Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gamusa

Gamusa

[sa Heb., zeʹmer].

Isang maliit na antilopeng tulad-kambing na kilala sa mga sungay nito na mukhang pangawit, at sa kaliksihan at katatagan nito sa pag-akyat sa matataas na dako. Ang adultong lalaking gamusa ay maaaring umabot sa taas na 80 sentimetro (32 pulgada) hanggang sa balikat at maaaring tumimbang nang mahigit sa 30 kg (66 na lb). Kapag tag-araw, ang balahibo ng gamusa ay kulay kayumangging manilaw-nilaw na mas nagiging kayumanggi habang papalapit ang taglamig. Ang gamusa ay kasama sa talaan ng mga hayop na angkop kainin, ayon sa mga kahilingan ng Kautusan.​—Deu 14:5.

Hindi matiyak kung anong hayop ang tinutukoy ng salitang Hebreo na zeʹmer, na isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “gamusa” (KJ, AS, ER, NW, Yg), “kambing-bundok” (La), “tupang-bundok” (AT, JB, Mo, Ro), “antilope” (Le), at kung minsan ay tinutumbasan lamang ng transliterasyon na “zemer” (Kx). Ipinapalagay na ang Hebreong salitang-ugat na pinagkunan ng salitang zeʹmer ay nauugnay sa salitang Arabe na zamara (lumukso; tumakbo), anupat nagpapahiwatig ng isang hayop na paluksu-lukso, samakatuwid ay katulad ng isang gasela. Sinasabi ng ilang soologo na ang gamusa (Rupicapra rupicapra) ay hindi kailanman natagpuan sa Palestina. Gayunman, kapansin-pansin na matatagpuan sa mga kabundukan ng Carpathia at Caucasus ang ilang mga uri ng hayop na ito, anupat posibleng noon ay nagkaroon ng isang uri ng gamusa sa kabundukan ng Lebanon.