Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Filistia, Filisteo

Filistia, Filisteo

Palibhasa’y sumasaklaw ng isang lugar na malapit sa Jope sa H hanggang sa Gaza sa T, ang Filistia ay may haba na mga 80 km (50 mi) sa gilid ng Dagat Mediteraneo (Exo 23:31) at may lapad na mga 24 na km (15 mi) mula sa baybayin. Maliwanag na ang “dagat ng mga Filisteo” ay tumutukoy sa bahagi ng Mediteraneo na kahangga ng baybayin ng Filistia. Malayo ang naaabot ng mga burol ng buhangin sa kahabaan ng baybayin mula sa dalampasigan patungo sa loob ng lupain, kung minsan ay hanggang 6 na km (3.5 mi) pa nga. Maliban dito, ang rehiyon ay mabunga at tinutubuan ng mga butil, mga taniman ng olibo, at mga namumungang punungkahoy.

Sa kalakhang bahagi ng kapanahunan ng Hebreong Kasulatan, ang mga Filisteo ay nanirahan sa baybaying kapatagan at kabilang sa lantarang mga kaaway ng Israel. (Isa 9:12; 11:14) Bilang isang bayang di-tuli (2Sa 1:20) at politeistiko (Huk 16:23; 2Ha 1:2; tingnan ang BAAL-ZEBUB; DAGON), ang mga Filisteo ay mapamahiing sumasangguni sa kanilang mga saserdote at mga manghuhula kapag gumagawa ng mga pasiya. (1Sa 6:2; ihambing ang Isa 2:6.) At ang kanilang mga mandirigma, kapag humahayo sa pakikipagbaka, ay nagdadala ng mga idolo ng kanilang mga diyos. (2Sa 5:21) Sa loob ng kanilang lupain, kilalá bilang Filistia (Exo 15:14; Aw 60:8; 87:4; 108:9; Isa 14:29, 31), ay naroon ang mga lunsod ng Gaza, Askelon, Asdod, Ekron, at Gat. Sa loob ng maraming siglo, bawat isa sa mga lunsod na ito ay pinamamahalaan ng isang panginoon ng alyansa.​—Jos 13:3; 1Sa 29:7; tingnan ang ALYANSA, MGA PANGINOON NG.

Kasaysayan. Ang pulo ng Creta (kadalasang ipinapalagay na ito rin ang Captor), bagaman hindi tiyakang masasabi na orihinal na tahanan ng mga Filisteo, ang lugar na pinanggalingan nila nang mandayuhan sila sa baybayin ng Canaan. (Jer 47:4; Am 9:7; tingnan ang CAPTOR; CRETA.) Hindi matiyak kung kailan talaga nagsimula ang pandarayuhang ito. Gayunman, noon pa mang panahon ni Abraham at ng kaniyang anak na si Isaac, naninirahan na ang mga Filisteo sa Gerar na nasa timugang Canaan. Mayroon silang isang hari, si Abimelec, at isang hukbo sa ilalim ng pamumuno ng isang nagngangalang Picol.​—Gen 20:1, 2; 21:32-34; 26:1-18; tingnan ang ABIMELEC Blg. 1 at 2.

Tinututulan ng ilan ang mga pagtukoy ng Genesis sa paninirahan ng mga Filisteo sa Canaan, anupat ipinangangatuwirang namayan lamang doon ang mga Filisteo noong ika-12 siglo B.C.E. Ngunit ang pagtutol na ito ay walang matibay na saligan. Ganito ang puna ng New Bible Dictionary na inedit ni J. Douglas (1985, p. 933): “Yamang ang mga Filisteo ay binabanggit lamang sa di-biblikal na mga inskripsiyon noong ika-12 siglo BC, at ang arkeolohikal na mga labí na iniuugnay sa kanila ay hindi lumilitaw bago ang panahong ito, tinatanggihan ng maraming komentarista ang mga pagtukoy sa kanila noong kapanahunan ng mga patriyarka bilang lihis sa panahon.” Gayunman, upang ipakita kung bakit hindi makatuwiran ang gayong paniniwala, binanggit ang katibayan hinggil sa isang pagpapalawak ng kalakalan sa rehiyon ng Aegeano na mula pa noong mga ika-20 siglo B.C.E. Itinatawag-pansin na ang hindi pagbanggit ng mga inskripsiyon ng ibang bansa sa isang grupo dahil hindi ito prominente ay hindi nagpapatunay na hindi umiral ang grupong iyon. Ganito ang naging konklusyon sa New Bible Dictionary na iyon: “Walang dahilan kung bakit hindi mapapabilang ang maliliit na grupo ng mga Filisteo sa sinaunang mga negosyante sa rehiyon ng Aegeano, anupat hindi lubos na prominente upang mapansin ng mas malalaking estado.”

