Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Eufrates

Eufrates

Pinakamahaba at pinakamahalagang ilog sa TK Asia. Tinatawag itong Firat Nehri sa wikang Turko, isang pangalang kahawig ng Hebreong Perathʹ at ng Matandang Persianong Ufratu. Una itong binanggit sa Genesis 2:14 bilang isa sa apat na ilog na dating nagmumula sa Eden.

Hangganan ng Teritoryong Iniatas sa Israel. Nakipagtipan ang Diyos kay Abraham na ibibigay niya sa binhi ni Abraham ang lupaing “mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, na ilog ng Eufrates.” (Gen 15:18) Ang pangakong ito’y inulit sa bansang Israel. (Exo 23:31; Deu 1:7, 8; 11:24; Jos 1:4) Sinasabi ng 1 Cronica 5:9 na noong panahon bago maghari si David, may mga inapo si Ruben na nanirahan “hanggang sa pasukan patungo sa ilang sa ilog ng Eufrates.” Gayunman, ang Eufrates ay may layo na mga 800 km (500 mi), kung ang isa’y naglalakbay sa “silangan ng Gilead.” (1Cr 5:10) Kaya, maaaring ang pananalitang ito’y nangangahulugan lamang na pinalawak ng mga Rubenita ang kanilang teritoryo sa S ng Gilead hanggang sa bukana ng Disyerto ng Sirya, at ang disyertong ito naman ay umaabot hanggang sa Eufrates. (Ang RS ay nagsasabing “hanggang sa pasukan ng disyerto sa panig na ito ng Eufrates”; ang JB naman ay “hanggang sa pasimula ng disyerto na nagwawakas sa ilog ng Eufrates.”) Samakatuwid, lumilitaw na ang pangako ni Jehova ay unang natupad nang lubusan noong panahon ng mga paghahari nina David at Solomon. Nang panahong iyon, lumawak ang teritoryo ng Israel at nasakop nito ang Arameanong kaharian ng Zoba at sa gayo’y umabot ito sa mga pampang ng Eufrates, maliwanag na sa bahaging bumabagtas sa hilagang Sirya. (2Sa 8:3; 1Ha 4:21; 1Cr 18:3-8; 2Cr 9:26) Dahil sa pagiging prominente ng Eufrates, kadalasa’y tinutukoy lamang ito bilang “Ilog.”​—Jos 24:2, 15; Aw 72:8.

Ang mga Pinagmumulan at Landas Nito. Ang Eufrates, na mga 2,700 km (1,700 mi) ang haba, ay may dalawang pangunahing pinagmumulan. Ang isa, na tinatawag na Kara Su, ay nagmumula sa HS Turkey na mga 100 km (60 mi) mula sa TS bahagi ng Dagat na Itim. Ang isa naman, ang Murat Nehri, ay nagmumula sa pagitan ng Lawa ng Van at ng Bundok Ararat sa bandang gitna. Matatagpuan rin sa bandang gitna sa pagitan ng mga ilog ng Kara Su at Murat Nehri ang libis ng Ilog Araks, na ipinapalagay ng ilan na kaugnay ng Ilog Gihon sa Genesis 2:13. Ang Kara Su at ang Murat Nehri ay halos magkahilerang umaagos nang pakanluran at nagsasanib malapit sa lunsod ng Keban, sa taas na mga 610 m (2,000 piye) mula sa kapantayan ng dagat.

Ang nagsanib na mga ilog na ito ang nagiging Eufrates. Mula sa katubigan ng Murat Nehri, pagkatapos bumagtas nang mga 640 km (400 mi) sa bulubunduking kalupaan, ang Eufrates ay umaagos patimog sa distansiyang mga 480 km (300 mi). Sa pagkakataong ito’y napuputol ang agos ng ilog dahil sa mga talon at mga batuhan, hanggang sa tuluyan itong lumabas sa kapatagan ng Sirya malapit sa lokasyon ng sinaunang Carkemis.

