Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Galeed

Galeed

[Bunton na Saksi].

Ang lugar sa bulubunduking rehiyon ng Gilead sa S ng Jordan, kung saan gumawa ng tipan ang mga patriyarkang sina Jacob at Laban. (Gen 31:43-48) Ang pangalang “Gilead” ng rehiyong ito ay malamang na hinango sa “Galeed,” ang pangalang ibinigay noong una sa lugar na pinangyarihan nito noong mga 1761 B.C.E.

Bilang pagsunod sa utos ng Diyos, walang pasabing iniwan ni Jacob ang Padan-aram at ang paglilingkod niya kay Laban, na kaniyang tiyo at biyenan. (Gen 28:2) Dala ang lahat ng kaniyang ari-arian, ang kaniyang mga asawa at mga anak, tinawid ni Jacob ang Ilog Eufrates at nagtungo siya sa lupain ng Canaan. Pagkaraan ng tatlong araw ay hinabol siya ni Laban, kasama ang “mga kapatid” nito, sa agwat na pitong araw na paglalakbay. Nang dakong huli ay naabutan nito ang pulutong ni Jacob sa kabundukan ng Gilead sa H ng agusang libis ng Jabok.​—Gen 31:17-25.

Matapos magkasundo nang mapayapa, sina Jacob at Laban ay nakipagtipan sa isa’t isa. Kaugnay nito, si Jacob ay nagtindig ng isang batong haligi at nag-utos sa kaniyang “mga kapatid” na gumawa ng isang bunton ng mga bato, marahil ay sa anyong mesa, anupat doon nila kinain ang pagkain ng tipan. Pagkatapos nito, tinawag ni Laban ang lugar na ito ayon sa pangalan ng bunton, anupat binigyan niya ito ng Aramaikong (Siryanong) pangalan na “Jegar-sahaduta,” ngunit tinawag naman ito ni Jacob sa Hebreong “Galeed.” Sinabi ni Laban: “Ang bunton [sa Heb., gal] na ito ay isang saksi [sa Heb., ʽedh] sa akin at sa iyo ngayon.” (Gen 31:44-48) Ang bunton ng mga bato (at ang batong haligi) ay nagsilbing saksi sa lahat ng dumaraan doon. At gaya ng sinasabi sa talata 49, ito “Ang Bantayan [sa Heb., mits·pahʹ],” na nagpapatotoong si Jacob at si Laban ay nagkasundong panatilihin ang kapayapaan sa pagitan at sa loob ng kani-kanilang pamilya. (Gen 31:50-53) Nang maglaon, ang mga bato ay ginamit sa katulad na paraan bilang tahimik na mga saksi.​—Jos 4:4-7; 24:25-27.