Nang umalis sa Ehipto ang Israel noong 1513 B.C.E., ipinasiya ni Jehova na huwag akayin ang mga Israelita sa daan ng Filistia (ang pinakadirektang ruta mula sa Ehipto patungong Lupang Pangako), sapagkat baka manghina ang kanilang loob dahil kaagad silang makikipagdigma at baka magpasiya silang bumalik sa Ehipto. (Exo 13:17) Malamang na hindi mamalasin ng mga Filisteo ang pagdating ng milyun-milyong Israelita bilang pagdaraan lamang ng mga taga-ibang bansa, na karaniwang tumatawid sa kanilang lupain. Sila noon ay isa nang nakapirming bayan, samantalang ang karamihan ng mga nasa rehiyon ng Sinai kung saan inakay ni Jehova ang Israel ay mga pagala-galang tribo at maraming rehiyon doon na hindi pa natatahanan kung saan maaaring pumasok ang Israel nang hindi ito mapapaharap kaagad sa labanan.

Noong panahong hati-hatiin ng matanda nang si Josue ang lupain sa K ng Jordan, ang mga teritoryong Filisteo ay hindi pa isinasama sa pananakop. (Jos 13:2, 3) Ngunit nang maglaon, nabihag ng mga lalaki ng Juda ang tatlo sa mga pangunahing Filisteong lunsod, ang Gaza, Askelon, at Ekron. Ngunit ito ay maliit na tagumpay lamang, sapagkat ‘hindi maitaboy ng Juda ang mga tumatahan sa mababang kapatagan, sapagkat mayroon silang mga karong pandigma na may mga lingkaw na bakal.’​—Huk 1:18, 19.

Noong panahon ng mga Hukom. Sa loob ng maraming taon pagkatapos nito, ang pananatili ng mga Filisteo at ng iba pang mga bayan sa Canaan ay nagsilbing pagsubok sa pagkamasunurin ng Israel kay Jehova. (Huk 3:3, 4) Muli’t muli silang hindi nakapasa sa pagsubok dahil sa pagsasagawa nila ng huwad na pagsamba. Kaya pinabayaan ni Jehova ang mga Israelita sa kanilang mga kaaway, kabilang na ang mga Filisteo. (Huk 10:6-8) Ngunit nang humingi sila sa kaniya ng tulong, may-kaawaan siyang nagbangon ng mga hukom upang iligtas sila. (Huk 2:18) Ang isa sa mga hukom na ito, si Samgar, ay nagpabagsak ng 600 Filisteo sa pamamagitan lamang ng isang tungkod na pantaboy ng baka. (Huk 3:31) Pagkaraan ng maraming taon, gaya ng inihula bago siya ipanganak, si Samson ‘ang nanguna sa pagliligtas sa Israel mula sa kamay ng mga Filisteo.’ (Huk 13:1-5) Ang katibayan ng tindi ng kontrol ng mga Filisteo noong maagang bahagi ng pagiging hukom ni Samson ay makikita sa bagay na, upang makaiwas sa gulo, dinala pa nga ng mga lalaki ng Juda si Samson sa mga Filisteo noong isang pagkakataon.​—Huk 15:9-14.

