Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ezra, Aklat ng

Ezra, Aklat ng

Isang rekord na nagpapakita kung paano tinupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako na isauli ang Israel mula sa pagkatapon sa Babilonya at muling itatag ang tunay na pagsamba sa Jerusalem. Kalakip dito ang mga utos ng mga emperador na isauli ang pagsamba kay Jehova sa gitna ng mga Judio pagkatapos ng 70-taóng pagkatiwangwang ng Jerusalem at ang ulat ng mga pagsisikap na ginawa upang maisakatuparan ito sa kabila ng mga hadlang. Sa buong aklat, pangunahing pinagtuunan ni Ezra ng pansin ang nabanggit na layunin. Lumilitaw na ito ang dahilan kung bakit hindi isinama sa ulat ang mga naganap sa ilang yugto ng panahon, gaya niyaong nasa pagitan ng mga kabanata 6 at 7 ng aklat, yamang hindi naman sinisikap ng manunulat na magbigay ng isang kumpletong makasaysayang ulat ng mga pangyayari.

Manunulat. Bilang isang saserdote, iskolar, dalubhasang tagakopya, at taong ‘naghanda ng kaniyang puso upang magturo sa Israel ng tuntunin at katarungan’ at upang magtuwid ng mga bagay na depektibo sa isinasagawang pagsamba kay Jehova ng nakabalik na mga Israelita, si Ezra ay lubos na kuwalipikado na isulat ang aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Ang maharlikang kapangyarihan na iginawad sa kaniya ng hari ng Persia ay magbibigay sa kaniya ng karagdagang dahilan at awtoridad upang gumawa ng kinakailangang pananaliksik, at makatuwiran lamang para sa isang taong tulad niya na sumulat ng isang rekord ng mahalagang bahaging ito ng kasaysayan ng kaniyang bansa. (Ezr 7:6, 10, 25, 26) Samakatuwid, ang aklat ay matapat sa paggamit nito ng unang panauhan para sa manunulat mula kabanata 7, talata 27, hanggang kabanata 9. Sumasang-ayon ang karamihan ng mga iskolar na ang aklat ng Ezra ay isang pagpapatuloy ng kasaysayan mula sa bahaging hinintuan ng Mga Cronica, gaya ng makikita sa paghahambing ng 2 Cronica 36:22, 23 sa Ezra 1:1-3. Muli, ipinakikita nito na ang manunulat ay si Ezra. Kinikilala rin sa tradisyong Judio na si Ezra ang manunulat ng aklat.

Autentisidad. Ang aklat ng Ezra ay kabilang sa Hebreong kanon. Noong una, isinasama ito sa Nehemias upang bumuo ng iisang balumbon. Sinunod ng Babilonyong Talmud (Bava Batra 14b) ang tradisyong ito, ngunit mula noong ika-16 na siglo, pinaghihiwalay ang mga ito sa inimprentang mga Bibliyang Hebreo, bagaman sa mga iyon ay itinuturing na iisa ang dalawang aklat sa pagtuos sa kabuuang bilang ng mga aklat ng Hebreong Kasulatan. Ginagamit ng Douay Version ang mga katawagang Una at Ikalawang Esdras, kasuwato ng Griegong baybay. Gayunman, binabanggit nito na ang ikalawang aklat ay kilala rin bilang Nehemias. May isang apokripal na aklat sa Griego na tinatawag na Ezra III. Binubuo ito ng mga talata mula sa Ikalawang Cronica, Ezra, at Nehemias, gayundin ng ilang popular na alamat; may isang aklat din na may-kabulaanang tinatawag na Ezra IV.

Ang kalakhang bahagi ng Ezra ay isinulat sa Hebreo. Ngunit malaki-laki ring bahagi nito ang nasa Aramaiko, yamang kumopya si Ezra mula sa mga pampublikong rekord at opisyal na mga dokumento. Kabilang sa mga ito ang mga kopya ng mga liham sa mga Persianong hari mula sa mga opisyal “sa kabilang ibayo ng Ilog [Eufrates]” at ang mga tugon at mga batas ng hari na nagbibigay ng mga utos sa mga opisyal na ito. Gayundin, naglaan si Ezra ng maikling kasaysayan na nag-uugnay sa mga dokumentong ito. Noong panahon ni Ezra, Aramaiko ang wikang ginagamit sa pamahalaan at sa internasyonal na komersiyo. Ang mga bahaging Aramaiko ay matatagpuan sa mga kabanata 4 hanggang 7. Ang ilang impormasyon ni Ezra ay kinopya mula sa mga artsibong Judio, at, sabihin pa, ang bahaging iyon ay nasa Hebreo. Ang mga bagay na ito ay sumusuporta rin sa autentisidad ng ulat ni Ezra.

Iniulat ng Ezra 7:23-26 na itinaguyod ng pamahalaan ng Persia ang Kautusan ni Moises bilang dapat tuparin ng mga Judio at na sa gayong paraan ay nakatulong ang mga Persiano sa pagsasauli ng tunay na pagsamba. Ang mga pagtukoy ni Ezra sa mga Persianong hari ay nasa tumpak na pagkakasunud-sunod. Sa ngayon, tinatanggap ng karamihan sa mga iskolar ang katumpakan ng aklat, anupat tahasang sinabi ng The New Westminster Dictionary of the Bible na “hindi mapag-aalinlanganan ang pagiging mapananaligan ng kasaysayang nilalaman nito.” (Inedit ni H. Gehman, 1970, p. 291) Samakatuwid, ang rekord ng aklat ay maaasahan, at si Ezra ay isang tunay na tao sa kasaysayan.

