Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gamaliel

Gamaliel

[posible, Gantimpala (Kaukulang Pakikitungo) ng Diyos].

1. Ang anak ni Pedazur mula sa tribo ni Manases, at ang pinuno ng kaniyang tribo. (Bil 1:10, 16) Si Gamaliel ay isa sa 12 pinunong itinalaga ni Jehova upang tumulong kina Moises at Aaron sa pagbilang sa mga anak ni Israel, mula 20 taóng gulang pataas, para sa hukbo. (Bil 1:1-4, 10) Siya ang namahala sa hukbo ng kaniyang tribo, na bahagi ng tatlong-tribong pangkat ng kampo ni Efraim. (Bil 2:18, 20; 10:23) Pagkatapos maitayo ang tabernakulo, naghandog ang mga pinuno, na itinagubilin ni Jehova na gagamitin sa pagsasagawa ng paglilingkod sa tolda ng kapisanan. Si Gamaliel ay nagharap din ng isang handog noong ikawalong araw para sa pagpapasinaya ng altar.​—Bil 7:1-5, 10, 11, 54-59.

2. Isang miyembro ng Sanedrin, isang Pariseo, at isang guro ng Kautusan, na sa kaniyang paanan ay tinuruan ang apostol na si Pablo ayon sa kahigpitan ng Kautusan ng mga ninuno. (Gaw 5:34; 22:3) Karaniwan nang ipinapalagay na si Gamaliel ang tinatawag na Gamaliel na Nakatatanda. Si Gamaliel na Nakatatanda ay lubhang iginalang, anupat siya ang kauna-unahang ginawaran ng titulong “Rabban.” Ang titulong pandangal na ito ay mas mataas pa kaysa sa titulong “Rabbi.” Tungkol sa kaniya ay sinabi ng Mishnah (Sotah 9:15): “Nang mamatay si Rabban Gamaliel na Nakatatanda, ang kaluwalhatian ng Kautusan ay naglaho at ang kadalisayan at pangingilin ay pumanaw.” (Isinalin ni H. Danby) Maliwanag na si Gamaliel ay may malawak na kaisipan at hindi panatiko sa kaniyang mga pangmalas, gaya ng mababanaag sa ibinigay niyang payo noong pagkakataong si Pedro at ang iba pang mga apostol ay dalhin sa harap ng Sanedrin. Sa pamamagitan ng pagbanggit ng mga halimbawa mula sa nakaraan, ipinakita ni Gamaliel ang katalinuhan ng hindi paghadlang sa gawain ng mga apostol at saka isinusog: “Kung ang pakanang ito o ang gawaing ito ay mula sa mga tao, ito ay maibabagsak; ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak . . . baka masumpungan pa kayong lumalaban mismo sa Diyos.”​—Gaw 5:34-39.