Nasaksihan ng propetang si Samuel ang paniniil mula sa mga Filisteo at nakibahagi rin siya sa pagtalo sa mga ito. Habang naglilingkod siya sa tabernakulo sa Shilo noong huling bahagi ng pagiging hukom ng mataas na saserdoteng si Eli, nagpabagsak ang mga Filisteo ng mga 4,000 Israelita sa lugar ng Apek at Ebenezer. Sa gayon ay ipinadala ng mga Israelita ang sagradong Kaban sa larangan ng pakikipagbaka, sa pag-aakalang magdadala ito sa kanila ng tagumpay. Pinag-ibayo ng mga Filisteo ang kanilang mga pagsisikap. Tatlumpung libong Israelita ang napatay, at ang Kaban ay nabihag. (1Sa 4:1-11) Dinala ng mga Filisteo ang Kaban sa templo ng kanilang diyos na si Dagon sa Asdod. Makalawang ulit na napasubasob ang mukha ng diyos na ito. Noong ikalawang pagkakataon ay nagkaputul-putol ang idolo. (1Sa 5:1-5) Pagkatapos ay inilipat-lipat nila ang Kaban sa iba’t ibang Filisteong lunsod. Saanman ito dalhin, nagkakaroon ng pagkakagulo at salot. (1Sa 5:6-12) Sa wakas, pitong buwan pagkatapos na mabihag, ang Kaban ay ibinalik sa Israel.​—1Sa 6:1-21.

Pagkaraan ng mga 20 taon (1Sa 7:2), humayo ang mga Filisteo laban sa mga Israelita na sa utos ni Samuel ay nagkakatipon sa Mizpa para sa pagsamba. Sa pagkakataong ito ay nilito ni Jehova ang mga Filisteo, anupat pinangyaring masupil sila ng kaniyang bayan. Nang maglaon, “ang mga lunsod na kinuha ng mga Filisteo mula sa Israel ay patuloy na nabalik sa Israel mula sa Ekron hanggang sa Gat.”​—1Sa 7:5-14.

Ang paghahari ni Saul hanggang sa pagsupil ni David. Gayunman, hindi rito nagwakas ang mga suliranin ng Israel sa mga Filisteo. (1Sa 9:16; 14:47) Lumilitaw na bago ang paghahari ni Saul ay nakapagtayo sila ng mga garison sa teritoryong Israelita. (Ihambing ang 1Sa 10:5; 13:1-3.) Ang mga Filisteo ay may sapat na lakas anupat nahadlangan nila ang mga Israelita sa pagkakaroon ng sariling mga panday, sa gayon ay pinanatiling walang sandata ang mga ito. Dahil din dito ay napilitan ang mga Israelita na pumaroon sa kanila upang magpahasa ng kanilang mga kagamitan sa pagsasaka. (1Sa 13:19-22) Napakalubha ng situwasyon kung kaya maging ang mga Hebreo ay pumanig sa mga Filisteo laban sa mga kapuwa nila Israelita. (1Sa 14:21) Gayunpaman, sa tulong ni Jehova, sa unang malaking kampanya ni Saul laban sa mga Filisteo ay napabagsak sila ng Israel mula sa Micmash hanggang sa Aijalon.​—1Sa 13:1–14:31; tingnan ang MICMAS(H).

Nang maglaon, nang makabawi sila mula sa pagkatalong ito, tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo upang makipaglaban sa Israel. Ang dalawang hukbo ay lumagay sa magkabilang panig ng Mababang Kapatagan ng Elah, sa Juda. Araw at gabi, sa loob ng 40 araw, ang mandirigmang si Goliat ay lumalabas mula sa kampo ng mga Filisteo, anupat hinahamon ang Israel na magharap ng isang lalaking lalaban sa kaniya sa isahang paghahamok. (1Sa 17:1-10, 16) Ang hamong ito ay sinagot ng pastol na si David, na nagpabagsak kay Goliat sa lupa sa pamamagitan ng isang bato mula sa kaniyang panghilagpos at pumatay kay Goliat sa pamamagitan ng sariling tabak nito. (1Sa 17:48-51) Pagkatapos ay tinugis ng mga Israelita ang tumatakas na mga Filisteo, anupat ibinuwal ang mga ito hanggang sa mga lunsod ng Gat at Ekron.​—1Sa 17:52, 53.