Tawiran sa Carkemis. Ang Carkemis ay nasa estratehikong posisyon malapit sa pangunahing tawiran na ginagamit ng mga hukbo o mga pulutong na tumatawid mula H Mesopotamia patungong H Sirya. Ito’y isang pangunahing tanggulang lunsod na nakontrol ng Asirya nang maglaon. (Isa 10:5-9) Sinakop ni Paraon Necoh ang lunsod ng Carkemis noong mga 629 B.C.E., anupat nakipagbaka siya sa hukbo ni Josias sa Megido at napatay niya ang Judeanong haring ito habang papunta siya sa lunsod. (2Ha 23:29; 2Cr 35:20-24) Pagkaraan ng mga tatlo o apat na taon (625 B.C.E.), tinawid ng mga hukbo ni Nabucodonosor ang Eufrates at tinalo nila ang mga Ehipsiyo sa Carkemis. Dito nagsimulang humina ang pamumuno ng Ehipto sa Sirya at Palestina.​—Jer 46:2, 6, 10; 2Ha 24:7.

Mula sa Carkemis hanggang sa Gulpo ng Persia. Ang Eufrates sa tabi ng Carkemis ay mga 160 km (100 mi) lamang mula sa Dagat Mediteraneo. Gayunman, pagkalagpas dito ang ilog ay lumiliko nang patimog-silangan tungo sa Gulpo ng Persia, na mahigit 1,100 km (680 mi) ang layo. Ang “gitnang” seksiyon ng Eufrates mula sa Carkemis ay nakararating pababa sa lunsod ng Hit, sa rehiyon ng mga hukay ng bitumen, anupat lumalakas ang agos nito dahil sa tubig ng mga ilog ng Balikh at ng Khabur. Sa ibaba ng Hit, ang ilog ay dumaraan sa matabang kapatagan ng Mesopotamia, at mga 80 km (50 mi) sa ibaba ng Hit, sa kapaligiran ng Baghdad, mga 40 km (25 mi) na lamang ang distansiya nito sa Ilog Tigris. Sa ibabang seksiyong ito ng Eufrates, ang ilog ay nangangalat at umaagos sa malalawak na latian at mga gumuhong kanal, at ang agos nito ay bumabagal.

Sa wakas, ang Eufrates at ang Tigris ay nagsasanib malapit sa Basra, at mula rito hanggang sa Gulpo ng Persia, iyon ay tinatawag na Shatt-al-Arab. Ayon kay Pliny at sa iba pang mga sinaunang istoryador, noong una ang Eufrates ay lumalabas patungo sa dagat nang hiwalay sa Tigris. (Natural History, VI, XXVI, 128-131) Karaniwang ipinapalagay na ang banlik na naiiwan ng dalawang ilog ang naging rehiyong delta sa bukana ng Gulpo ng Persia at na ang orihinal na baybayin ng gulpo ay nasa mas gawing H pa, marahil ay malapit sa sinaunang lunsod ng Ur ng mga Caldeo, ang bayang pinagmulan ni Abraham.

Pinakamababa ang tubig ng Eufrates kapag Setyembre, pagkatapos ay unti-unti itong tumataas hanggang Mayo, kung kailan umaabot ito sa karaniwang taas nito. Dahil sa pagkatunaw ng niyebe, nagkakaroon ng mga baha kapag tagsibol. Tiyak na ang taunang pag-apaw ng Eufrates at ng Tigris ang dahilan kung bakit inilarawan ni Isaias ang Babilonia bilang “ilang ng dagat.” (Isa 21:1, 2) Noong sinaunang mga panahon, ang pagbahang ito ay kinokontrol sa pamamagitan ng mga dike at mga paagusan na naglilihis sa tubig patungo sa mga kanal na pang-irigasyon at sa mga tipunan ng tubig. Ang mga kanal na ito’y nagsilbing isang sistema ng irigasyon sa pagitan ng Eufrates at ng Tigris, anupat tumutulong upang maging produktibo ang kalakhang bahagi ng ibabang Babilonia. Ngunit sa paglipas ng mga siglo, nagbara ang karamihan sa mga kanal, at humina nang humina ang agrikultura roon. Unti-unti ring sinira ng asing iniiwan ng patubig ang dating matabang libis.

Mga Pangunahing Lunsod. Matatagpuan sa mga pampang ng Eufrates ang maraming sinaunang lunsod, gaya ng Ur, Erec, Kis, at Babilonya. Lumilitaw na ang ilog ay umusod sa gawing K anupat ang karamihan sa sinaunang mga lugar ay ilang milya na ngayon ang layo sa dakong S nito.

