Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gad

Gad

[Mabuting Kapalaran].

1. Anak ni Jacob sa alilang babae ni Lea na si Zilpa, na siya ring nagsilang sa nakababatang kapatid ni Gad na si Aser. Nang ipanganak siya sa Padan-aram noong mga 1770 B.C.E., bumulalas si Lea: “May mabuting kapalaran!”; dito nanggaling ang pangalang Gad. (Gen 30:9-13; 35:26) Sumama si Gad sa kaniyang mga kapatid sa dalawang paglalakbay patungong Ehipto upang kumuha ng mga butil mula kay Jose. (Gen 42:3; 43:15) Siya’y mga 42 taóng gulang nang siya at ang kaniyang pamilya ay lumipat sa Ehipto kasama ng kaniyang amang si Jacob noong 1728 B.C.E. (Gen 46:6, 7, 16) Pagkalipas ng 17 taon, nang si Jacob ay mamamatay na, pinagpala niya ang kaniyang 12 anak na lalaki, anupat sinabi tungkol kay Gad: “Kung tungkol kay Gad, isang pangkat ng mandarambong ang lulusob sa kaniya, ngunit lulusubin niya ang pinakahulihan.”​—Gen 49:1, 2, 19.

2. Ang tribo na nagmula sa pitong anak na lalaki ni Gad. Ang mga mandirigma ng tribo ay may bilang na 45,650 noong ikalawang taon pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto. (Gen 46:16; Bil 1:1-3, 24, 25) Ang Gad ay nasa tatlong-tribong pangkat na kinabibilangan ng Ruben at Simeon. Ang kanilang kampo ay nasa dakong T ng tabernakulo. (Bil 2:10-16) Kapag humahayo, ang pangkat ng Juda ang una, sumunod ay ang mga Levita mula sa mga pamilya nina Gerson at Merari na tagapagdala ng tabernakulo, at kasunod nila ang pangkat na kinabibilangan ng Gad. Si Eliasap na anak ni Deuel ang pinuno ng kanilang hukbo. (Bil 10:14-20) Sa katapusan ng paglalakbay sa ilang, ang mga lalaking mandirigma ng Gad ay 40,500 na lamang, anupat bumaba nang 5,150.​—Bil 26:15-18.

Teritoryo. Ang mga lalaki ng tribo ni Gad ay sumunod sa hanapbuhay ng kanilang mga ama na mga tagapag-alaga ng hayop. (Gen 46:32) Dahil dito, hiniling nila na maging kanilang teritoryo ang pastulang lupain sa S ng Jordan. Bilang tugon, iniatas ni Moises ang teritoryong ito kina Gad, Ruben, at sa kalahati ng tribo ni Manases, na marami ring alagang hayop. Gayunman, sinabi ni Moises na ito’y sa kundisyong tutulungan ng mga tribong ito ang iba pang mga tribo sa paglupig sa teritoryo sa K ng Jordan. Kaagad naman silang sumang-ayon, at pagkatapos magtayo ng mga batong kural para sa kanilang mga alagang hayop at ng mga lunsod para sa kanilang maliliit na anak, naglaan sila ng takdang bilang ng mga mandirigma upang tumawid ng Jordan para sakupin ang lupain. (Bil 32:1-36; Jos 4:12, 13) Ang teritoryo ng Gad ay dating nasasakupan ng mga Amorita, na tinalo ng mga Israelita sa pangunguna ni Moises.​—Bil 32:33; Deu 2:31-36; 3:8-20.

Ang lupaing nasasakupan ng Gad ay binubuo ng mabababang lupain sa kalakhang bahagi ng S pampang ng Ilog Jordan, anupat sa T ay halos hanggang sa Dagat na Patay, at sa H ay halos hanggang sa Dagat ng Kineret. Saklaw rin ng teritoryo ng Gad ang mas matataas na talampas, kasama ang agusang libis ng Jabok. Kaya ang isang malaking bahagi ng Gilead ay nasa teritoryo ng Gad. (Deu 3:12, 13) Ang kahangga ng Gad sa H ay ang Manases at sa T ay ang Ruben.​—Jos 13:24-28.

Pagkatapos na masakop ang lupain, binigyan ni Josue ang Gad ng bahagi sa samsam at pinauwi na sila. Pagkatapos nito, ang Gad ay nakisama sa Ruben at Manases sa pagtatayo ng isang malaking altar sa tabi ng Jordan. Ikinabalisa ito ng ibang mga tribo ngunit huminahon sila nang maipaliwanag na itinayo ang altar upang magsilbing saksi na sila, tulad ng mga tribo sa K ng Jordan, ay tanging kay Jehova sasamba. Ang altar ay katibayan na walang pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mga tribo sa S at sa K ng Jordan.​—Jos 22:1-34.