Pagkatapos nito, ipinagpatuloy ni David ang matagumpay na pakikidigma laban sa mga Filisteo. Kapag bumabalik siya mula sa pakikipagbaka, ang mga babae, bilang pagdiriwang sa tagumpay, ay magsasabi: “Si Saul ay nagpabagsak ng kaniyang libu-libo, at si David ay ng kaniyang sampu-sampung libo.” (1Sa 18:5-7; tingnan din ang 1Sa 18:25-27, 30; 19:8.) Naging dahilan ito upang manibugho si Saul kay David, anupat nang dakong huli ay kinailangang tumakas si David upang iligtas ang kaniyang buhay. Tumakas siya patungo sa Filisteong lunsod ng Gat. (1Sa 18:8, 9; 20:33; 21:10) Doon, lumilitaw na tinangka ng mga lingkod ni Haring Akis na ipapatay si David. Ngunit sa pamamagitan ng pagbabalatkayo ng kaniyang katinuan, nakaalis siya sa lunsod nang walang pinsala. (1Sa 21:10-15) Ilang panahon pagkatapos nito, bagaman tinutugis pa rin ni Saul, iniligtas ni David ang Judeanong lunsod ng Keila sa mga Filisteong mananamsam. (1Sa 23:1-12) Nang maglaon, dahil sa isang paglusob ng mga Filisteo sa teritoryong Israelita ay pansamantalang itinigil ni Saul ang paghabol kay David.​—1Sa 23:27, 28; 24:1, 2.

Dahil sa patuluyang pagtugis ni Saul sa kaniya, muling ipinasiya ni David na manganlong sa teritoryong Filisteo. Pagkatapos siyang malugod na tanggapin ni Haring Akis ng Gat, ibinigay kay David ang lunsod ng Ziklag. (1Sa 27:1-6) Pagkaraan ng isa o dalawang taon, nang ang mga Filisteo ay naghahandang makipaglaban sa mga hukbo ni Saul, inanyayahan ni Haring Akis si David na sumama sa kanila, palibhasa’y naniniwalang si David ay naging “isang alingasaw sa kaniyang bayang Israel.” Ngunit ang ibang mga panginoon ng alyansa ng mga Filisteo ay walang tiwala kay David, at dahil sa kanilang paggigiit, si David at ang kaniyang mga tauhan ay bumalik sa Filistia. Sa sumunod na pakikipaglaban sa Israel, ang mga Filisteo ay nagtamo ng isang malaking tagumpay at si Saul at ang tatlo sa kaniyang mga anak ay namatay.​—1Sa 27:12; 28:1-5; 29:1-11; 31:1-13; 1Cr 10:1-10, 13; 12:19.

Nang sa wakas ay mapahiran si David bilang hari sa buong Israel, sinalakay ng mga Filisteo ang Mababang Kapatagan ng Repaim (sa TK ng Jerusalem) ngunit dumanas sila ng kahiya-hiyang pagkatalo. (2Sa 5:17-21; 1Cr 14:8-12) Isa pang pagsalakay ng mga Filisteo nang maglaon ang nagwakas din sa tagumpay para sa Israel. (2Sa 5:22-25; 1Cr 14:13-16) Noong panahon ng kaniyang paghahari, marami pang ibang pakikipagbaka na ipinakipaglaban si David sa mga Filisteo at nagtagumpay siyang masupil sila. Gayunman, sa isang pagkakataon ay muntik na siyang mamatay.​—2Sa 8:1; 21:15-22; 1Cr 18:1; 20:4-8.

Mula sa paghahari ni Solomon at patuloy. Sa loob ng maraming taon pagkatapos nito ay wala nang ulat ng pakikipagdigma sa mga Filisteo. Ang anak ni David na si Solomon ay nagtamasa ng isang mapayapang paghahari (1037-998 B.C.E.), at ang kaniyang mga pamunuan ay umabot hanggang sa Filisteong lunsod ng Gaza.​—1Ha 4:21-25; 2Cr 9:26.

Pagkatapos ng mga 20 taon mula nang umiral ang sampung-tribong kaharian, ang mga Filisteo ay nanirahan sa Gibeton, isang lunsod sa Dan. Samantalang sinisikap niyang kunin ang lunsod, si Haring Nadab ng Israel ay pinatay ni Baasa, na pagkatapos nito ay nagsimulang mamahala bilang hari. (Jos 19:40, 44; 1Ha 15:27, 28) Ang Gibeton ay nasa ilalim pa rin ng kontrol ng mga Filisteo pagkaraan ng mga 24 na taon nang si Omri, pinuno ng hukbo ng Israel, ay magkampo laban dito.​—1Ha 16:15-17.

