Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Etanim

Etanim

[malamang, [mga Batis na] Namamalagi; [Mga Batis na] Umaagos Nang Walang Tigil].

Ito ang ikapitong buwang lunar sa sagradong kalendaryo ng mga Israelita, ngunit ang unang buwan naman sa sekular na kalendaryo. (1Ha 8:2) Katumbas ito ng huling bahagi ng Setyembre at unang bahagi ng Oktubre. Pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya ay tinawag itong Tisri, isang pangalan na hindi lumilitaw sa rekord ng Bibliya ngunit masusumpungan naman sa mga akdang isinulat pagkaraan ng pagkatapon.

May kinalaman sa kapistahan na nagsisimula sa ika-15 araw ng buwang ito (o humigit-kumulang sa unang bahagi ng Oktubre), ganito ang isinulat ng istoryador na si Josephus: “Sa ikalabinlima ng buwan ding ito, kapag sumasapit na ang taglamig, tinatagubilinan ni Moises ang bawat pamilya na ayusin ang kanilang mga tolda, palibhasa’y nangangamba sa lamig at bilang proteksiyon din laban sa sama ng panahon sa taóng iyon.”​—Jewish Antiquities, III, 244 (x, 4).

Pasimula ng Taóng Agrikultural. Pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto, bagaman Abib (o Nisan) ang naging unang buwan ng taon sa sagradong kalendaryo ng mga Judio, patuloy na itinuring ang Etanim bilang ang unang buwan sa diwang sekular o agrikultural. Sa buwang ito, halos tapos na ang lahat ng pag-aani, anupat nagsisilbi itong palatandaan ng katapusan ng taóng agrikultural. Ang maagang mga pag-ulan na kasunod nito ang nagpapalambot sa lupa para sa susunod na pagsasaka na nagpapahiwatig ng pagpapasimula ng panibagong mga gawaing agrikultural. Tinukoy ni Jehova ang Etanim bilang ang pagpihit ng taon nang tukuyin niya ang kapistahan ng pagtitipon ng ani na nagaganap “sa pagtatapos ng taon” at “sa pagpihit ng taon.” (Exo 23:16; 34:22) Kapansin-pansin din na sa buwang ito ng Etanim nagsisimula ang taon ng Jubileo at hindi sa buwan ng Abib.​—Lev 25:8-12.

Ang pangalang ikinapit nang maglaon sa buwang ito, ang Tisri, ay nangangahulugang “Pasimula ng Taon,” at ang Tisri 1 ay ipinangingilin pa rin ng mga Judio bilang ang kanilang Araw ng Bagong Taon o Rosh Hashanah (“Ulo ng Taon”).

Buwan ng Kapistahan. Ang Etanim ay buwan din ng mga kapistahan. Ang unang araw ay ang “araw ng pagpapatunog ng trumpeta.” (Lev 23:24; Bil 29:1) Yamang ang bawat bagong buwan [new moon] ay karaniwan nang ipinapatalastas sa pamamagitan ng tunog ng trumpeta, malamang na may karagdagan o mas mahabang pagpapatunog ng trumpeta sa araw na ito. (Bil 10:10) Sa ika-10 ng Etanim ipinangingilin noon ang taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. (Lev 16:29, 30; 23:27; Bil 29:7) Mula ika-15 hanggang ika-21 ay nagaganap naman ang Kapistahan ng mga Kubol, o Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani, na sinusundan ng kapita-pitagang kapulungan sa ika-22 araw. (Lev 23:34-36) Sa gayon, malaking bahagi ng buwan ng Etanim ang saklaw ng mga kapanahunang ito ng kapistahan.

Mga Pangyayaring Naganap sa Etanim. Yamang naghaharap ng kronolohikal na datos ang Bibliya, mula sa unang aklat nito at patuloy, at yamang ang mga taon ng buhay ay unang binanggit may kaugnayan sa buhay ni Adan, ang sinaunang paggamit sa buwang tinatawag na Etanim bilang panimulang buwan ng taon ay waring nagbibigay ng saligan upang paniwalaang nagsimula ang buhay ni Adan sa buwang ito. (Gen 5:1-5) Unang araw noon ng unang buwan (tinawag nang maglaon bilang Etanim) nang alisin ni Noe ang pantakip ng arka, pagkatapos gumugol ng mahigit sa sampung buwan sa loob ng arka, at mapansin niyang natuyo na ang tubig-baha sa lupa. (Gen 8:13) Pagkaraan ng mahigit sa 1,300 taon, pinasinayaan ni Solomon ang natapos nang templo sa Jerusalem noong Etanim. (1Ha 8:2; 2Cr 5:3) Pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., ang pagpatay kay Gobernador Gedalias at ang sumunod na pagtakas patungong Ehipto ng nalalabing mga Israelita noong buwan ng Etanim ang nagsilbing palatandaan ng lubusang pagkatiwangwang ng Juda. (2Ha 25:25, 26; Jer 41:1, 2) Kabilang ang mga pangyayaring ito sa mga dahilan ng “pag-aayuno sa ikapitong buwan” na binanggit sa Zacarias 8:19. Pagkaraan ng pitumpung taon, nang buwan ding ito, ang pinalayang mga tapong Israelita ay bumalik mula sa Babilonya upang pasimulan ang muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem.​—Ezr 3:1, 6.

May katibayan ding nagpapahiwatig na ang kapanganakan ni Jesus, gayundin ang kaniyang bautismo at ang pagpapahid sa kaniya, ay naganap sa buwang ito.​—Tingnan ang JESU-KRISTO.