Ang lahat ng ito ay kasuwato ng pagpapala ni Jacob kay Gad: “Kung tungkol kay Gad, isang pangkat ng mandarambong ang lulusob sa kaniya, ngunit lulusubin niya ang pinakahulihan.” (Gen 49:19) Hindi ikinatakot ng tribo na ang isang panig (ang S) ng kanilang hangganan ay nakahantad sa mga pangkat ng mandarambong. Hindi nila piniling manirahan sa matataas na lupain sa silangan para lamang makaiwas sa pakikipaglaban para sa lupain ng Canaan. Ang huling mga salita ni Jacob kay Gad ay maituturing na isang utos na buong-pagtitiwalang gantihan ang mga mandarambong na sumasalakay sa kaniya at lumalampas sa kaniyang mga hanggahan. Higit pa riyan, lulusubin ng mga Gadita ang mga manlulusob, anupat patatalikurin ang mga ito sa pagtakas, at saka naman tutugisin ng mga Gadita ang pinakahulihan ng mga ito.

Binanggit din ni Moises ang mabubuting katangian ni Gad nang sabihin niya: “Pinagpala ang nagpapalawak ng mga hangganan ni Gad. Gaya ng leon ay tatahan siya, at lalapain niya ang bisig, oo, ang tuktok ng ulo. At kukunin niya ang unang bahagi para sa kaniyang sarili, sapagkat doon nakalaan ang takdang bahagi ng isang tagapagbigay-batas. At ang mga ulo ng bayan ay magpipisan. Ang katuwiran ni Jehova ay tiyak na ilalapat niya at ang kaniyang mga hudisyal na pasiya tungkol sa Israel.”​—Deu 33:20, 21.

Ang Ramot ng Gilead, na nasa teritoryo ng Gad, ay isa sa mga kanlungang lunsod na itinalaga ni Moises. (Deu 4:41-43) Ang iba pang mga lunsod ng mga Levita na nasa kanilang teritoryo ay ang Mahanaim, Hesbon, at Jazer. (Jos 21:38, 39) Ang lunsod ng Dibon, kung saan natagpuan noong 1868 C.E. ang bantog na Batong Moabita, ay isa sa mga lunsod na muling itinayo ng mga Gadita nang sakupin nila ang teritoryo.​—Bil 32:1-5, 34, 35.

Sinuportahan ng Gad si David. Noong panahong hindi makakilos si David dahil kay Saul, ilang Gaditang ulo ng hukbo ang tumawid sa Ilog Jordan habang kasalukuyan itong umaapaw upang pumanig sa kaniya sa Ziklag sa Juda. Inilalarawan sila bilang “magigiting at makapangyarihang mga lalaki, mga lalaking panghukbo para sa digmaan, na laging may nakahandang malaking kalasag at sibat, na ang mga mukha ay mga mukha ng mga leon, at sila ay tulad ng mga gasela sa ibabaw ng mga bundok sa bilis. . . . Ang pinakamababa ay katumbas ng isang daan, at ang pinakadakila ay ng isang libo.” (1Cr 12:1, 8-15) Sa pakikipaglaban sa mga Hagrita at sa mga kaalyado ng mga ito, sinabi tungkol sa kanila (at sa Ruben at Manases): “Sa Diyos sila humingi ng saklolo sa digmaan, at hinayaan niyang siya ay mapamanhikan sa kanilang ikabubuti sapagkat nagtiwala sila sa kaniya.” Bilang resulta, isang napakalaking bilang ng mga bihag at maraming alagang hayop ang napasakanilang kamay.​—1Cr 5:18-22.

Sumunod kay Jeroboam. Nang mahati ang kaharian, sinuportahan ng tribo ni Gad ang hilagang bahagi sa ilalim ni Jeroboam. Pagkalipas ng maraming taon, noong mga araw ni Jehu, nang ‘pasimulang ihiwalay ni Jehova nang unti-unti ang Israel,’ ang Gad na nakahantad sa silanganing hanggahan ay naging bahagi ng dako ng labanan sa pagitan ng hilagang kaharian ng Israel at ng Sirya. (2Ha 10:32, 33) Nang bandang huli, ang Gad ay nalupig ni Tiglat-pileser III, na hari ng Asirya, at dinala niyang bihag ang mga tumatahan doon. Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga Ammonita upang ariin ang teritoryong ito.​—2Ha 15:29; 1Cr 5:26; Jer 49:1.

Sa makahulang pangitain ni Ezekiel hinggil sa paghahati-hati ng lupain, ang bahaging nakaatas sa Gad ay nasa dulong T. (Eze 48:27, 28) Sa talaan ng mga tribo ng Israel sa Apocalipsis kabanata 7, binanggit ang Gad bilang ikatlo.

3. Isang propeta at tagapangitain. Pinayuhan niya si David na bumalik sa Juda noong naninirahan ito sa “dakong mahirap marating” sa yungib ng Adulam bilang isang takas mula kay Saul. (1Sa 22:1-5) Nang may-kapangahasang magpakuha si David ng sensus noong huling bahagi ng kaniyang paghahari, sa pamamagitan ni Gad ay pinapili siya ni Jehova ng isa sa tatlong kaparusahan. Nang dakong huli ay pinayuhan ni Gad si David na magtayo ng isang altar para kay Jehova sa giikan ni Arauna (Ornan). (2Sa 24:10-19; 1Cr 21:9-19) Si Gad ay nagkaroon ng bahagi sa pag-oorganisa sa mga manunugtog para sa santuwaryo. (2Cr 29:25) Karaniwan nang kinikilala na sina Natan at Gad ang tumapos ng Unang Samuel at sumulat ng buong Ikalawang Samuel.​—1Cr 29:29.