga Judio at pati ang mga Pariseo sapagkat dinagdagan nila ang Kautusan at lumikha sila ng mga paraan upang malusutan ang pagsunod sa Kautusan, kung kaya sinabi niya sa kanila: “Pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.” Bumanggit siya ng isang halimbawa nito: Pahihintulutan nilang makalibre ang isang tao sa obligasyong tumulong sa kaniyang ama o ina​—basta igiit lamang niya na ang bagay o pag-aari na maaari sana niyang gamitin sa pagtulong sa kaniyang mga magulang ay isang kaloob na inialay sa Diyos.​—Mat 15:1-9; Mar 7:10-13; tingnan ang KORBAN.

Ipinahayag ni Jesus na ang mga eskriba, tulad ng mga Pariseo, ay nagdagdag ng maraming bagay, anupat ginawa nilang pabigat sa mga tao ang pagsunod sa Kautusan at lubha nilang pinahirapan ang mga tao. Karagdagan pa, bilang isang grupo, wala silang tunay na pag-ibig sa mga tao ni nais man nilang tulungan ang mga ito, anupat ayaw man lamang nilang gumamit ng isang daliri upang mapagaan ang pasanin ng mga tao. Gustung-gusto nilang purihin sila ng mga tao at tawagin sila sa matatayog na titulo. Ang kanilang relihiyon ay isa lamang balatkayo, isang ritwal, at sila ay mga mapagpaimbabaw. Ipinakita ni Jesus kung gaano kahirap para sa kanila ang makatanggap ng lingap ng Diyos dahil sa kanilang saloobin at mga gawain, sa pagsasabi sa kanila: “Mga serpiyente, supling ng mga ulupong, paano kayo makatatakas mula sa kahatulan ng Gehenna?” (Mat 23:1-33) Mabigat ang pananagutan ng mga eskriba yamang alam nila ang Kautusan. Gayunma’y inalis nila ang susi ng kaalaman. Hindi sila nakontento na hindi kilalanin si Jesus, na pinatototohanan ng kanilang mga kopya ng Kasulatan, kundi pinalubha pa nila ang kanilang pagkakasala sa pamamagitan ng puspusang paghadlang sa sinuman upang hindi nito makilala si Jesus, oo, upang huwag itong makinig sa kaniya.​—Luc 11:52; Mat 23:13; Ju 5:39; 1Te 2:14-16.

Sa kanilang katungkulan, ang mga eskriba, bilang “mga rabbi,” ay hindi lamang responsable sa teoretikong pag-unlad ng Kautusan at sa pagtuturo ng Kautusan, kundi mayroon din silang hudisyal na awtoridad, anupat nagbababa sila ng hatol sa mga hukuman ng katarungan. May mga eskriba noon sa mataas na hukumang Judio, ang Sanedrin. (Mat 26:57; Mar 15:1) Hindi sila dapat tumanggap ng bayad para sa paghatol, dahil ipinagbawal ng Kautusan ang pagreregalo o panunuhol. Maaaring may minanang kayamanan ang ilang rabbi; halos lahat ay may hanapbuhay, na kanila namang ipinagmamalaki, yamang kaya nilang suportahan ang kanilang sarili nang bukod sa kanilang rabinikong katungkulan. Bagaman hindi sila wastong makatatanggap ng anuman para sa kanilang gawain bilang mga hukom, maaaring sila ay umasa at tumanggap ng bayad para sa pagtuturo ng Kautusan. Mahihiwatigan ito sa mga salita ni Jesus nang babalaan niya ang mga pulutong tungkol sa kasakiman ng mga eskriba, gayundin nang tukuyin niya ang taong upahan na hindi nagmamalasakit sa mga tupa. (Mar 12:37-40; Ju 10:12, 13) Binabalaan ni Pedro ang Kristiyanong mga pastol laban sa paggamit sa kanilang mga posisyon upang magtamo ng pakinabang.​—1Pe 5:2, 3.