Habang naghahari si Jehosapat (936-mga 911 B.C.E.), maliwanag na ang mga Filisteo ay mga sakop niya, sapagkat nagdala sila ng mga kaloob at tributo. (2Cr 17:11) Ngunit, noong panahon ng pamamahala ng kaniyang anak na si Jehoram, sinalakay ng mga Filisteo at mga Arabe ang Juda at tumangay sila ng maraming samsam mula sa Jerusalem. Kinuha rin nilang bihag ang mga asawa at mga anak ni Jehoram​—lahat maliban sa bunso, si Jehoahaz. (2Cr 21:16, 17) Pagkaraan ng maraming dekada, matagumpay na nakipagdigma ang Judeanong si Haring Uzias laban sa mga Filisteo, anupat nabihag niya ang Gat, Jabne, at Asdod. Nagtayo pa nga siya ng mga lunsod sa teritoryong Filisteo. (2Cr 26:6-8) Gayunman, nasaksihan ng paghahari ng apo ni Uzias na si Ahaz nang bihagin ng mga Filisteo, at panirahan, ang maraming Israelitang lunsod mula sa Negeb hanggang sa hilagang hanggahan ng kaharian ng Juda. (2Cr 28:18) Bilang katuparan ng isang hulang binigkas ni Isaias (14:28, 29), sinaktan ng anak ni Ahaz na si Hezekias ang mga Filisteo hanggang sa Gaza.​—2Ha 18:8.

Makahulang mga Pagtukoy. Sinabi sa hula ni Joel na dahil ipinagbili nila ang “mga anak ni Juda” at ang “mga anak ng Jerusalem” sa “mga anak ng mga Griego,” ang mga Filisteo ay daranas ng gayunding pakikitungo. (Joe 3:4-8) Yamang lumilitaw na ang mga salita ng propetang si Joel ay itinala noong ikasiyam na siglo B.C.E., ang mga pagkatalo ng mga Filisteo sa mga kamay ni Uzias (2Cr 26:6-8) at ni Hezekias (2Ha 18:8) ay maaaring kalakip sa katuparan ng hulang ito.

Gayunman, maliwanag na isang mas malaking katuparan ang naganap pagkabalik ng mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonya. Iniuulat ng komentaristang si C. F. Keil: “Pinalaya ni Alejandrong Dakila at ng kaniyang mga kahalili ang marami sa mga Judiong bilanggong nahuli sa digmaan sa kanilang mga lupain (ihambing ang pangako ni Haring Demetrio kay Jonatan, ‘Payayaunin kong malaya ang gayong mga Judeano na ginawang mga bilanggo, at ginawang mga alipin sa aming lupain,’ Josephus, Ant. xiii. 2, 3), at ang ilang bahagi ng mga lupain ng Filistia at Fenicia ay ilang panahon na nasa ilalim ng pamumuno ng mga Judio.” (Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo X, Joel, p. 224) (Ihambing ang Ob 19, 20.) Kapansin-pansin din na kinuha ni Alejandrong Dakila ang Filisteong lunsod ng Gaza. Marami sa mga tumatahan doon ay pinatay, at ang mga nakaligtas ay ipinagbili sa pagkaalipin. Tinukoy rin ng maraming iba pang hula ang paglalapat ni Jehova ng paghihiganti sa mga Filisteo.​—Isa 14:31; Jer 25:9, 20; 47:1-7; Eze 25:15, 16; Am 1:6-8; Zef 2:5; Zac 9:5-7; para sa mga detalye tingnan ang ASDOD; ASKELON; EKRON; GAT; GAZA Blg. 1.

Sa Ezekiel 16:27, “ang mga anak na babae ng mga Filisteo” ay inilalarawang napahiya dahil sa mahalay na paggawi ng Jerusalem. (Eze 16:2) Lumilitaw na ang dahilan nito ay sapagkat walang katulad ang kawalang-katapatan ng Jerusalem sa kaniyang Diyos na si Jehova, samantalang ang mga Filisteo at ang iba pang mga bayan ay nanghawakang mahigpit sa pagsamba sa kanilang huwad na mga diyos.​—Ihambing ang Jer 2:10, 11.