Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gat

Gat

[Pisaan ng Ubas].

Isang lunsod ng mga panginoon ng alyansa ng mga Filisteo. (1Sa 6:17, 18) Palibhasa’y nasa dakong S ng Kapatagan ng Filistia, ang Gat ay nagkaroon ng malaking bahagi sa paghahalinhinan ng mga Israelita at mga Filisteo sa pamumuno sa lugar na iyon. Ang Gat ang lugar na pinagsilangan kay Goliat at sa iba pang mga higanteng mandirigma, at nanahanan doon ang mga Anakim noong tumawid ang Israel sa Jordan patungo sa Lupang Pangako. (Jos 11:22; 1Sa 17:4; 2Sa 21:15-22; 1Cr 20:4-8) Ang mga tumatahan sa Gat ay tinawag na mga Giteo.​—Jos 13:3.

Hindi kasama sa pananakop ni Josue sa Lupang Pangako ang teritoryong tinahanan ng mga Filisteo. Sa dakong huli pa ito isasagawa. Ngunit nang tagubilinan ni Jehova si Josue na iatas ang teritoryo sa mga tribo, kabilang sa iniatas sa Juda ang teritoryong kinaroroonan ng Gat.​—Jos 13:2, 3; 15:1, 5, 12.

Sa di-binanggit na mga panahon, kapuwa nakasagupa ng mga Efraimita at ng mga Benjamita ang mga Giteo, gaya ng pahapyaw na nabanggit sa mga talaangkanan.​—1Cr 7:20, 21; 8:13.

Noong mga araw ni Samuel, ang nabihag na kaban ng tipan ay dinala sa Gat, na nagdulot ng kapahamakan sa mga tumatahan sa lunsod. (1Sa 5:8, 9) Di-nagtagal pagkatapos nito, nasupil ng Israel ang mga Filisteo, at ang ilang lunsod na kinuha ng mga Filisteo mula sa Israel ay “patuloy na nabalik sa Israel mula sa Ekron hanggang sa Gat.” (1Sa 7:14) Nang maglaon, nang mapatay ni David ang Giteong higante na si Goliat, tinugis ng Israel ang mga Filisteo hanggang sa Ekron at Gat.​—1Sa 17:23, 48-53.

Pagkatapos nito, nang mapilitan si David na tumakas mula kay Saul, nanganlong siya sa Gat. Nang ang mga lingkod ni Akis na hari ng Gat ay magsimulang magsabi: “Hindi ba ito si David na hari sa lupain?” natakot si David at nagkunwaring baliw upang makatakas. (1Sa 21:10-15) Kumatha si David ng dalawang awit na nagpapaalaala sa karanasang ito sa Gat. (Aw 34:Sup; 56:Sup) Ngunit noong sumunod na pagdalaw ni David sa Gat, dumating siya, hindi bilang nagsosolong takas, kundi bilang lider ng 600 mandirigma at ng kanilang mga pamilya. Tiyak na dahil gustong makuha ni Akis ang suporta ni David laban kay Saul, pinahintulutan niya si David at ang mga tauhan nito na ligtas na makatahan sa bayan ng Ziklag hanggang noong mapatay si Saul pagkaraan ng 16 na buwan, na pagkatapos naman nito ay lumipat si David sa Hebron. (1Sa 27:2–28:2; 29:1-11; 2Sa 1:1; 2:1-3) Sa kaniyang panambitan para kina Saul at Jonatan, binanggit ni David na ang balita tungkol sa pagkamatay ni Saul ay magdudulot ng pagsasaya at pagbubunyi sa mga Filisteong lunsod ng Gat at Askelon.​—2Sa 1:20.

Noong panahon ng paghahari ni David, ang Gat at ang mga sakop na bayan nito ay napasakamay ng mga Israelita. (1Cr 18:1) Ang ilang lalaki mula sa Gat ay naging matatapat na tagasuporta ni David, at nang tumakas si David mula kay Absalom, may 600 Giteo na kabilang sa mga sumama sa kaniya. (2Sa 15:18) Ngunit noong panahon ng pamamahala ni Solomon, si Akis ay tinukoy pa rin bilang hari ng Gat. (1Ha 2:39-41) Maliwanag na si Akis ay isang basalyong prinsipe at hindi hari sa karaniwang diwa. (Tingnan ang ALYANSA, MGA PANGINOON NG.) Ang Gat ay muling itinayo at pinatibay ng kahalili ni Solomon na si Rehoboam.​—2Cr 11:5-8.

Nabihag ni Haring Hazael ng Sirya ang Gat mula kay Haring Jehoas ng Juda ilang panahon pagkatapos ng ika-23 taon ni Jehoas (876 B.C.E.). (2Ha 12:6, 17) Maaaring nabawi ng mga Filisteo ang kontrol sa lunsod nang maglaon, sapagkat muli itong binihag ni Uzias noong kaniyang kampanya laban sa kanila. (2Cr 26:3, 6) Tinukoy ng propetang si Amos at, pagkatapos, ng propetang si Mikas ang Gat bilang isang banyagang lunsod. (Am 6:2; Mik 1:10) Kasunod ng paghahambog ng Asiryanong hari na si Sargon tungkol sa paglupig niya rito di-nagtagal pagkatapos ng 740 B.C.E., wala nang karagdagan pang pagtukoy sa Gat sa kasaysayan, at hindi na ito kabilang sa mas huling mga pagbanggit sa Bibliya tungkol sa mga Filisteong lunsod.​—Zef 2:4; Jer 25:17, 20; Zac 9:5, 6.

Hindi alam kung saan ang eksaktong lokasyon ng Gat. Bagaman may ilang lugar na iminungkahi, ang arkeolohikal na mga paghuhukay sa karamihan sa mga lugar na ito ay hindi tumugma sa paglalarawan sa kasaysayan tungkol sa lunsod ng Gat. Pinapaboran ngayon ng ilang iskolar ang Tell es-Safi (Tel Zafit), na 18.5 km (11.5 mi) sa STS ng Asdod. Sinabi ni Yohanan Aharoni: “Yamang wala nang nalalabing angkop na gulod sa rehiyong ito na nasa gawing timog pa, dapat nating muling isaalang-alang ang naunang mungkahi na iugnay ang Gat sa Tell es-Safi. Ito ay isang malaki at katangi-tanging lugar na may kapanahong mababang lunsod na nakapalibot sa paanan nito kung saan natuklasan ang maraming kagamitang luwad ng mga Filisteo. Ang kinaroroonan nito kung saan pumapasok ang Wadi es-Sant (ang Libis ng Elah) patungo sa kanluraning Sepela ay katugmang-katugma ng ulat hinggil sa tagumpay ni David laban kay Goliat na Giteo. Ang labanan nila ay nangyari sa mas dako pang silangan sa pagitan ng Sochoh at Azeka (1 Sam. 17.1), at pagkatapos ay tinugis ng mga Israelita ang mga Filisteo ‘hanggang sa Gat . . . at sa mga pintuang-daan ng Ekron, anupat ang mga Filisteo na nasugatan ay nabuwal sa daan mula sa Saaraim hanggang sa Gat at Ekron’ (tal. 52).”​—The Land of the Bible, isinalin at inedit ni A. Rainey, 1979, p. 271.