Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Febe

Febe

[Dalisay; Maliwanag; Maningning].

Isang Kristiyanong kapatid na babae ng unang-siglong kongregasyon sa Cencrea. Sa liham ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, “inirerekomenda” niya ang kapatid na ito sa kanila at nananawagan sa kanila na pagkalooban ito ng anumang kinakailangang tulong bilang isa na “naging tagapagtanggol ng marami, oo, sa akin mismo.” (Ro 16:1, 2) Maaaring inihatid ni Febe sa Roma ang liham ni Pablo o kaya ay sinamahan niya ang naghatid nito.

Tinukoy ni Pablo si Febe bilang “isang ministro ng kongregasyon na nasa Cencrea.” Nagbabangon ito ng tanong may kinalaman sa diwa ng pagkakagamit dito ng terminong di·aʹko·nos (ministro). Minamalas ng ilang tagapagsalin ang terminong ito sa opisyal na diwa kung kaya isinalin nila ito na “diyakonisa” (RS, JB). Ngunit ang Kasulatan ay walang probisyon para sa mga babaing ministeryal na lingkod. Minamalas ng salin ni Goodspeed ang terminong ito sa karaniwang diwa at isinalin itong “katulong.” Gayunman, ang pagtukoy ni Pablo ay maliwanag na may kinalaman sa pagpapalaganap ng mabuting balita, ang ministeryong Kristiyano, at binabanggit niya si Febe bilang isang babaing ministro na kaugnay sa kongregasyon sa Cencrea.​—Ihambing ang Gaw 2:17, 18.

Naglingkod si Febe bilang “tagapagtanggol ng marami.” Ang terminong isinalin na “tagapagtanggol” (pro·staʹtis) ay may saligang diwa na “babaing tagapagsanggalang” o “tagasaklolo,” anupat nagpapahiwatig ito hindi lamang ng kagandahang-loob kundi ng pagtulong sa iba na nangangailangan. Maaari rin itong isalin na “patrona.” Ang pagiging malaya ni Febe na maglakbay at magkaloob ng mahalagang paglilingkod sa kongregasyon ay maaaring magpahiwatig na siya ay isang balo at posibleng isang babaing may materyal na kayamanan. Kaya, maaaring nasa posisyon siya na gamitin ang kaniyang impluwensiya sa komunidad alang-alang sa mga Kristiyano na may-kamaliang pinaratangan, na ipinagtatanggol sila sa ganitong paraan; o maaaring naglaan siya sa kanila ng kanlungan sa panahon ng panganib, anupat naglingkod bilang isang babaing tagapagsanggalang. Walang ibinibigay na mga detalye ang ulat.