Eva
[Isa na Buháy; maliwanag na kaugnay ng pandiwang Heb. na cha·yahʹ, “mabuhay”].
Ang unang babae at ang huling iniulat sa mga gawang paglalang ng Diyos sa lupa.
Alam ng Maylalang na si Jehova na hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gayunman, bago lalangin ang babae, dinala ng Diyos sa lalaki ang iba’t ibang mga hayop sa lupa at mga lumilipad na nilalang. Pinangalanan ni Adan ang mga ito ngunit wala siyang nasumpungang magiging katulong sa mga ito. Noon pinasapitan ni Jehova si Adan ng mahimbing na tulog, kinuha ang isang tadyang sa kaniyang tagiliran, at matapos paghilumin ang laman, ang tadyang na kinuha niya sa lalaki ay ginawa niyang isang babae. Tiyak na tuwirang isiniwalat kay Adan ng Diyos na kaniyang Maylalang at Ama kung paano umiral ang babae, anupat nalugod si Adan na tanggapin ito bilang kaniyang asawa, na sinasabi: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman,” gaya nga ng nabatid niya sa pamamagitan ng kaniya mismong mga pandama. Bilang kaniyang kapupunan, tinawag ni Adan ang kaniyang asawa na ʼish·shahʹ (babae, o, sa literal, babaing tao), “sapagkat kinuha ito mula sa lalaki.” (Gen 2:18-23) Pagkatapos ay binigkas ng Diyos sa dalawa ang kaniyang makaamang pagpapala: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” Magkakaroon din sila ng kapamahalaan sa mga hayop. (Gen 1:28) Bilang gawa ng mga kamay ng Diyos, ang babae ay angkop na angkop na maging kapupunan ng kaniyang asawang si Adan at maging isang ina.
Panlilinlang at Pagsuway. Isang araw, habang wala sa piling ng kaniyang asawa, ang babae ay napasadakong malapit sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Doon, isang maingat at mababang serpiyente, na ginamit ng isang di-nakikitang espiritu bilang isang nakikitang tagapagsalita, ang nagtanong na wari’y walang nalalaman: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” Sumagot ang babae nang may katumpakan, tiyak na dahil gayon ang itinuro sa kaniya ng kaniyang ulong asawang lalaki, na kaisang-laman niya. Ngunit nang kontrahin ng serpiyente ang Diyos at sabihing ang paglabag sa utos ng Diyos ay magbubunga ng pagiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama, sinimulang tingnan ng babae ang punungkahoy sa naiibang punto de vista. Aba, “ang punungkahoy ay mabuting kainin at . . . kapana-panabik sa mga mata, oo, ang punungkahoy ay kanais-nais na tingnan.” Bukod diyan, sinabi ng serpiyente na siya’y magiging tulad ng Diyos kung kakain siya. (Ihambing ang 1Ju 2:16.) Palibhasa’y lubusang nalinlang ng serpiyente at masidhing ninanasa ang mga pagkakataong iniugnay sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga, siya’y naging isang mananalansang ng batas ng Diyos. (1Ti 2:14) Sa gayong katayuan, nilapitan niya ngayon ang kaniyang asawa at hinikayat ito na sumama sa kaniya sa pagsuway sa Diyos. Pinakinggan ni Adan ang tinig ng kaniyang asawa.—Gen 3:1-6.
Ang dagliang epekto ng kanilang pagsalansang ay pagkahiya. Kaya gumamit sila ng mga dahon ng igos upang makagawa ng mga panakip sa kanilang balakang. Kapuwa si Adan at ang kaniyang asawa ay nagtago sa pagitan ng mga punungkahoy sa hardin nang marinig nila ang tinig ni Jehova. Nang tuwirang tanungin ng Diyos ang babae kung ano ang ginawa niya, sinabi nito na kumain siya dahil nilinlang siya ng serpiyente. Sa paglalapat ng hatol sa babae, sinabi ni Jehova na daranas siya ng ibayong kirot dahil sa pagdadalang-tao at panganganak; ang kaniyang paghahangad ay magiging ukol sa kaniyang asawa, at pamumunuan siya nito.—Gen 3:7-13, 16.
Matapos nilang labagin ang batas ng Diyos, napaulat na pinanganlan ni Adan ang kaniyang asawa na Eva, “sapagkat siya ang magiging ina ng lahat ng nabubuhay.” (Gen 3:20) Bago palayasin sina Adan at Eva mula sa hardin ng Eden upang harapin ang mga paghihirap na dulot ng isinumpang lupa, pinagpakitaan sila ni Jehova ng di-sana-nararapat na kabaitan nang paglaanan niya sila ng mahahabang kasuutang balat.—Gen 3:21.
Tama ba ang sinabi ni Eva na iniluwal niya ang kaniyang anak na si Cain “sa tulong ni Jehova”?
Nang isilang ang kaniyang unang anak na si Cain sa labas ng Paraiso, ibinulalas ni Eva: “Ako ay nagluwal ng isang lalaki sa tulong ni Jehova.” (Gen 4:1) Si Eva ang unang napaulat na gumamit ng pangalan ng Diyos, na nagpapakitang alam ng kauna-unahang mga tao ang pangalang Jehova. Nang maglaon, isinilang niya si Abel at gayundin ang iba pang mga anak na lalaki at babae. Nang si Adan ay 130 taóng gulang na, nagsilang si Eva ng isang anak na lalaki na tinawag niyang Set, na sinasabi: “Ang Diyos ay naglaan sa akin ng isa pang binhi bilang kahalili ni Abel, sapagkat pinatay siya ni Cain.” May-kawastuan niyang masasabi ang mga pananalita niya noong isilang niya si Cain at si Set, yamang ang Diyos ang nagbigay sa kaniya at kay Adan ng kanilang kakayahang mag-anak, at dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos nang hindi Niya kaagad patayin ang babae noong labagin niya ang Kaniyang utos, nakapagsilang pa siya. Pagkasilang kay Set, ang ulat ng Genesis tungkol kay Eva ay natapos.—Gen 4:25; 5:3, 4.
Isang Tunay na Tao. Pinatototohanan ni Kristo Jesus mismo na si Eva ay talagang nabuhay at hindi lamang kathang-isip. Nang tanungin siya ng mga Pariseo tungkol sa diborsiyo, itinawag-pansin ni Jesus ang ulat ng Genesis hinggil sa paglalang sa lalaki at babae. (Mat 19:3-6) Karagdagan pa, sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na nangangamba siya na baka ang kanilang pag-iisip ay mapasamâ sa paanuman, “kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito.” (2Co 11:3) Nang maglaon, nang talakayin ni Pablo ang wastong dako ng babae sa kongregasyong Kristiyano, sinabi niya ang isang dahilan kung bakit hindi pinahihintulutan ang “babae na magturo, o magkaroon ng awtoridad sa lalaki,” samakatuwid nga, si Adan ang unang inanyuan at hindi ito nalinlang, “kundi ang babae ang lubusang nalinlang at nahulog sa pagsalansang.”—1Ti 2:12-14.