Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Filemon

Filemon

[Maibigin].

Isang Kristiyanong may-ari ng alipin, kaugnay sa kongregasyon sa Colosas. Ang kaniyang bahay sa lunsod na ito sa timog-kanlurang Asia Minor ay nagsilbing isang dakong pinagtitipunan para sa kongregasyon doon. Si Filemon ay napatunayang isang pinagmumulan ng kaginhawahan para sa mga kapuwa Kristiyano at isang halimbawa sa pananampalataya at pag-ibig. Itinuring siya ng apostol na si Pablo bilang isang minamahal na kamanggagawa. (Flm 1, 2, 5-7; ihambing ang Col 4:9 sa Flm 10-12.) Ipinakikita ng pagnanais ni Pablo na makipanuluyan kay Filemon ang pagkamapagpatuloy ng taong ito.​—Flm 22; ihambing ang Gaw 16:14, 15.

Sina Apia at Arquipo ay waring mga miyembro ng sambahayan ni Filemon, yamang binabati rin sila sa personal na liham ni Pablo kay Filemon. Marahil ay si Apia ang asawa ni Filemon, at maaaring si Arquipo naman ang kaniyang anak.​—Flm 2.

Lumilitaw na si Filemon ay naging Kristiyano sa pamamagitan ng mga pagsisikap ni Pablo. (Flm 19) Gayunman, yamang hindi nangaral si Pablo doon mismo sa Colosas (Col 2:1), maaaring nakilala ni Filemon ang Kristiyanismo bilang resulta ng dalawang-taóng gawain ng apostol sa Efeso, noong “narinig ng lahat ng nananahan sa distrito ng Asia [na sumasaklaw sa Colosas] ang salita ng Panginoon.”​—Gaw 19:10.

Ilang panahon bago matanggap ang liham ni Pablo, si Filemon ay nilayasan ng kaniyang aliping si Onesimo. Ang takas na aliping ito ay posibleng nagnakaw pa nga ng salapi mula sa kaniyang panginoon upang gugulin sa kaniyang biyahe patungong Roma, kung saan nang dakong huli ay nakilala nito si Pablo at naging isang Kristiyano.​—Flm 10, 11, 18, 19; tingnan ang ALIPIN.