Festo
[mula sa Lat., Pamista; Nagagalak].
Gobernador ng Romanong probinsiya ng Judea pagkaraang pabalikin si Felix sa Roma. (Gaw 24:27) Hindi malaman nang tiyak ang taon ng pagpapalit na ito ng gobernador; ang tanging mga mapagkukunan ng impormasyon ay ang Bibliya at si Josephus, at alinman sa mga ito ay hindi nagbibigay-liwanag sa pag-aatas na ginawa ni Nero. May dalawang pangkat ng mga kritiko, ang isa ay nangangatuwirang dumating si Porcio Festo sa Judea noon pang 54 C.E., ang isa naman ay nangangatuwirang noon lamang 61 C.E. Waring mas pinapaboran ng mga istoryador ang panahon sa pagitan ng 58 at 61 C.E. Ang taóng 58 C.E., gaya ng ipinapalagay ng Analytical Concordance to the Bible (p. 342) ni Young, ang waring pinakaposibleng petsa ng pagluklok ni Festo bilang gobernador ng Judea.
Tatlong araw pagkarating ni Festo sa Cesarea, naglakbay siya patungong Jerusalem, maliwanag na upang maging pamilyar sa mga problema ng mga taong pamamahalaan niya. Si Pablo ay nasa Cesarea, na naiwang bilanggo mula pa noong si Felix ang nangangasiwa. Hindi nag-aksaya ng panahon ang Judiong mga punong saserdote at mga pangunahing lalaki upang hilingin na dalhin siya sa Jerusalem, yamang umaasa silang matatambangan nila siya at mapapatay habang nasa daan. Sa halip, ipinasiya ni Festo na muling litisin si Pablo at iniutos sa mga tagapag-akusa na humarap sa kaniyang luklukan ng paghatol sa Cesarea. Pagkatapos ng “paglilitis,” si Festo ay naging kumbinsido sa kawalang-sala ni Pablo at nagtapat nang maglaon kay Haring Agripa II: “Napag-unawa ko na wala siyang nagawang anuman na karapat-dapat sa kamatayan.” (Gaw 25:25) Noong una, “sa pagnanais na makamit ang pabor ng mga Judio,” itinanong ni Festo kung handang pumunta si Pablo sa Jerusalem para litisin. (Gaw 25:9) Gayunman, tumugon si Pablo: “Walang sinumang tao ang makapagbibigay sa akin sa kanila bilang pabor. Umaapela ako kay Cesar!”—Gaw 25:11.
Napaharap ngayon si Festo sa iba namang problema. Sa pagpapaliwanag kay Agripa na mayroon siyang isang bilanggo na ipadadala sa Roma, ngunit wala pa siyang mga paratang na maihaharap laban dito, sinabi ni Festo: “Waring di-makatuwiran sa akin na ipadala ang isang bilanggo at hindi rin naman ipabatid ang mga paratang laban sa kaniya.” (Gaw 25:27) Nag-alok si Agripa na pakikinggan niya mismo si Pablo sa layuning malutas ang problema. Sa kaniyang pagtatanggol, napakahusay at lubhang makaantig-damdamin ang talumpating binigkas ni Pablo anupat napabulalas si Festo: “Nababaliw ka, Pablo! Itinutulak ka ng malaking kaalaman tungo sa kabaliwan!” (Gaw 26:24) Pagkatapos ay bumaling si Pablo kay Agripa taglay ang masidhing pamamanhik, anupat nasabi ni Agripa: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” (Gaw 26:28) Nang maglaon ay sinabi ni Agripa kay Festo: “Napalaya na sana ang taong ito kung hindi siya umapela kay Cesar.” Ang pasiyang ito ay dahil talaga sa patnubay ng Diyos, sapagkat patiunang ipinaalam ng Panginoon kay Pablo: “Lakasan mo ang iyong loob! . . . magpapatotoo [ka rin] sa Roma.”—Gaw 23:11; 26:32.
Kung ihahambing sa mapaniil na pangangasiwa ni Felix, yaong kay Festo ay itinuturing na kaayaaya sa kabuuan. Sinawata niya ang mga bandidong terorista na kilala bilang mga Mamamatay-tao, o Sicarii (mga lalaking may sundang), at sa iba pang mga paraan ay sinikap niyang itaguyod ang batas Romano. Gayunman, isang pasiya ni Festo ang binago matapos itong iapela sa Roma. Itinayo ni
Agripa ang kaniyang silid-kainan anupat nakatunghay ito sa sagradong lugar ng templo, at dahil dito ay nagtayo ang mga Judio ng isang pader upang harangan ang tanawin. Ipinag-utos ni Festo na alisin ang pader sa saligang natatabingan nito ang tanawin ng mga kawal, ngunit nang ang kaso ay iapela sa Roma, ang pader ay pinahintulutang manatili. Namatay si Festo habang nanunungkulan at hinalinhan ni Albinus.