Ang dakilang lunsod ng Babilonya ay itinayo sa magkabilang panig ng Eufrates, at ang tubig ng ilog ay nagsilbing isang malapad at malalim na bambang sa palibot ng lunsod at isang sistema ng mga kanal sa loob ng mga pader nito. Nang bumagsak ang Babilonya noong 539 B.C.E., inilihis ni Ciro ang tubig ng Eufrates upang ang kaniyang mga hukbo ay makalakad sa pinakasahig ng ilog papasók sa walang kamalay-malay na lunsod. Sa gayon ay ‘natuyo’ ang tubig ng Eufrates. (Isa 44:27, 28; 45:1) Sa makasagisag na paraan, inihulang gayundin ang mangyayari sa “malaking ilog ng Eufrates” kapag ibinuhos dito ang “mangkok” ng ikaanim na anghel, gaya ng inilalarawan sa Apocalipsis 16:12. Inilarawan naman ng sumunod na kabanata ang pagkapuksa ng makasagisag na “Babilonyang Dakila,” na sinasabing “nakaupo sa maraming tubig.” Ang mga tubig na ito’y kumakatawan sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.”​—Apo 17:1, 5, 15-18.

Isang Hanggahan; Pinuntahan ni Jeremias. Ang Ilog Eufrates ay nagsilbing hilagang hanggahan ng rehiyon ng Palestina at Sirya, na pinag-agawan ng Ehipto at Babilonya. Noong panahon ng Imperyo ng Persia, nagsilbi itong partisyon ng Silangan at ng Kanluran, gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “sa kabilang ibayo ng Ilog.” (Ezr 4:10, 11; 5:3; 6:6; Ne 2:7) Nang maglaon, ang Eufrates ay naging silangang hangganan din ng Imperyo ng Roma.

Ang teksto sa Jeremias 13:1-7 ay naging paksa ng ilang talakayan. Ito’y dahil ang paglalakbay ni Jeremias mula Jerusalem hanggang ilog ng Eufrates, kahit hanggang doon lamang sa dakong T ng Carkemis, ay mahigit nang 500 km (300 mi) papunta pa lamang, at ayon sa teksto, posibleng dalawang beses siyang naglakbay (bagaman hindi sinabi kung gaano katagal ang pagitan ng mga ito). Sa salin ng Jewish Publication Society, tinumbasan lamang ng transliterasyong “Perath” ang salitang Hebreo na Perathʹ at may mga nagmumungkahi na ang tinutukoy nito ay hindi ang Eufrates kundi ang bayan ng Para (Jos 18:23), na malapit sa Anatot, ilang milya lamang mula sa Jerusalem. Gayunman, ang apat na beses na pag-ulit sa pangalang Perathʹ (Eufrates) sa ulat na ito ay maliwanag na nagpapakitang ang binanggit na lugar ay may mahalagang kaugnayan sa makahulang dula, samantalang ang di-kilalang nayon ng Para ay waring wala namang partikular na kaugnayan doon. Bagaman sinasabi ng ilan na ang salitang Hebreo na na·harʹ (ilog) ay hindi ginamit sa tekstong ito kasama ng Perathʹ, mapapansin na wala rin ito sa Jeremias 51:63, gayunma’y maliwanag na ang Ilog Eufrates ang tinutukoy roon. Dahil dito, waring walang matibay na dahilan upang ipalagay na may iba pang tinutukoy ang ulat sa Jeremias 13:1-7 maliban sa Ilog Eufrates.

Posibleng itinago ni Jeremias ang sinturon doon sa bahagi ng Eufrates na tinawid ng mga hukbong Babilonyo sa pangunguna ni Nabucodonosor noong lumusob sila sa Juda at Jerusalem para itiwangwang ito. Gayunpaman, tiyak na idiniriin ng paglalakbay, o posibleng ng dalawang beses na paglalakbay, ni Jeremias patungong Eufrates ang babalang mensahe ng Diyos para sa mga taong-bayan ng kaharian ng Juda na marumi sa espirituwal.​—Ihambing ang Jer 2:18, 19.