Mga Tagakopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa liham ng apostol na si Pablo sa mga taga-Colosas, iniutos niya na basahin din ang liham na iyon sa kongregasyon ng mga taga-Laodicea at yaon namang liham sa mga taga-Laodicea ay basahin din sa mga taga-Colosas. (Col 4:16) Walang alinlangang nais ng lahat ng kongregasyon na basahin ang lahat ng pangkongregasyong mga liham ng mga apostol at ng kanilang mga kapuwa miyembro ng Kristiyanong lupong tagapamahala, kung kaya naman may ginawang mga kopya upang mapagsanggunian sa bandang huli at upang maipamahagi nang mas malawakan. Ang sinaunang mga koleksiyon ng mga liham ni Pablo (mga kopya ng mga orihinal) ay katibayan na ang mga ito ay malawakang kinopya at ipinamahagi noon.

Ayon sa tagapagsalin ng Bibliya na si Jerome na nabuhay noong ikaapat na siglo at kay Origen na nabuhay noong ikatlong siglo C.E., isinulat ni Mateo ang kaniyang Ebanghelyo sa wikang Hebreo. Pangunahin niya itong ipinatungkol sa mga Judio. Ngunit maraming Helenisadong Judio sa gitna niyaong mga nasa Pangangalat; kaya maaaring si Mateo mismo ang nagsalin ng kaniyang Ebanghelyo tungo sa Griego nang bandang huli. Isinulat naman ni Marcos ang kaniyang Ebanghelyo pangunahin nang para sa mga mambabasang Gentil, gaya ng ipinahihiwatig ng pagpapaliwanag niya ng mga kaugalian at mga turo ng mga Judio, ng pagsasalin niya ng partikular na mga pananalita na hindi maiintindihan ng mga mambabasang Romano, at ng iba pang mga paliwanag. Ang mga ebanghelyo nina Mateo at Marcos ay kapuwa nilayong ipamahagi nang malawakan, at dahil dito, maraming kopya ang kinailangang gawin at ipamahagi.

Ang mga tagakopyang Kristiyano ay kadalasan nang hindi mga dalubhasa sa gawaing ito, ngunit yamang sila ay may paggalang at mataas na pagtingin sa kahalagahan ng kinasihang mga kasulatang Kristiyano, maingat nilang kinopya ang mga ito. Ang isang mahusay na halimbawa ng gawa ng sinaunang mga tagakopyang Kristiyano ay ang pinakamatandang umiiral na piraso ng alinmang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Papyrus Rylands No. 457. May sulat ito sa magkabilang panig anupat binubuo lamang ng mga 100 titik sa wikang Griego at tinakdaan ng petsa na sing-aga ng unang kalahatian ng ikalawang siglo C.E. (LARAWAN, Tomo 1, p. 323) Bagaman di-gaanong pormal ang pagkakagawa nito at hindi naman nito inaangkin na naisulat ito nang napakahusay, maingat ang pagkakasulat nito. Kawili-wiling malaman na ang pirasong ito ay nanggaling sa isang codex na malamang ay naglalaman noon ng buong Ebanghelyo ni Juan, o ng mga 66 na pahina, anupat mga 132 pahina sa kabuuan.

Mas marami pang patotoo ang matatagpuan, ngunit sa mas huling mga petsa, sa Chester Beatty Biblical Papyri. Binubuo ang mga ito ng mga bahagi mula sa 11 Griegong codex, na ginawa sa pagitan ng ikalawa at ikaapat na siglo C.E. Naglalaman ang mga ito ng ilang bahagi ng 9 na Hebreong aklat at 15 Kristiyanong aklat ng Bibliya. Ang mga ito ay napakahusay na halimbawa ng pagkopya ng Kasulatan sapagkat masusumpungan sa mga ito ang sari-saring istilo ng pagsulat. Ang isa sa mga codex ay sinasabing “gawa ng isang mahusay at propesyonal na eskriba.” Sinasabi naman tungkol sa isa pang codex: “Tumpak na tumpak ang pagkakasulat, at bagaman hindi nag-aangking sulat ng isang kaligrapo, gawa ito ng isang may-kakayahang eskriba.” At tungkol sa isa pa, “Ang sulat-kamay nito ay hindi pino, ngunit sa pangkalahatan ay tumpak.”​—The Chester Beatty Biblical Papyri: Descriptions and Texts of Twelve Manuscripts on Papyrus of the Greek Bible, ni Frederic Kenyon, London, 1933, Fasciculus I, General Introduction, p. 14; 1933, Fasciculus II, The Gospels and Acts, Text, p. ix; 1936, Fasciculus III, Revelation, Preface.

