Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Etam

Etam

[Lugar ng mga Ibong Maninila].

1. Isang pamayanan ng mga Simeonita sa loob ng teritoryo ng Juda. (1Cr 4:24, 32) Hindi matiyak ang lokasyon nito, bagaman ipinapalagay ng ilan na ito rin ang Tell ʽEitum (Tel ʽAitun), na nasa pinakagitna ng teritoryo ng Juda na mga 44 na km (27 mi) sa K ng En-gedi at may gayunding distansiya sa TK ng Jerusalem.

2. Ang malaking batong Etam, kung saan tumira si Samson pagkatapos niyang sunugin ang mga bukid ng mga Filisteo. Mula sa malaking batong ito ay kinuha siya ng 3,000 lalaki ng Juda, kusa siyang nagpagapos, at ibinigay nila siya sa mga Filisteo. (Huk 15:8-13) Bagaman hindi matukoy ang lokasyon ng malaking batong Etam, may posibilidad na nauugnay ito sa isang bayan (Blg. 3). Gayunman, 4 na km (2.5 mi) lamang sa STS ng iminumungkahing lokasyon ng sariling bayan ni Samson na Zora (Huk 13:2) ay matatagpuan ang ʽAraq Ismaʽin, isang nakabukod na malaking bato na may mataas na yungib na doon ay matatanaw sa ibaba ang Sepela. Dahil angkop sa nabanggit na kahulugan ng pangalang ito, posibleng iyon ang lokasyon ng malaking batong Etam.

3. Isang bayan ng Juda na malamang na nasa Khirbet el-Khokh, sa isang burol na mga 2.5 km (1.5 mi) sa TK ng Betlehem. Lumilitaw na ang Etam at Betlehem ay pinamayanan ng malalapít na magkakamag-anak. (1Cr 4:3, 4; tingnan ang ATROT-BET-JOAB.) Ayon kay Josephus, tuwing umaga ay madalas lakbayin ni Haring Solomon sakay ng isang karo mula sa Jerusalem ang 13 km (8 mi) patungong Etan (Etam), kung saan may mga hardin at mga ilog. (Jewish Antiquities, VIII, 186 [vii, 3]) Ang Etam ay muling itinayo at pinatibay ng kahalili ni Solomon na si Rehoboam. (2Cr 11:5, 6) Ayon sa Talmud, konektado ang Jerusalem sa isang bukal sa dakong K ng Etam sa pamamagitan ng isang paagusan.​—Babilonyong Talmud, Yoma 31a; Palestinong Talmud (Talmud ng Jerusalem), Yoma 41a.