Fenix
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “puno ng palma”].
“Isang daungan ng Creta.” (Gaw 27:12) Ang barko na may lulang mga butil na sinakyan ni Pablo bilang isang bilanggo nang maglakbay siya patungo sa Roma ay nagtangkang maglayag mula sa Magagandang Daungan patungong Fenix upang doon dumaong sa panahon ng taglamig. Palibhasa’y pinanaigan ng isang bagyo, nang dakong huli ay nawasak ito sa pulo ng Malta.—Gaw 27:13–28:1.
Kung tungkol sa lokasyon ng Fenix, ang ipinahihiwatig lamang ng salaysay ng Mga Gawa ay na nasa K ito ng Magagandang Daungan, sa T na panig ng Creta, at na ligtas itong pagdaungan sa panahon ng taglamig. Dahil dito, dalawang lugar ang iminumungkahi. Ang isa ay ang Loutro, na nasa S panig ng isang tangos, mga 65 km (40 mi) sa K ng Magagandang Daungan, at ang isa pa ay ang Phineka, na nasa kabilang panig naman ng tangos na ito. Inilalarawan ng literal na tekstong Griego ang daungan sa Fenix bilang “nakatingin pababa [ka·taʹ] sa timog-kanlurang hangin at pababa [ka·taʹ] sa hilagang-kanlurang hangin.” Inaakala ng mga iskolar na pumapabor sa Loutro na ito ay nangangahulugang nakatingin “sa kahabaan ng” o “patungo” (ka·taʹ) sa direksiyon kung saan humihihip ang TK at HK hangin. (Gaw 27:12, tlb sa Rbi8) Dahil sa ganitong pagkaunawa, ang daungan ay sinasabing bukás ‘patungo sa HS at sa TS’ (RS, NW), isang paglalarawang maaaring tumugma sa malaking hating-bilog na pasukan patungo sa daungan sa Loutro. Ang Phineka, dahil sa istraktura nito, ay hindi na ginagamit sa ngayon bilang daungan, bagaman maaaring naapektuhan ng heolohikang mga pagbabago sa kapaligiran nito ang kaanyuan nito. Gayunman, ang Phineka ay may dalawang ilug-ilugan, ang isa ay nakaharap sa TK at ang isa naman ay sa HK. Kaya naman, inuunawa niyaong mga pumapabor sa lugar na ito na ang pananalitang “nakatingin pababa” ay nangangahulugang nakaharap sa direksiyon na pinagmumulan ng mga hangin sa halip na sa direksiyon kung saan humihihip ang mga ito.