Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gasela

Gasela

[sa Heb., tseviʹ; tsevi·yahʹ (babaing gasela); tsa·vaʼʹ; tseva·ʼahʹ (babaing gasela); sa Gr., dor·kasʹ].

Alinman sa sari-saring uri ng matulin at magagandang maliit na antilope. Malamang na pamilyar ang sinaunang mga Hebreo sa Gazella dorcas, na matatagpuan sa Arabia, Ehipto, Palestina, at Sirya. Ang hayop na ito ay may haba na mga 1 m (3.5 piye) at may taas na humigit-kumulang sa 0.6 m (2 piye) hanggang sa balikat. Kapuwa ang lalaki at babae ay may hugis-lirang mga sungay na maaaring umabot sa haba na 0.3 m (1 piye) at parang nababalutan ng patung-patong na singsing. Ang kalakhang kulay ng gaselang ito ay maputlang abuhing-kayumanggi, anupat may matingkad at mapusyaw na mga guhit sa mukha at kulay puti ang tiyan at mga binti sa hulihan. Ang balahibo nito ay maikli at madulas. Ang isa pang uri ng gasela na maaaring kilalá ng mga Israelita ay ang mas malaki, mas matingkad at kulay-abuhing-kayumanggi na Gazella arabica.​—LARAWAN, Tomo 2, p. 955.

Ipinahihiwatig sa Kasulatan ang bilis ng gasela, na isa sa pinakamatutulin na mamalya. (Sol 2:17; 8:14) Itinulad sa gasela ang pagiging matulin ng kapatid ni Joab na si Asahel at ng ilang Gadita. (2Sa 2:18; 1Cr 12:8) Dahil sa pagbagsak ng Babilonya, ang kaniyang mga banyagang tagasuporta at mga kasamahan ay inihulang tatakas na tulad ng gasela patungo sa kani-kanilang lupain. (Isa 13:14) Binanggit din ang gasela bilang halimbawa ng mabilis na pagkilos para makaiwas sa silo.​—Kaw 6:5.

Malamang na dahil sa kagandahan ng anyo at galaw ng gasela, tinukoy ito sa ilang matitingkad na paglalarawan sa Awit ni Solomon (2:9; 4:5; 7:3). Binanggit din ang gasela nang panumpain ng Shulamita ang mga anak na babae ng Jerusalem, anupat parang pinananagot niya sila sa harap ng lahat ng bagay na magaganda.​—Sol 2:7; 3:5.

Ayon sa mga kundisyon ng Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang gasela ay maaaring kainin. (Deu 12:15, 22; 14:4, 5; 15:22) Isa ito sa mga karneng regular na inihahanda sa marangyang mesa ni Solomon.​—1Ha 4:22, 23.