Estorake
[sa Heb., liv·nehʹ; sa Ingles, storax].
Ang pangalan ng punong ito sa Hebreo ay nangangahulugang “puti,” at ang kaugnay na salitang Arabe na lubna ay ikinakapit sa punong estorake (Styrax officinalis). Ang estorake ay lumalaki bilang isang mataas na palumpong o maliit na puno, bihira itong lumampas sa taas na 6 na m (20 piye). Marami nito sa Sirya, kung saan gumamit si Jacob ng mga baston na mula rito (Gen 30:37), at sa buong Palestina, anupat kadalasang tumutubo sa mga tuyong gilid ng burol at mga dakong mabato, kung saan mapakikinabangan ang lilim nito. (Os 4:13) Ang hugis-biluhabang mga dahon nito, na tumutubo sa maliliit na sanga nito na mahahaba at malalambot, ay luntian sa ibabaw ngunit maputing tulad-lana sa ilalim. Ang kaakit-akit na mga bulaklak nito na puti ang mga talulot at kaayaaya ang bango ay kahawig na kahawig ng mga bulaklak ng kahel.