Gayunman, higit na mahalaga kaysa sa mga katangiang ito ang paksang nilalaman ng mga ito. Sa kalakhang bahagi, pinagtitibay ng mga ito ang ikaapat-na-siglong mga manuskritong vellum na tinaguriang “Neutrals,” na itinuturing na napakahalaga ng mga iskolar sa teksto na sina Westcott at Hort; kabilang sa mga ito ang Vatican No. 1209 at ang Sinaiticus. Karagdagan pa, wala sa mga ito ang kapansin-pansing mga interpolasyon na matatagpuan sa ilang manuskritong vellum na tinagurian, bagaman marahil ay nagkamali lamang, bilang “Western.”

Sa ngayon ay may umiiral na libu-libong manuskrito partikular na mula noong ikaapat na siglo C.E. patuloy. Ang pagiging labis na maingat ng mga tagakopya ay napansin ng mga iskolar matapos nilang maingat na pag-aralan at paghambing-hambingin ang mga manuskritong ito. Ang ilan sa mga iskolar na ito ay gumawa ng mga mapanuring rebisyon o mga koleksiyon batay sa mga paghahambing na ito. Ang mga mapanuring rebisyong ito ang naging saligang teksto para sa ating makabagong mga salin. Sinasabi ng mga iskolar na sina Westcott at Hort na “ang bilang ng sa paanuman ay matatawag na malaking pagkakaiba ay maliit na bahagi lamang ng kabuuan ng kati-katiting na mga pagkakaiba, at hindi pa hihigit sa ikasanlibong bahagi ng buong teksto.” (The New Testament in the Original Greek, Graz, 1974, Tomo II, p. 2) Ganito naman ang sinabi ni Sir Frederic Kenyon tungkol sa Chester Beatty Papyri: “Ang una at pinakamahalagang konklusyong mabubuo batay sa pagsusuri sa mga ito ay ang kasiya-siyang konklusyon na pinagtitibay ng mga ito ang saligang kawastuan ng umiiral na mga teksto. Walang kapansin-pansin o malaking pagkakaiba ang makikita alinman sa Luma o sa Bagong Tipan. Walang mahahalagang talata ang inalis o idinagdag, at walang mga pagkakaiba ang nakaaapekto sa mahahalagang katotohanan o mga doktrina. Ang mga pagkakaiba-iba sa teksto ay nakaaapekto sa maliliit na bagay lamang, gaya ng pagkakasunud-sunod ng mga salita o eksaktong mga salitang ginamit.”​—Fasciculus I, General Introduction, p. 15.

Sa ilang kadahilanan, kaunti na lamang sa ngayon ang natitira sa mga gawa ng kauna-unahang mga tagakopya. Marami sa kanilang mga kopya ng Kasulatan ang nasira noong panahong pag-usigin ng Roma ang mga Kristiyano. Unti-unti namang nasira ang iba dahil sa kagagamit. Bukod diyan, ang mainit at maumidong klima sa ilang lugar ay naging dahilan din ng mabilis na pagkasira. Karagdagan pa, yamang ang ipinalit ng propesyonal na mga eskriba na nabuhay noong ikaapat na siglo C.E. sa mga manuskritong papiro ay mga kopyang vellum, waring hindi na kinailangan pang ingatan ang lumang mga kopyang papiro.

Sa kanilang pagsulat, ang tintang ginagamit noon ng mga tagakopya ay pinaghalong abo at sahing na ginagawang limpak at hinahaluan ng tubig bago gamitin. Ang panulat nila ay yari sa tangkay ng halamang tambo. Kapag pinalambot sa tubig ang dulo nito, kahawig ito ng isang pinsel. Ang sulatan noon ay katad at papiro na nasa anyong balumbon; nang maglaon, nagkaroon ng mga sulatan sa anyong codex na may mga pilyegong pinagtatahi-tahi at kadalasa’y nilalagyan ng pabalat na yari sa kahoy.