Espesya
[sa Ingles, spice].
Alinman sa sari-saring produkto ng mabangong halaman, kabilang na ang aloe, balsamo, estacte, galbano, kalamo, kanela, kasia, ladano, mira, at olibano. Bagaman binanggit sa Bibliya ang mga pampalasang gaya ng komino, yerbabuena, eneldo, at asin, ang mga salita sa orihinal na wika na isinaling “espesya” at “mga espesya” ay hindi ikinakapit sa mga panimpla sa pagkain.
Ang mga espesya ay ginamit sa paggawa ng banal na langis na pamahid at ng insenso na pantanging itinalaga para gamitin sa santuwaryo. (Exo 30:23-25, 34-37) Ginamit din ang mga ito sa paghahanda ng patay para sa paglilibing, anupat ang mira at mga aloe ay espesipikong binanggit sa kaso ni Jesus. (Ju 19:39, 40; tingnan din ang Mar 16:1; Luc 23:56; 24:1.) May kaugnayan sa libing ni Haring Asa ng Juda, nagkaroon ng pagkalaki-laking panlibing na pagsunog—hindi pagsusunog ng bangkay, kundi pagsusunog ng mga espesya. (2Cr 16:14) Noong sinauna, nilalagyan ng mga espesya ang mga alak upang madagdagan ang “tapang” ng mga ito.—Sol 8:2.
Maaaring ang espesya sa hardin na binanggit sa Awit ni Solomon (5:1, 13; 6:2) ay tumutukoy sa mababangong yerba sa pangkalahatan o sa balsamo (Commiphora opobalsamum), gaya ng iminumungkahi ng ilang iskolar. Ang “espesya mula sa India” ng Apocalipsis 18:13 ay literal na “amomum,” isang aromatikong palumpong na mula sa pamilya ng mga luya.