Panahon at Tagpo. Ang aklat ng Ezra ay isinulat noong mga 460 B.C.E., kasabay ng mga aklat ng Mga Cronica. Nagsimula si Ezra sa pamamagitan ng paglalahad sa batas ni Ciro na isauli ang mga Judio mula sa Babilonya. Noong unang taon ni Ciro, ipinroklama ng Persianong haring ito ang pagsasauli. (Ezr 1:1) Ang Juda at Jerusalem ay naiwang walang tumatahan, noong taglagas ng 607 B.C.E., nang yaong mga itinira ni Nabucodonosor ay lumipat sa Ehipto. Ang ika-70 taon ng pagkatiwangwang ng Jerusalem, na siyang huling sabbath na ipinatupad sa lupain, ay magwawakas sa taglagas ng 537 B.C.E. Malamang na ang batas ni Ciro ay inilabas noong huling bahagi ng 538 B.C.E. o noong maagang bahagi ng 537 salig sa dalawang kadahilanan. Ang pagkatiwangwang ay kailangang umabot hanggang sa matapos ang ika-70 taon, at ang pinalayang mga Israelita ay hindi aasahang maglalakbay sa maulang taglamig, na siyang mangyayari kung ang batas ay ibinigay ilang buwan ang kaagahan. Malamang na inilabas ito noong maagang bahagi ng tagsibol ng 537 B.C.E. upang bigyan ang mga Judio ng pagkakataong makapaglakbay habang panahon ng tagtuyo, makarating sa Jerusalem, at maitayo ang altar sa unang araw ng ikapitong buwan (Tisri) ng taóng 537 B.C.E., na Setyembre 29 ayon sa kalendaryong Gregorian.​—Ezr 3:2-6.

Matapos ilahad ang tungkol sa Paskuwa at sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa na idinaos pagkatapos na makumpleto ang templo noong 515 B.C.E., nilaktawan ni Ezra ang kasunod na yugto ng panahon hanggang sa ikapitong taon ng paghahari ni Artajerjes, na hari ng Persia, noong 468 B.C.E., nang personal na lumitaw sa eksena si Ezra. Gumamit si Ezra ng unang panauhan mula kabanata 7, talata 27, hanggang kabanata 9 ngunit nagbago siya tungo sa ikatlong panauhan sa kabanata 10, sa gayo’y itinuon ang pansin sa gawain ng mga prinsipe, mga saserdote, mga Levita, at ng iba pa na nakabalik, anupat pantanging tinalakay ang pagtutuwid sa situwasyon niyaong mga nag-asawa ng mga babaing banyaga.

[Kahon sa pahina 766]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG EZRA

Ang muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem at ang pagsasauli roon ng tunay na pagsamba pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya

Sumasaklaw ng isang yugto na mga 70 taon kasunod ng pagbabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya

Nagpalabas si Ciro ng batas na nagpapalaya sa mga Judio, at isang nalabi ng mga Judiong tapon ang bumalik sa Jerusalem (noong 537 B.C.E.) upang muling itayo ang templo (1:1–3:6)

Ang muling pagtatayo ng templo (3:7–6:22)

Inilatag ang pundasyon noong ikalawang taon ng pagbabalik mula sa pagkatapon

Paulit-ulit na hinadlangan ng mga kaaway ang muling pagtatayo ng templo at nang maglaon ay nagtagumpay silang patigilin ang gawain hanggang noong pasiglahin ng mga propetang sina Zacarias at Hagai ang bayan na ipagpatuloy ang pagtatayo, noong ikalawang taon ni Dario I (520 B.C.E.)

Isiniwalat ng isang opisyal na pagsisiyasat sa mga rekord ng Persia sa Babilonya at Ecbatana na may pahintulot ni Ciro ang muling pagtatayo ng templo, kaya ipinag-utos ni Dario I na ipagpatuloy ang gawain nang walang hadlang, anupat itinakda ang parusang kamatayan para sa mga lalabag dito

Noong ikaanim na taon ni Dario I (515 B.C.E.), natapos ang pagtatayo ng templo, pagkatapos ay pinasinayaan ang gusali at ipinangilin ang Paskuwa

Pumaroon si Ezra sa Jerusalem (noong 468 B.C.E.) dala ang mga kaloob para sa templo at upang mag-atas ng mga hukom (7:1–8:36)

Ipinagkaloob ng monarkang Persiano na si Artajerjes (Longimanus) ang pahintulot para sa paglalakbay

Si Ezra at mga 1,500 lalaki, bukod sa 258 Levita at Netineo mula sa Casipia, ay lumisan mula sa lugar na kanilang pinagtipunan sa may ilog ng Ahava dala ang ginto, pilak, at mga kagamitan para sa templo; dumating sila sa Jerusalem pagkaraan ng mahigit tatlo at kalahating buwan

Nilinis ang Israel, kasama ang pagkasaserdote (9:1–10:44)

Nang mapag-alaman ni Ezra ang pagpaparungis ng iba sa pamamagitan ng pag-aasawa ng mga babaing banyaga, hayagan niya itong ipinagtapat sa panalangin kay Jehova

Inamin ni Secanias ang pagkakasala at iminungkahi niya ang paggawa ng isang tipan na ihiwalay ang mga asawang banyaga at ang mga supling ng mga ito

Ang lahat ng dating tapon ay inutusang magtipon sa Jerusalem; doon ay ipinasiya na paunti-unting imbestigahan ng mga prinsipe ang indibiduwal na mga kaso ng pagpaparungis

Isinagawa ng mga saserdote, mga Levita, at ng iba pang mga lalaki ang pagpapaalis sa kanilang mga asawang banyaga at mga anak