Gat-rimon
[Pisaan ng Ubas sa Tabi ng Puno ng Granada].
1. Isang lunsod ng Dan (Jos 19:40, 41, 45) na iniatas sa mga Kohatitang Levita. (Jos 21:20, 23, 24) Batay sa 1 Cronica 6:66-70, waring ang Gat-rimon ay isang Efraimitang lunsod. Gayunman, salig sa katulad na ulat sa Josue 21:23, 24, naniniwala ang mga iskolar sa Hebreo na, dahil sa pagkakamali ng eskriba, isang bahagi ng teksto ang di-sinasadyang naalis at nawala. Kaya naman, iminumungkahi nila na isingit ang ganitong mga pananalita (katugma ng Jos 21:23) sa unahan ng 1 Cronica 6:69: “At mula sa tribo ni Dan, ang Elteke at ang pastulan nito, ang Gibeton at ang pastulan nito . . . ” Maaaring ito ang orihinal na mababasa sa teksto. Gayunman, hindi rin maipagwawalang-bahala ang posibilidad na ang Gat-rimon ay isang nakapaloob na Danitang lunsod sa teritoryo ng Efraim.
Karaniwang ipinapalagay na ang Gat-rimon ay ang Tell Jerisheh (Tel Gerisa), na mga 8 km (5 mi) sa HS ng makabagong Tel Aviv-Yafo.
2. Isang lunsod ng Manases na ibinigay sa mga Kohatitang Levita. (Jos 21:20, 25) Yamang ang nasa katulad na ulat sa 1 Cronica 6:70 ay “Bileam,” naniniwala ang maraming iskolar na ang huling nabanggit na pangalan ang orihinal na lumilitaw sa Josue 21:25 sa halip na Gat-rimon.—Tingnan ang IBLEAM.